Tuloy na tuloy na sana ang pagbenta ng Vera Couture kay Christian kung hindi dahil sa nakita ni Gelai. Nasaksihan kasi niya ang pagkikita nina Victoria at Christian at nagtaka siya na kung bakit sa lahat ng pagkakataon, nagkita pa ito sa araw mismo ng pirmahan ng kontrata. Isinatinig niya ang pagdududang yun sa board meeting mismo, kaya't walang pagbebentang naganap. Dahil sa pangyayaring ito lumalim ang galit ni Victoria kay Gelai dahil siya na naman ang dahilan ng lahat, parati na lang si Gelai ang dahilan kung bakit hindi natutuloy ang mga plano niya.
Dala ng sobrang pagsisisi at kagustuhang makabawi sa anak, nagdesisyon si Manuel na ibenta na ng tuluyan ang Vera Couture kay Victoria, hindi dahil sa iyon ang makakabuting gawin para sa kumpanya ngunit dahil ito ang kagustuhan ng anak. Ito naman ay tinutulan ni Vera. Malaking insulto sa kanya na mapupunta ang lahat ng kanyang pinaghirapan kay Victoria – ang anak ni Manuel, ang taong dahilan kung bakit nawala ang kanyang kaisa-isang anak.
Gumawa ng paraan si Vera upang hindi matuloy ito. Nilapitan niya si Paul (Christian Vasquez), isang milyonaryong artist na may kakayahang sagipin ang Vera Couture ngunit iba ang kapalit na gusto ni Paul, gusto nito ang isang gabing pagsasama nila ni Vera. Natural na hindi naman sumang-ayon dito si Vera dahil mahal na mahal niya si Manuel.
Maliban sa problema ni Vera sa kumpanya, may isa pang bagay na bumabagabag sa kanya. Nalaman na rin niyang si Gelai ang anak ni Manuel na itinuring na nilang patay. Nalaman niya ito ng minsan nakita niya ang pirma sa likod ng litrato ni Manuel at ng pamilya niya, ang initials na “SA” ay siya ring mga letra sa mga designs sa notebook ni Gelai. Tinanong niya si Gelai tungkol dito at nalaman niyang ang tunay na ina nito ang may-ari ng mga designs – si Stella Abella (Dimples Romana)!
Ngayong alam na ni Vera na buhay ang bunsong anak ni Manuel at kapatid ni Victoria na si Angela, lalong tumindi ang galit niya dito. Alam niyang mawawala si Manuel sa kanya sa oras na mabuo ang pamilya nito. Gagawa siya ng paraan upang patalsikin ni Gelai sa Vera Couture, sa kumpanya niya at sa buhay nilang mag-asawa. Anong mga hakbang ang gagawin ni Vera upang hindi malaman ni Victoria ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Gelai?
Sa usapin naman ng bentahan ng Vera Couture, kagustuhan pa rin ni Manuel ang nasunod. Ibinenta nila kay Victoria ang Vera Couture at siya na ang nagmamay-ari ng major shares ng kumpanya. Paano na ang samahan ng Vera Couture gayong ang pinakamalaki nilang karibal ang nagmamay-ari na nito ngayon? Magpapatalo na lang ba si Vera?
Nagkatampuhan naman si Gelai at Louie. Maganda na sana ang pagsasama nila kung hindi lang dahil inamin ni Louie na hanggang ngayon nasasaktan pa rin siya sa nangyari sa kanila ni Victoria. Inakala ni Gelai na ginagamit lang siya ni Louie upang makalimutan nito si Victoria dahilan upang magtampo siya kay Louie. Ano nga ba ang totoong nararamdaman ni Louie? At si Gelai ba ay nahuhulog na sa kanya?
Kaabang-abang na nga ang mga susunod na eksena sa Magkaribal – ang mga pagtatagpo nina Vera at Victoria sa Vera Couture, ang sikretong alam ni Vera at ang relasyon nina Gelai, Louie at Caloy.
Photo screencap from ABSCBNLoyal.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









