Napasok na nga ni Gabriel ang Isla Noah. Kung paano ay hindi niya maipaliwanag dahil nagising na lang siya na nasa dalampasigan na siya ng Isla. Totoo nga ang kasabihan ng mga taong nasa kabilang isla, na hindi mo makikita ang Isla Noah, ito ang magpapakita sa ’yo. Engkantado ang isla kaya naman kakaibang pamumuhay ang nasaksihan ni Gabriel dito. Nakita niya ang iba’t ibang hayop na hindi pa niya nakikita sa buong buhay niya, mga hayop na wala sa daigdig ng mga tao.
Ginalugad ni Gabriel ang buong Isla at sa kanyang paglalakbay nasusundan na pala siya nila Eli at Lotlot. Takang-taka si Eli dahil parehas sila ng itsura ni Gabriel. Sikreto nilang sinundan si Gabriel habang ito ay naglilibot sa gubat, habang ito ay natutulog at habang ito ay kumakain. Alam ni Gabriel na may mga nagmamasid sa kanya pero hindi niya ito makita dahil nga mabibilis kumilos ang mga ungta. Isinikreto nina Eli at Lotlot ang kanilang nalaman kay Pinunong Gideon ngunit nalaman din ito ng huli ng minsang paglaruan ng dalawa si Gabriel. Kinuha nila ang bag nito na may lamang mga gamit. Galit na galit si Gideon dahil hindi agad sinabi nina Eli at Lotlot na napasok na ng tao ang Isla Noah. Katwiran ni Eli mukha namang mabait yung tao kaya hindi nila sinabi agad. Sa kasamaang palad narinig ni Caleb ang usapan nila at nagmadali itong hanapin ang taong nakapasok sa Isla.
Hindi aakalain ni Gabriel na sa ganoong sitwasyon niya makikita ang kanyang anak na si Jacob. Positibo siyang ang batang nahawakan niya sa gubat ay si Jacob – muntik na kasing mahulog ito ng tumama sa puno. Ngunit gustuhin man niyang kausapin ito, iba ang salita ng bata, hindi sila magkaintindihan. Lalo pang umigting ang pagdududa ni Gabriel ng sumaludo siya kay Eli, dahil sumaludo ito pabalik sa kanya – saludo na tanging anak niya lang ang makakagawa. Sa pagkakataong iyon dumating si Gideon, na sa tingin ni Gabriel ay taong unggoy na may hawak sa anak niya. Kinuha nito si Eli at dumating naman ang grupo nina Caleb. Nakipaghabulan dito si Gabriel hanggang nahulog siya sa talon. Paggising niya, nasa ibang dimensiyon na naman siya at wala na ang Isla Noah.
Bumalik si Gabriel sa isla ng mga tao na buo ang pag-asang makukuha na niya ang anak na si Jacob. Sinubukan niyang hanapin itong muli ngunit siya ay nabigo. Sa kabilang banda, nalaman naman ni Judah na nagkita pala sina Ruth at Gabriel at dala ng sobrang galit dito, nasaktan niya ito – bagay na ikinagalit ni Gabriel. Lalo siyang nakumbinsing kunin na talaga si Jacob upang mabuo na ang pamilya niya.
Ang Isla Noah naman ay kasalukuyang nagkakagulo dahil gustong mamuno ni Caleb. Umabot sa puntong pinagtangkaan niya ang buhay ni Pinunong Gideon dahilan upang siya ay ipakulong nito. Napagdesisyunan naman ni Gideon na pumunta sa isla ng mga tao upang hanapin si Takipsilim dahil kailangan na nila ang tulong nito upang mapanatiling tama ang daloy ng kalikasan. Nakikita na kasi nilang unti-unti ng nasisira ang isla at nahihirapan na si Inang Gaia, ang Diyos ng mga ungta.
Ano ang mangyayari kay Pinunong Gideon sa isla ng mga tao? At paanong makababalik si Gabriel sa Isla Noah para tuluyan ng makuha si Jacob?
Photo screencap from Pinoy Channel TV.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









