Matapos ang kahihiyang inabot ni Victoria sa fashion gala, hindi na siya naniwala pa na may maidudulot na maganda ang relasyon nila ni Louie. Tinutukan niya ang kumpetisyon nila ni Vera para sa atensiyon ni Alexander Jacobs upang makuha ang deal na maging business partners sila ng huli.
Ipinagpatuloy naman ni Louie ang panunuyo kay Victoria ngunit dahil desidido na ang dalaga, pinabigyan niya ng Temporary Restraining Order si Louie kahit labag sa puso niya. Noong minsang pinilit ni Louie makipag-usap, ipinadampot niya ito sa mga pulis.
Nalaman ni Vera kay Victoria na si Louie at Markado ay iisa kaya piniyansahan niya si Louie kapalit ng paglaban nito sa “The Great Fight” – ang mixed martial arts fight na inihanda ng Vera Couture para kay Alexander Jacobs.
Sa sobrang katapatan ni Louie kay Victoria, tinalikuran niya ang kontrata sa laban at nagpakalayo-layo. Umuwi siya sa probinsiya upang makapag-isip, bagay na lalong ikinagalit ni Vera sa kanya. Gustuhin man niyang kasuhan si Louie, hindi na ito maari dahil ibinalik na ng manager ng binata ang Php 10,000 piyansa kay Vera. Dahil nais na makuha ang loob ni Vera, nag-boluntaryo si Gelai na kumbinsihin si Markado upang lumaban. Madali lang na sundan ni Gelai si Markado, ang bestfriend niyang si Caloy ay nagtatrabaho kasi sa gym na pinagi-ensayuhan ng fighter. Sumunod si Gelai sa probinsiya upang pagbigyan si Vera, dahil na rin sa tindi ng pangangailangan ng trabaho at katapatan sa serbisyo.
Pursigido si Gelai na isama pabalik ng Maynila si Louie, ngunit desidido din ang huli na hindi na siya lalaban. Hindi sumuko si Gelai, talagang ipinakita niya dito na kaya niyang mag-antay, na kaya niyang suungin lahat upang matuloy lang ang laban dahil mahal niya ang trabaho niya. Tiniis ni Gelai ang pagtataboy ni Louie at ang pangungutya nito pero sa kabila ng lahat ng ito, napupuna naman ng mga kasamahan ni Louie sa probinsiya na may kakaiba silang pagtitinginan sa isa’t isa. Hindi man nila aminin, may espesyal silang nararamdaman na silang dalawa lang ang nakakaintindi.
Makalipas ang dalawang araw, nabatid ni Gelai na si Victoria ang dahilan kaya ayaw ng lumaban ni Louie kaya nirespeto niya ang desisyon nito. Mabigat man sa loob niya, napagpasiyahan niyang bumalik na lang ng Maynila at harapin ang galit ni Vera sa kanya.
Pagkaalis ng dalaga, napagisip-isip naman ni Louie ang hirap ni Gelai para sa kanya. Napagtanto niyang ikakagalit talaga ni Victoria kung magpapakita siya sa “The Great Fight” ngunit kailangan niyang gawin ito para sa kanyang sarili, upang maibangon niya ang kanyang pangalan. Di na siya nag-aksaya ng panahon, sinundan niya si Gelai papuntang Maynila. Gamit ang isang chopper, narating nila ang lugar na pagdadausan ng laban sa tamang oras.
Samantala, gustong-gusto ni Caloy na makita si Gelai dahil nagtapat siya ng pag-ibig dito bago ito sumunod kay Louie sa probinsiya. Ngunit laking panlulumo niya nung nakita niyang inaalalayan ni Louie si Gelai pababa ng gusali ng magkahawak-kamay!
Paano tatanggapin ni Caloy ang akalang may namumuong pagtitinginan sina Gelai at Louie? At paano tatanggapin ni Victoria ang kahihiyan pag nalaman niyang lumaban si Louie?
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









