Hindi naging madali para kay Gabriel ang muling pagbangon pero nagsumikap siyang ibalik muli sa ayos ang buhay. Di naglaon bumalik na sa pulisya si Gabriel at isinumpa niyang hahanapin niya si Jacob dahil alam niya sa puso niya na buhay ang kanyang anak. Kung si Ruth ay tanggap nang patay na ang kanyang anak, si Gabriel ay hindi. Naniniwala siyang ang pagiging pulis ang siyang magbubuo sa kanyang pamilya dahil ito rin naman ang dahilan ng pagkawatak-watak nila.
Sa Isla Noah, sabik na sabik naman ang batang si Eli sa kanyang nalalapit na kaarawan. Ang paliwanag kasi sa kanya ng nakagisnan niyang ina na si Adah, magiging lubos na siyang “ungta.” Tutubuan na siya ng buntot at lalago na ang kanyang balahibo sa katawan pagsapit ng kanyang ika-pitong kaarawan.
Dumating ang araw na kanyang pinakahihintay nang walang nagbago sa kanyang anyo. Naging tampulan ng tukso si Eli kaya nagtanong na siya kay Inang Adah at Amang Gideon kung ano siya at bakit naiiba ang anyo niya. May pagdududa man na siya ay tao, minabuti niyang manggaling mismo sa kanyang mga nakagisnang magulang ang sagot. Hindi naman ipinagkait nina Adah at Gideon ang mga impormasyon na kailangan ni Eli. Ibinigay nila dito ang kwintas na suot niya noong una nila itong nakita na palutang-lutang sa karagatan malapit sa isla.
Ipinaliwanag ni Gideon kay Eli na naayon sa propesiya ang pagdating ni Eli sa Isla Noah. Nahulaan na kasi noon na tao ang magliligtas sa mga “ungta” sa panahon ng labis na pagbaha sa isla. Iba naman ang paniniwala ni Caleb, ang kapatid ni Gideon. Naniniwala siya na si Eli ang dahilan ng pagkasira ng daloy ng kalikasan at ito rin ang magdudulot sa buong isla ng kapahamakan.
Nguni dala ng inggit ni Caleb ang kanyang mga paniniwala. Iniisip niya kasi na mapupunta kay Eli ang pamumuno ng tribu imbes na sa kanya kung pumanaw na si Pinunong Gideon. Siya nga naman ay totoong ungta at kadugo pa ng pinuno kaya nararapat lang na siya ay susunod sa yapak ng kapatid.
Ang mga paniniwalang ito ni Caleb ang naging daan upang bumuo siya ng plano laban kay Eli sa paraang hindi siya magiging kaduda-duda. Kinuha niya ang loob ni Eli at pinaniwala niyang matutulungan niya itong makalabas sa isla. Ilang beses siyang sumubok na ipahamak si Eli ngunit hindi nagtatagumpay ang kanyang mga masasamang balak. Kamuntik-muntikang ng mapahamak si Eli pati na ang kanyang kaibigang si Lotlot sa mga panahong hinahanap nila ang kasagutan sa mga tanong ni Eli.
Sa kabilang banda, nagkaroon ng katuwang si Gabriel sa kanyang misyon sa katauhan ni Levi (Jolo Revilla). Handang-handang tumulong si Levi sa mga misyon ni Gabriel at ipinakita niya ang kanyang katapatan noong minsang muntik na niyang isugal ang buhay niya para dito. Di kalaunan, tumulong na rin si Ruth sa pag-iimbestiga ng dalawa. Sama-sama nilang hinanap ang mga posibleng napuntahan nga ni Jacob noong ito ay inaanod ng dagat.
Sa kanilang paghahanap, nalaman nilang may isang batang napulot sa isang isla, sa araw mismo ng pagkawala ni Jacob. Ito ang nag-udyok sa kanila para laliman pa ang imbestigasyon. Hinanap nila sa iba’t ibang lugar ang bata ngunit sa kasamaang palad, nawawala din ito dahil ito pala ay nasa kamay ng sindikato.
Paano na si Gabriel kung malalaman nilang ang batang hinahanap nila ay hindi naman si Jacob? Magkikita pa kaya ang mag-ama?
Photo screencap from MoBGAMERZ.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









