The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Sosyal! Features Marife Necesito: Alagad ng sining

Marife Necesito: Alagad ng sining

Kuhang larawan ni Stefano Rota. Used with permission.Ginawa ang aktor hindi lamang para sa manonood kundi para rin sa sining.

Sa showbusiness ay hindi gaanong matunog ang pangalang Marife Necesito kahit makailangan beses na siyang lumabas sa mga pelikula—major outfit o independent produced films man. Hindi na rin mabilang ang commercials na kanyang nagawa.

Si Marife ay mas kilala sa daigdig ng teatro. Kung saan ang pangunahing kailangan ay husay at talino sa pagganap. Nagsimula noong dekada ‘90 bilang mag-aaral ni Cecille Guidote-Alvarez na siyang tagapagtayo ng Philippine Educational Theater Association (PETA) at kasalukuyang tagapangasiwa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Dulaang Bonifacio sa ilalim ng batikang aktres na si Angie Ferro. Naging regular actress sa Tanghalang Balintataw at Sining Sambaydiwa sa pangangasiwa nina George Vail Khabristante at Siegfried Sepulveda.

Lumabas siya sa mga pelikulang ‘Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino’ ni Lav Diaz, ‘Mumbaki’ ni Antonio Jose Perez, ‘Sa Pusod ng Dagat’ ni Marilou Diaz-Abaya, at napakarami pang iba.

Noong mga nakaraang buwan ay nagkaroon ng audition para sa isang international film ang director na si Lukas Moodysson. Ang pelikula ay pinamagatang ‘Mammoth’ na nai-shooting sa New York at Thailand.

Maraming artista ang nag-audition kabilang na ang ilang kilala at magagandang aktres sa local showbiz. Ngunit sa kahuli-hulihan ay si Marife ang napili upang gumanap ng karakter na Pilipina sa pelikula.
Ang ‘Mammoth’ ay naging entry sa 2009 Berlin Internation Film Festival at nakakuha ng papuri sa mga kritiko.

Ang direktor at cast ng pelikulang Mammoth. Larawan mula kay Marife Necesito.

 

Nakapanayam ng POC si Marife tungkol sa iba pang karanasan niya sa buhay:

 

POC: Paano ka nagsimula sa theater?

Marife: Naging scholar ako at workshopper sa Dulaang Balintataw under Cecille Guidote-Alvarez at Sigfried Sepulveda.

Paano ka namang napunta sa pagsusulat sa komiks at pocketbooks?

Marife: Third year higschool ako noon sa pagkakatanda ko, naglakas-loob akong pumunta sa GASI at Atlas Publication para humingi ng sample script sa komiks kung paano gawin ang sistema. Nagsipag at nagtiyaga sa pagsa-submit hanggang may mga napili naman ang mga editor sa mga sinulat ko. Tapos yun na...

POC: Mahilig kang magpinta at oil pastel ang iyong favorite medium?

Marife: Oo. Bata pa lang ako hilig ko na ang magpinta. Nag-aral ako sa Malabon, sa TNK Youth Center na ang founder ay si Ms. Loretta Marquez na naging artista noong araw. Doon ako mas lalong nahasa at natuto. Madalas kong ipinta noon ay still life, landscape, seascape at abstract.

POC: May struggling years ka ba sa teatro at sa pagsusulat sa komiks?

Marife: Oo. Lahat naman ‘ata ng artist ay nagdaan sa matitinding struggle. Pampalalim yun ng talent at pagkatao para sa akin. Kapag pinili mong maging artist, dapat handa kang magutom (sabay tawa).

Ang direktor at mga cast ng pelikulang Mammoth. Larawan mula kay Marife Necesito.POC: Ano ang nagbibigay sa iyo ng inspirasyon at bakit hindi ka bumitaw sa teatro?

Marife: Passion. Yung natutunan ko sa teatro at mga naging kaibigan ko ang mga naging inspirasyon ko upang hindi bumitaw. Saka ibinabalik talaga siguro ako ng tadhana sa tunay kong tahanan.

POC: Napili ka bilang isa sa major cast ng international film na Mammoth, ikuwento mo kung paano ka nagsimula dito?

Marife: Naalala ko, mga pito ‘atang audition ang pinuntahan ko nu’ng araw na ‘yun sa Makati. At pampito ang Mammoth. Madugo ang audition.Two hours bawat actress na mag-a-audition. Russian acting ang pinagawa sa akin.

POC: Ano ang Russian acting? Ano ang pinagkaiba nito sa acting ng Pinoy at American?

Marife: Ang Russian acting kasi, sa pagkakaunawa ko, ay pumapasok ka ng direkta sa character mo at kinukompronta mo ito sa kalooban mo, kung ano ang pakiramdam niya sa sitwasyon niya na hindi mo siya hinuhusgahan, bagkus ay iniintindi mo siya bilang ikaw siya. Upang hindi maging judgemental ang atake mo sa iyong ginagampanang papel. Kinakailangan para sa akin as an actor na nagtatagpo ako ( aktor) at yung character ko upang mahanap ko sa aking sarili kung ‘yun bang papel na ginaganapan ko ay magiging buhay sa pinilakang tabing o sa teatro. Pero kinakailangan pa din para sa akin na hindi ako masyadong ma-attached sa karakter ko pagkatapos ng palabas upang maging healthy pa rin ako mentally at emotionally kundi baka durugin ka nito. Si Constantin Stanislavsky kasi ang unang nagturo ng Russian acting, tapos si Lee Strasberg. Depende kasi sa actor kung ano ang napag-aralan niya. Maraming Filipino actors, especially sa theatre, ang napag-aralan at nag-aaral nito.

POC: Ano ang mga experiences mo sa ilalim ng mga foreign directors at actors? Sinong mga Hollywood actress ang mga nakasama mo na? Anong mga karanasan ang hindi mo makakalimutan?

Marife: Si Lukas Moodysson, ang director ng Mammoth, para sa akin, ay napaka-sensitive na direktor at bilang tao. Naipakita niya ang kalagayan at tunay na pakiramdam ng mga taong biktima ng globalisasyon. Ang international actor na si Gael Garcia Bernal, Michelle Williams at Sophie Nyweide ang mga foreign actors na nakasama ko sa movie.

POC: Sunod-sunod din ang labas mo sa mga indie films, ibig bang sabihin nito ay talagang napapansin na ang husay mo sa pagganap?

Marife: Sana. Hindi naman sunud-sunod, nagkakataon lang na sabay sabay silang nag-showing this year.

POC: Sa tingin mo, ano na ang lagay ngayon ng pelikulang Pilipino?

Marife: Nalulungkot ako sa kalagayan ng industriya ngayon. Naghihingalo na ang mainstream cinema at madaming nawalan ng trabaho. Masakit na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipaglalaban ang royalty fees ng mga creative at artistic people ng industriya—mga batikang artista, musikero, production designers at DOP.

POC: Future plans?

Marife: I live one day at a time.

 

Kuhang larawan ni Stefano Rota. Used with permission.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Sosyal Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer