
Laglagan na!
Mga kaibigan, hindi na po napapailing ang inyong abang lingkod sa tuwing naghihiwalay ang mga showbiz couples. Hindi na rin po nagugulat ang inyong abang lingkod kapag may umaamin na lalaki na kapwa niya pala ang napupusuan niya. Sa totoo lang, sa mundo ng showbiz, tanggap naman natin na may halong kababawan itey, at iyan ang dahilan at ganito ang naging reaksyon sa paghihiwalay nina KC at Piolo.
Ngunit, subalit, datapwa't, ibang usapan ang naging hiwalayan nina Mo Twister at Rhian Ramos.
Ilang beses na rin nating natalakay ang dalawang iyan sa Eh Ano Ngayon. Matatandaang kung anik-anik na Purricat Dolls ang pinaulan natin kay Rhian, kahit na hindi natin gaanong ka-feel si Mo, maliban na lamang kung pinapahiya niya si Ara Mina. Marami ang nagulat nang nalaman nilang naging si Mo at Rhian, although sa totoo lang, obvious na obvious naman na sila na ng matagal-tagal. In denial lang siguro ang mga taong nasa paligid nila, lalo na ang mga fans ni Rhian.Ang wiz lang nila Beyonce Knows, talagang naging malalim ang relasyon nina Rhian at Mo, at hindi maaaring itago ang saya na kanilang kapwa nadama noong matatamis na unang araw ng kanilang pagsasama.
Ngunit dahil nauso na ang parinigan sa Twitter, nakitang hindi na kasing-saya si Mo sa kanyang mga Tweet. Marami ang kaagad nalaman na natapos na nga ang kanilang relasyon, at siyempre, pinutakte sila ng kung anu-anong intriga. Marami ang nagtatanong kung bakit sila naghiwalay, at kung kailan naman naging sila, aber?
Ang medyo hindi lang kaagarang napansin ay ang mga kakaibang Tweet ni Mo katulad ng mga ito...

Ikaw na! Ikaw na ang madrama! Imahe mula sa Filipinas In Showbiz.
May mga nagsabi ng kanilang hinala ukol sa mga Tweets ni Mo na obvious na patama kay Rhian, ngunit all throughout, quiet lang ang lola Rhian ninyo, na kitang-kita naman ang pagka-focus sa kanyang career. Hindi rin naman natin masisisi si Rhian, considering na high-profile star siya sa kanyang home network, at hindi siya pwedeng mahadlangan basta-basta dahil marami siyang kailangang gawin. Unti-unti, wala na masyadong usap-usapan tungkol sa kanilang dalawa, maliban na lamang sa ilang mga blind item na di-umano'y tungkol sa kanila sa ODK segment ng Disenchanted Kingdom sa 99.5 RT.
Matapos noon, biglang lumabas na lang ang video na itetchiwa.
Ang hirap panoorin! Wala kasing tissue si Mo, eh...
Hindi kaya ng inyong abang lingkod na magpatawa ng basta-basta, dahil medyo grabe ang mga alegasyon na lumilitaw sa video na itey. Unang-una, whether or not sang-ayon kayo sa abortion, illegal pa rin ito sa Pilipinas, at ikalawa, kung ito ang naging dahilan ng paghihiwalay nina Mo at Rhian, isang malaking bagay ito na kailangang talakayin hindi lamang ng mga fans nina Mo o Rhian, kundi mismo ng ating bansa, na hanggang ngayon ay nagkakagulo pa rin sa RH Bill.
Malalim na usapan itey dahil hindi natin alam kung saan lulugar sa mga sandaling ito. Oo, alam nating malaking usapin ang abortion sa Pilipinas, ngunit hindi rin naman natin dapat basta-basta husgahan si Rhian o si Mo dahil kung tutuusin, hindi ba ang mismong lipunan natin ang siyang nagdidikta sa mga tulad ni Rhian na isang balakid ang pagiging buntis? Kung ipagpapalagay nating totoo ang nilalaman ng video ni Mo, hindi ba hindi natin maaaring sabihin na si Rhian lamang ang may kasalanan sa pangyayaring itey?

May sala din ito!
