Alam ninyo, nakakagulat ang nangyayari sa larangan ng musika ngayon dahil habang namamayagpag ang mga dyutay na grupo tulad ng Callalily, heto naman at nagkakawatak-watak naman ang mga bandang bumuhay sa industriya ng OPM sa nakaraang dekada. Ang pinaka-nakakatakot sa lahat ng ito ay hindi tayo nakakatiyak na ito na ang huli sa mga napipintong pangyayaring gigimbal sa OPM sa taong ito, dahil kakaumpisa pa lamang ng 2011, at hindi natin maaaring ipagkaila na marahil, ang mga pangyayaring nagaganap ngayon ang magsisilbing hudyat para sa ibang mga banda na talagang iba na ang larangan ng musika sa Pilipinas at hinding-hindi na nila maaaring marating ang kanilang dating narating. Nakakatakot man isipin, ngunit marahil, ito ang umpisa pa lamang ng isang bangungot na hindi natin maaaring hindi indahin.
Matagal na aketch sumusubaybay sa Sugarfree at sa Bamboo, at sobrang tuwang-tuwa ako dahil matapos noong dekada nobenta, hindi ko akalaing magkakaroon pa rin ng mga bandang kayang itaguyod ang banderang iwinagayway ng mga Eraserheads, Rivermaya (Pink Panther sa tindahan ni Aling Tale, alam kong galing dun si Bamboo.), Grin Department, at maging Parokya Ni Edgar, na hanggang ngayon, buhay pa rin. Kung hindi ako gaanong natutuwa sa mga pelikulang ipinapalabas natin kung minsan, hangga’t nariyan ang mga tulad ng Sugarfree at Bamboo, hindi ako gaanong na-didismaya sa ating mga tugtugin, kahit ilan pang kawalang-kakwenta-kwentang kanta ang ilabas ni Willie Revillame na hindi ko maintindihan kung bakit nag-pla-platinum pa rin.
Nang nalaman ko ang balita na aalis na si Ebe sa Sugarfree, nalungkot ako. Kasi naman, maganda ang takbo ng career nila, maraming sumusuporta sa kanila, at isa na siguro ako sa pinakasumuporta sa grupong itetchiwa na hindi nila kakilala. Tandang-tanda ko pa noong pinanood ko sila sa Music Museum at mangiyak-ngiyak ako nang tumugtog ang “Unang Araw” dahil naalala ko yung huli kong jowa na Tower Records pa naman. Napakaganda ng kanilang concert dahil ramdam na ramdam mo na matapos ang isang dekada ng tugtugan, handang-handa ang Sugarfree na magbigay ng isa pang dekada muli para sa kanilang mga tagahanga. Sino ba naman ang mag-aakalang hindi pa lumilipas ang isang taon, tila tatalikuran nila ang pangakong iyon?
Magpapatuloy pa rin naman daw ang Sugarfree, pero siyempre, iba talaga kapag ang bokalista mo mismo ang umalis sa banda mo. Kahit ano pa ang sabihin natin, ibang-iba ang Rivermaya nang umalis si Bamboo, at wala nang nakakilala sa Rivermaya nang iniwan itetchiwa ni Rico Blanco. Mahihirapan ang Sugarfree sa pag-alis ni Ebe, at dahil mangyayari na ito sa dulo ng Pebrero, aba, kailangan na rin maghanda ng banda para sa matinding suliranin na magaganap.
Hanggang ngayon, hindi pa siguradung-sigurado kung ano ang mangyayari kay Ebe pagkatapos niya umalis sa banda. Mag-so-solo artist ba siya? Aalis sa musika upang alagaan ang kanyang pamilya? Magtatayo ng bagong banda? Lilipat sa Bamboo at tatawagin itong BambEbe? Wala pa ring nakakaalam maliban na lang siguro kay Ebe at sa kanyang mga kabanda.
Mga ilang araw lamang mula nang sinabi ni Ebe sa Facebook at Twitter na aalis na siya, bigla namang lumitaw sa website ng Bamboo ang anunsyo na maghihiwalay na rin ang grupo. Sa ngayon, hindi pa alam kung ano ang mangyayari, dahil malinaw na hindi ito katulag ng Sugarfree kung saan isang miyembro lang ng banda ang kakalas. Marami ang nag-iispekula kung bakit itey naganap, at kung anu-ano ang gagawin ng mga kasapi ng Bamboo matapos ang lahat ng ito. May mga ibang iniisip na baka si Bamboo na ang sunod na maging bokalista ng Sugarfree at tatawagin itong Sugarcane.
Marami ang humahanga sa Bamboo hindi lamang dahil kahawig ni Bamboo si Chiz Escudero, kundi dahil kitang-kita ang lalim ng mga salita ng kanilang kanta mula sa pagiging makabayan hanggang sa pakikipaglaban sa mga kabulukan ng lipunan at ng sistema. Marahil, gasgas na ang mga usapin ukol sa pag-ibig sa ibang mga nakikinig sa musika, kung kaya’t ang mga malalaman na mga paksang ibinabandera ng Bamboo sa kanilang mga kanta ay talagang nakakapagpamulat sa kanilang mga tagapakinig. Bihira ang isang banda na hindi lang maganda ang tugtugan, kundi mayroon pang matinding mensaheng naipararating, at sa pagbuwag ng Bamboo, lalong nabawasan ang hanay ng mga ganitong banda: mga bandang hindi lamang gumigising sa damdamin ng nakikinig, kundi maging sa kanilang kamalayan, kung saan nauunawaan nila na ang sistema at mundong kanilang ginagalawan ay nangangailangan pa ring magbago.
Ito na ba ang hudyat ng katapusan ng OPM na ating minamahal at tinatangkilik? Kapag tinanggal mo ang mga bandang tulad ng Sugarfree at Bamboo, matitira na lang sa iyo ang mga mahilig gumawa ng remake at mga nakikiuso at mga novelty na kanta. Hindi naman siguro masama ang lahat ng remake o lahat ng novelty na kanta, pero namaaaaannnnn. Matapos ang dalawampung taon, ipagmamalaki pa rin natin ang “Noypi” at “Unang Araw.” Matapos ang limang taon, sino naman ang magsasabing napakaganda ng himig ng “Merry Christmas Na”?!? Aminin na nating matindi ang problema ng piracy sa bansa kung kaya’t medyo nahihirapan ang mga musikero sa ating bansang kumita, at tanggapin na rin natin na ang pagkamatay ng NU107 ay bumura sa isa sa mga kakaunting sandigan ng de-kalidad na OPM, at sa lugar nito, lalo lang dumagdag ang mga istasyon na nagpapa-engganyo sa mga Willie at mga Goldmon ng ating bansa. Kung hindi kayo nalulungkot sa balitang itey, aba’y ewan ko na lang kung gaano kabato ang mga puso ninyo. Hindi biro ang pagpunta sa mga maliliit na lugar upang tumugtog sa harap ng tatlong tao, tumanggap lang ng pamasahe at sisig, at gumugol ng ilang taon bago man lamang makilala bilang isang magaling na musikero.
Ang alam ko lang, kung anuman ang mangyari sa Sugarfree at sa Bamboo, karapat-dapat silang pasalamatan para sa kanilang himig, mensahe, at chorva. Isama na rin natin ang Siakol para sa “Ituloy Mo Lang.” Kung marami ang nalulungkot sa mga pagbabagong mangyayari sa industriya ng OPM ngayon, nawa’y huwag naman muna sumunod ang ibang mga banda dahil baka hindi na kami maka-recover sa mga dagok na itetchiwa.
Sa tingin ninyo, kapag nag-disband din ang Chicosci, maglalasalas ang kanilang mga fans? Eh ano ngayon?!? Kahit naman hindi mag-disband ang Chicosci, talaga namang maglalaslas yung mga fans nila, diba?
Images: Bamboo and Ebe from Flickr.com. Some rights reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









