May grupo pala ngayon na kilala bilang “Ampalaya Anonymous”, at isa silang grupo ng mga babaeng “mapapait” daw ang mga lovelife: Angel Locsin, Maxene Magalona, Bubbles Paraiso, Cristine Reyes, Bianca King, Glaiza de Castro, at Rich Asuncion.
Normally, wala namang problema kung magsama-sama ang isang pangkat ng mga sikat na babae, hindi ba? Maliban na lamang kung mag-astang ala-“Mean Girls” sila, at magkaisa laban sa kung sino mang kawawang nilalang ang makakabangga nila.
Tila hindi maikakaila na ganun na nga ang nangyari.
Hindi na pala uso ngayon ang magsama-sama ang mga “Mean Girls” at pagtulungan ang isang babaeng hindi nila kasundo ng harap-harapan, kundi ang daanin na lamang ang lahat sa mga pasaring sa pamamagitan ng Twitter. Nakakalurkey din kung paano mag-deny to death si Maxene Magalona na may isyung namamagitan sa kanila ni Pauleen Luna na di-umano daw ay dahil kay JC Tiuseco.
Maxene, sana nga, hindi yan totoo. Tulad na rin ng hindi pagiging lasenggera ni Angel Locsin. Lalaki lang iyan, sisturr! Makakahanap ka rin ng iba, at hindi mo kailangang makipag-iringan pa kay Pauleen Luna para diyan!
At sana rin, Maxene, sabihan mo na rin si React Queen, ang iyong butihing inang si Pia Magalona, na wiz na siyang makialam sa mga isyu mo, dahil kaya mo naman ipagtanggol ang sarili mo. I think there’s room in showbizlandia for only one Anabelle Rama, wag na sanang gumaya pa si Pia diyan, although I agree: hindi niyo na kailangan ng gimik-gimik pa para pumatok ang inyong show ni Pauleen. Achieve na achieve naman kayo sa labanan ng akting lang, eh... pwera na lang kung madale kayo ulit sa ratings.
So hindi daw totoong pinagtulungan ng Ampalaya Anonymous si Pauleen Luna, at hindi rin daw nakikipag-agawan si Maxene kay Pauleen para sa puso ni JC. Eh ano ngayon? Aminin niyo na kasi na may dalawang malalaking “advantages” si Pauleen over Maxene, kaya kung (ahem) “patalbugan” lang ang pag-uusapan, mas makakalamang ang kapus-palad.
ChaBieber?
Pinagkakaguluhan ngayon ang video na itetch dahil maraming nagsasabing kuhang-kuha daw ni Charice ang pagkanta ni Justin Bieber. In fact, maraming nagsasabing mas magaling pa ang dalaga kaysa kay Justin Bieber, na aminin na natin, sa ayaw at sa gusto ng madlang people, ay sobrang sikat na sikat sa mga kabataan ngayon. Dinig ko nga, no less than our president, GMA, is a big (Este, small) Bieber fan!
Ang layo na rin ng nararating ni Charice sa industriyang kinagagalawan niya. Hindi na natin kailangan pang sabihin na mas magaling siya kay ganito o ganyan: kailangan lang nating makita kung gaano siya kagaling at ka-down-to-earth despite the fact na sobrang sikat na siya sa buong mundo ngayon. Nang minsang nagkita si Charice at ang inyong abang lingkod, muntik na akong ma-inlab kay Charice dahil ang cute niya at ang malumanay niya, na parang siya na lang ang hindi nakakaalam na celebrity siya at iniidolo ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Yun nga lang, naalala kong hindi nga pala lalaki si Charice, kaya ayun, na-tsugi ang aking moment.
Alam ninyo, hindi ko masyadong gusto si Perez Hilton dahil masyado siya mahilig mang-alipusta ng kung sinu-sinong mga artista at celebrities sa kanyang blog. Kaya siguro ako nagulat nang bigla siyang mag-may I declare to the highest heavens na fan din siya ni Charice. Akala ko kasi isa siya sa unang babatikos sa dalaga, kung kaya’t medyo natuwa din naman ako sa kanya.
Kung panonoorin ninyo ang video, kitang-kita kung gaano kabibo ni Charice sa pagkanta ng hit song ni Justin, at may umuugong-ugong na balita sa mga ibang tao na baka ito ang umpisa ng isang magandang relasyon, o kahit man lang “loveteam” between Charice Pempengco and Justin Bieber. Ay, ang ilusyonada naman ng mga ito, grabeh! Sino ba ang sira-ulong mag-iisip na nasa lebel ni Charice ang isang hamak na Justin Bieber, aber?
Sa sobrang sikat ngayon ni Charice, maraming mga tao ngayon ang nagsasabing kesyo mayabang daw siya, o ganito o ganyan. Eh ano ngayon? Kung papipiliin ako kung kanino ako mas proud, mas proud ako kay Charice kaysa kay Manny Pacquiao. Hindi nangailangan si Charice ng endorsement ng Iglesia ni Krista para maipakita sa buong mundo kung gaano siya kagaling, at wala akong problemang katawanin ng isang magaling na mangangawit ang lahing Pilipino kaysa katawanin ng isang basagulerong babaero.
