The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Sosyal! Opinions Heart Evangelista: Habang Nasusugatan, Lalong...

Heart Evangelista: Habang Nasusugatan, Lalong...

heart_langit_sa_piling_moAng sumusunod ay ang ikapito sa walong bahagi ng mga pagsusuri ukol sa pinakasikat na mga young telenovela stars natin ngayon.

Sa lahat ng mga stars ng Kapuso network, isa na siguro sa pinaka-kontrobersyal si Heart Evangelista. Hindi tuloy kagulat-gulat na sa kanyang teleserye sa GMA-7, nakakasama niya ang isa rin sa pinaka-kontrobersyal na mga artista sa buong Pilipinas, walang iba kundi si Katrina Halili.

 

Hindi na baguhan si Heart sa showbiz, ngunit kung ikukumpara ang kanyang nagawa sa Kapuso network sa kasalukuyan sa nagawa niya sa Kapamilya network, hanggang ngayon, mas madali pa ring maalala si Heart bilang isang star ng ABS-CBN, dahil naging VJ siya ng MYX, nasabak sa G-Mik, at naging ex-girlfriend ni Jericho Rosales, na nakatambal niya sa “Panday”.

Kung talento lang ang pag-uusapan, wa ako ma-say kay Heart. Nahasa na iyan ng todo sa pagiging host, sa pag-arte, at sa kung anu-ano pang pinaggagawa niya noong Kapamilya pa siya, kung kaya’t sa totoo lang, maswerte ang Kapuso network nang makuha nila si Heart bilang isa sa kanilang stars noong 2008. Hinog na hinog na si Heart bilang isang artista, at hindi matatawaran ang kanyang abilidad na maging bida o kontrabida sa isang iglap dahil sa mukha niyang maamo kadalasan, ngunit matapang tuwing kinakailangan.

Sa kasalukuyan, medyo tahimik ang mga bali-balita tungkol kay Heart. Tila walang mga bagong intrigang lumalabas, at maganda naman ang nagiging tambalan nila ni Mark Anthony Fernandez. Matindi ang following niya, ngunit aminin na natin, pagdating sa GMA-7, may kakulangan ng established na go-to stars ang network para magdala ng kanilang mga programa: sina Marian Rivera, Rhian Ramos, at Heart lang mismo ang maasahan nila sa kasalukuyan. Sa kabilang dako, ang ABS-CBN, may Erich Gonzales, Angel Locsin, Judy Ann Santos, Kristine Hermosa, Bea Alonzo, Kim Chiu, at Angelica Panganiban.

Hindi pa handa si Carla Abellana bilang go-to star para sa GMA-7, hindi pa sinasabak sa teleserye si Claudine, hindi na active si Sunshine Dizon, lipas na ang kinang ni Jolina Magdangal, at warlahin na ako ng mga fans ni Regine Velasquez, pero wiz ko siya feel bilang teleserye star. Wala siyang kadating-dating, at mas mabuting kumanta na lang siya dahil parang naubos ang talento niya sa pag-arte matapos ang kanyang performance sa pelikulang Wanted: Perfect Mother.

Dahil diyan, napaka-importante ni Heart sa Kapuso network sa ngayon. Maaaring hindi pa talaga nakakatagpo ng matinding hit para sa kanilang alaga, ngunit kailangan lang naman mabigyan ng tamang pagkakataon ang dalaga, dahil kung tutuusin, kahit sikat si Heart noong Kapamilya pa siya, hindi rin naman gaanong naging successful ang mga teleserye niya sa ABS-CBN, lalo na ang walang kalatuy-latoy na Panday, na ang maipagmamalaki lang ay maganda ang theme song nito.

Sa totoo lang, ang tagumpay ni Heart ay hindi nasusukat sa mga role niya sa telebisyon, kundi ang mga role niya sa pinilakang tabing. Sino ba ang makakalimot sa napakalalim na pagganap niya bilang si Ayeng sa indie film na “Ay, Ayeng”? Makakalimutan ba natin ang walang-mintis niyang pagganap bilang Stephanie Uy sa “Mano Po 6”, kung saan nakapareha niya si Sharon Cuneta? Sa mga pelikula niya, nakita kung paano nahasa ang kakayahan ni Heart na maging bida, kontrabida, o kahit ano pang katauhan sa gitna ng dalawa. Iyan ang marka ng tunay na artistang handang gawin ang lahat upang malinang ang kanyang talento.

Sa mga darating na araw, magpapatuloy ang kanyang teleserye kung saan gumaganap siya bilang isang flight attendant. Kapani-paniwala siya sa role na ito, ngunit nakakalungkot lang sigurong isipin na hindi pa rin napapansin ng mga tao kung gaano kagaling si Heart: masasabing si Heart ang isa na siguro sa pinaka-underrated na mga artista sa showbiz sa kasalukuyan.

Wish ko lang para kay Heart, magka-lovelife na rin siya, para hindi palaging malungkot ang dating niya sa mga interview niya. Mukhang sugatan ang heart ni Heart hanggang ngayon, pero nakatitiyak ako na okay lang iyan, dahil habang nasusugatan, lalong napag-uusapan.

 


Photo screencap from zagvut.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Sosyal Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer