“Ayaw kasi naming pagpistahan ng media ang kanyang karamdaman. Alam mo naman ang media. Kaya hindi kami nagsalita kahit na ano until recently,” pahayag ni Sister Elena.
“’Yong nasulat na sakit niya, totoo ‘yon. Kasi, labas-masok na kami sa St. Luke’s Medical Center kaya hindi na maitatago. Ang dami nang nakakakita sa amin,” dagdag ng spiritual healer.
Ngayon ay inihayag na ni Sister Elena ang totoong ikinamatay ng kanyang mister.
“Cancer of the lungs and complications in the brain ang kanyang ikinamatay,” wika ni Sister Elena.
Noong Pebrero anya nitong taong ito natuklasan ang malubhang sakit ni Redford.
“Nakakabigla talaga. We had to do everything para siya maipagamot,” wika pa ng faith healer.
Pati nga kami ay tinaguan din ng tunay na kalagayan sa kalusugan ng komedyante samantalang matalik din kaming magkaibigan mula nang nasa Broadcast City pa siya.
Dumaan kami noong Abril sa bahay at simbahang ipinagawa ni Redford kasama ang peryodistang si Luz Villalon.
Nais naming magsimba at kasabay ang pagtatanong, pangungumusta at pagkalap ng impormasyon kung talagang may sakit siya dahil nabalitaan na namin ang ulat na ito.
Pero sinabihan kami ng isang tagabantay sa labas ng simbahan na wala si Redford ng mga sandaling ‘yon kaya umuwi kaming bigo.
Pero bago pa mamatay si White ay nalaman na ni Eric Quizon, ang aktor na madalas niyang katambal sa pelikula telebisyon kabilang ang “Buddy en Sol” ng Radio Philippines Network o RPN Channel 9 pagkatapos ng EDSA Revolution, matindi ang karamdaman ng kapwa bituin.
Kaya ang ginawa ni Eric ay pinulong at isinama ang kanyang mga kaibigan at kasama sa sitcom na sina Leo Martinez, ang direktor noon ng TV show, Boots Plata, ang floor director at ang asawa nitong si Dolor Guevarra at Ces Quesada, ang isa sa mga kabituin nina Quizon at White, sa pagdalaw noong Martes sa tahanan ng maysakit.
“Nagkatawanan kami. Mga thirty minutes din ‘yon. Nag-reminisce kami ng mga ginawa namin sa taping ng ‘Buddy en Sol.’ Para ngang walang sakit si Redford nang magkukuwento. Pero alam namin, isang tingin lang sa kanya, malubha na siya."
“Pero sabi ko pa rin sa kanya, wag niyang intindihin ang lagay niya. Magtatagal pa ang kanyang buhay. Hagalpakan talaga kami sa kuwentuhan."
Mabubugnutin daw si Redford lalo na nang malaman niyang may sakit siya pero nang magkita kami parang wala siyang sakit. Siguro ‘yon na ‘yong signal na tinatanggap na niya ang kanyang kalagayan kaya nagpapakaligaya na siya,” pahayag ni Boots na ngayon ay direktor na ng mga pelikula.
Umalis patungong Hong Kong si Eric pero balak bumalik sa Pilipinas anumang oras sa mga araw na ito para madalaw man lang sa kahuli-hulinang pagkakataon ang kanyang kaibigan at katambal sa pelikula.
Nang nagpapatingin pa si Redford sa ospital ay tinuturukan siya ng steroid, sabi ni Sister Elena, kaya namaga ang kanyang mukha at namanas ang kanyang mga kamay.
Nagbilin si Redford sa kanyang misis na huwag siyang damitan ng Barong Tagalog o Amerikana o magagarang suot sa kanyang pagpanaw kundi simple lang na damit.
“Mas gusto niya, t-shirt lang at maong na pantalon,” pagtatapat ni Sister Elena.
Ang pangkaraniwang unipormeng t-shirt ng mga miyembro ng Sto. Niño de Maligaya, ang kongregasyon ng mga disipulo ni Sister Elena, na may nakaguhit na kulay pula, puti, bughaw at dilaw na disenyo at maong na salwal ang suot ni Redford sa kanyang huling biyahe.
Kabilang sa mga dumalaw sa lamay ni Redford sa unang gabi ng kanyang burol sa Sto. Niño de Maligaya sa Pook Maligaya sa may SM at Robinsons Fairview bukod kina Ces, Boots at Dolor ay sina Jaime Fabregas, Gab Mercado, Dennis Padilla, Jerry Talavera, ang kauna-unahang prodyuser ng pelikula ni Redford sa Bukang Liwayway Film Productions at Woodrow Serafin na isang mandudulang pantelebisyon at marami pang iba.
Sa Sabado ang libing ni Redford, Cipriano Cermeño II, sa Our Lady of Peace sa Bulacan.
Maligayang paglalakbay, Redford.
Photo screencap from yarawUPAY.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