Pareho na silang matatanda, at pareho na silang may kakayahang gumawa ng kanilang sariling mga desisyon, ngunit hindi pa rin natin maalis sa ating isipan na minsan talaga, may mga maling desisyon na dulot ng mundong ating ginagalawan. Oo, may kasalanan pa rin tayo sa sandaling ito. Ngunit, sana, huwag naman magmalinis ang mga nakapagdala sa dalawang ito sa ganitong hantungan, na hindi man lamang natin masukat ngayon kung gaano katindi ang hinagpis na pareho nilang pinagdadaanan ngayon.
Madaling sabihin na sana. hindi na lang sila nag-chorvahan kung hindi nila pala kayang panindigan, ngunit tapos na iyon. Ang pinapanalangin lamang ng inyong abang lingkod ay kung may katotohanan itong kwentong ito, hindi natin ito gamitin upang wasakin ang buhay nina Mo at Rhian, dahil kung iyan na nga ang mangyari, hindi ba iyan ang pinakamalaking hudyat na hindi nagkamali si Rhian na isiping malupit ang mundo sa isang disgrasyada, at hindi siya hahayaang mabuhay ng tiwasay na hindi hinuhusgahan basta-basta?
Marahil, sana lang naman, hindi na kinasuhan ni Rhian si Mo sa pangyayaring itey. Sa totoo lang, pareho lang silang nahirapan nang naghiwalay sila. Kahit na ano pa ang sabihin natin tungkol kay Mo, hindi mo maitatanggi na bilang isang ama, napapanindigan niya ang kanyang papel sa mga naging anak niya sa mga ex niya. Malayo namang isipin natin na hindi ganito pa rin ang kanyang gagawin kung sakaling nagka-anak nga sila talaga ni Rhian, at iyan na siguro ang dahilan kung bakit hirap na hirap siyang tanggapin ang kanyang sinasabing nangyari sa kanilang dalawa.
Sa totoo lang, ang hirap magsulat tungkol sa ganitong mga paksa, lalo na dahil kakilala ng inyong abang lingkod ang dalawang ito, at hindi katatawanan ang nangyari. Kung totoong nagpa-abort si Rhian, maari siyang kasuhan dahil labag ito sa ating batas sa kasalukuyan. Kung hindi naman ito totoo, isang malaking kalapastangan naman ang ginawa ni Mo sa pangalan ni Rhian dahil kahit ano pa ang sabihin natin, maraming mabibigat na implikasyon ang abortion, kahit kung hindi pa ito labag sa batas.
Oo, hindi perpekto sina Rhian at Mo, at kung sakaling totoo itey, parehong may nagawang malalaking pagkakamali ang dalawa. Eh ano ngayon?!? Kailangan pa ba natin sirain ang buhay niya dahil gusto lang natin makigulo? Sana naman, kahit minsan, matuto tayong umawat kaysa sipain pa ang tao kapag nakalugmok na sila at lahat-lahat. Ang mahalaga ngayon, ay alisin ang kanilang pangalan sa isyu, at sa wakas, talakayin ang mismong isyung kanilang kinasasangkutan ngayon, dahil ang mga usaping ito ay malinaw na saklaw ng RH Bill: oo, hindi magiging legal ang abortion, ngunit nararapat na bigyan ng makataong respeto at pagtrato ang mga nagpa-abortion, kahit ano pa ang sabihin natin. Huwag sana nating patunayan na tama si Rhian kung sakaling totoo ang kanyang ginawa: na oo, huhusgahan natin siya dahil sa kanyang mga ginagawa, kahit na wala namang kinalaman kung ilan ang kanyang anak sa galing niya bilang artistal.
Masyadong madali ang manghusga sa panahon natin ngayon, ngunit ang hirap naman mahusgahan sa panahon natin ngayon. Iyan talaga ang kabalintunaan ng lipunan, ano?
Babala: Ang kolum na ito ay naglalarawan ng saloobin ng manunulat lamang, at hindi ang mga saloobin ng The POC at mga editor nito. Ang nakaraang kolum din ay nagpapaumanhin sa seryosong paksang tinatalakay nito. Kung may angal pa kayo, Eh ano ngayon?!?
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