Tado, Diyan Ka Nagkamali
Sa totoo lang, hindi ako gaanong fan ni Vice Ganda. Natutuwa akong naging successful ang kanyang Araneta concert, ngunit hindi ko feel na bumili ng ticket para mapanood siya doon, sa totoo lang.
Matagal na rin akong nakiking kay Tado. Sa totoo lang, isa akong tahimik na “Brewster” mula pa noong nandun sila sa Campus 99.5, hanggang bumalik ito sa 99.5 RT, hanggang lumipat sila ng U92. Kilala ko ang ugali ni Tado: matalino siya, magaling magpanggap na bobo, ngunit may laman ang sinasabi. Tila isang uri ng komentaryo sa lipunan ang estilo niya ng pamamahayag.
Kung tutuusin, hindi naman nakakagulat na may pagka-homophobic si Tado. Hindi ito dahil lamang sa mga naging hirit niya dati pa sa radyo, ngunit dahil na rin sa dami ng mga Pilipinong hindi pa rin matanggap na may lugar sa lipunan ang tinatawag na “third sex”. Isa itong salamin ng mundong kinagagalawan natin, kung saan ang mismong relihiyon na nangangaral ukol sa pagmamahal at pag-uunawa ay handang magbigay ng pagmamahal at pag-uunawa: maliban na lamang kung kapwa lalaki o kapwa babae ang iyong “minamahal” o “inuunawa”. Nakakatawa nga na mas pinakikialaman pa ng simbahan ang ginagawa ng mga tao sa kwarto nila kaysa ang ginagawa ng mga hinalal nating “lider” sa kaban ng ating bansa.
Nang humirit si Tado na “gay” ang performance ng isang grupo sa Showtime, nagpanting agad ang tenga ni Vice. Oo, aminin na nating mapanlait si Vice, pero sino naman ang tangang magsasabi na dapat palusutin ang isang mali dahil kapwa may mali din ang tinamaan? At bakit? Lahat ba ng mga “gay” ay kinakatawan ni Vice Ganda para sabihing dapat manahimik na lamang ang mga nainsulto sa sinabi ni Tado?
Noong sinabi ni Osang na huwag makinig sa mga guro dati, marami ang nagalit sa kanyang mga komento. Ngayong si Tado naman ang humirit laban sa bading, aba’t ipagtatanggol ba natin si Tado ng basta-basta ngayon? Ipagpalagay man nating nagbibiro lamang si Tado, hindi ito nangangahulugang maaari na nating tanggapin ng basta-basta ang kanyang mga komento. Kung malaya siyang tumuligsa ng bakla, malaya rin tayong tuligsain ang kakitiran ng kanyang utak.
Unang-una, bakit ba ang hilig nating sabihing “gay” ang isang bagay kapag ibig nating sabihing “walang kwenta” ito? Iyan ba ang gusto nating iparating? Na “walang kwenta” ang “gay”? Sino kayo para husgahan kami?!? Kayo lang ba ang nilalang ng Diyos para manghusga ng ganyan? Ang bilis ninyong pumalag kapag nilalait ang lahi ng mga Pinoy, pero pag nilalait niyo naman ang mga bakla at tomboy, feeling niyo, okay lang yun?
Bakit? Tingin niyo ba natutuwa ang mga tomboy kapag kinukumpara sila kay Jamby Madrigal? Ka-cheapan niyo, oi! Mas may class naman ang mga t-bird kaysa diyan.
Kaya nga’t kahit na matagal na akong nakikinig at natutuwa kay Tado, kailangan kong manindigan at sabihing mali ang kanyang mensaheng inilalathala. Hangga’t hindi ginagawang katatawanan sa lipunan ang pagiging bakla o tomboy, hindi natin mararating ang tunay na pagpapahalaga sa dignidad ng tao.
Oo, lahat tayo ay tao. Eh ano ngayon? Lahat man tayo ay tao, iilan lamang sa atin ang kakayaning magpakatao. Gusto mo man o hindi si Vice Ganda, nayayabangan ka man o hindi sa kanya, eh ano ngayon kung kapwa lalaki ang kasama niya sa kama tuwing gabi? Bakit? Paano nito maaapektuhan ang iyong pagkatao? Sino ang kanilang sinasaktan?
BABALA: Ang kolum na ito ay pawang kuro-kuro lamang ng isang baliw at ilusyonadang bakla, na may dalaw yata ngayon kaya ang init ng ulo. Hindi nangangahulugang sinasalamin ng kolum na ito ang mga opinyon ng POC. At kung sinasalamin man nito ang mga opinyon ng POC, eh ano ngayon?
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










