The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Sosyal! CNN: Chismis Na Naman Mario O’Hara, tanggap na bokya ang pelikula sa Cinemalaya 2010

Mario O’Hara, tanggap na bokya ang pelikula sa Cinemalaya 2010

paglilitis_ni_andres_bonifacio_indiePatuloy na humahabi ng mga kontrobersya ang katatapos na Cinemalaya 2010 awards night na ginanap sa Main Theater (Tanghalang Nicanor Abelardo) ng Cultural Center of the Philippines kamakailan.

Sa hanay ng Directors Showcase, ang kauna-unahang seksyon ng Cinemalaya Independent Film Festival na nagbibigay-daan sa mga beteranong direktor na nakagawa na ng tatlo o higit pang pelikulang naitanghal na sa mga komersyal na sinehan, ni isang parangal ay walang napanalunan ang Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio ni Mario O’Hara samantalang maraming pumuri sa obra mula sa hanay ng mga manonood.

 

Wala ring nanalo sa Best Sound at Best Music dahil anang mga hurado ay pare-parehong mahuhusay ang mga pelikula pero walang nangibabaw sa mga ito sa kategorya.

Naglasing ang katulong ni Mario sa produksyon na si Dennis Adobas nang walang napanalunan ang pelikula. “Hindi ko matanggap na wala ni isang award ang Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio. Hindi ako makapaniwala. Sa ganda ng pelikula, imposibleng wala itong mapanalunan,” pahayag ng peryodistang pampelikulang si Adobas.

Gayunman, ang may katawan mismo, si O’Hara, ay maluwag sa dibdib na tinatanggap na nabokya sa parangal ang kanyang trabaho.

“Okey lang sa akin ‘yon. Desisyon nila ‘yon,” pahayag ni Mario sa amin ng peryodistang pampelikulang si William Reyes.

JavaScript is disabled!
To display this content, you need a JavaScript capable browser.

Ayon kay Lito Zulueta, isang respetadong kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at isa sa mga hurado sa Cinemalaya 2010, “walang emotional peg ang trial scenes ni Mario.”

“Sa umpisa, sinabi niyang pelikula lamang ‘yon pero sa katapusan ay sinabi niyang faithful siya sa paglalagay ng totoong transcript ng hearing sa kaso ni Andres Bonifacio,” paliwanag ni Zulueta.

Hindi rin nagustuhan ng Hapones na hurado na si Kenji Ishizaka ang historikal pelikula ni O’Hara dahil mas pinaboran niya ang Two Funerals ni Gil Portes at ang Donor ni Mark Meily.

“It’s very hard to judge the masters because they already have their established styles,” pahayag ni Ishizaka, ang programmer ng Tokyo International Film Festival sa Japan sa Asian-Middle East section.

Hindi pamilyar si Kenji, anya, sa kasaysayang lokal ng Pilipinas kaya kailangan niyang kumunsulta sa Google upang hanapin ang mga impormasyon kina Andres Bonifacio at General Emilio Aguinaldo na siyang mga paksa sa pelikula.

Bagamat walang tahasang negatibong komentaryo laban sa Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio, sinabi ni Ishizaka na mas mahirap idirek ang pelikulang black comedy tulad ng Two Funerals kaya ang nagwaging Best Director ay si Gil.

Samantala, nagustuhan din niya ang Donor na nagpapakita ng kalunus-lunos na kondisyon ng mga maralitang tagalunsod kaya Best Picture ito.

Sa panig naman ng Sigwa ni Joel Lamangan, masama umano ang loob ng direktor dahil si Tirso Cruz III lang ang nagwagi sa kanyang obra bilang Best Supporting Actor.

Wala namang masabi si Ricky Davao na isa ring hurado kundi ngiti lang ang kanyang itinugon nang amin siyang tanungin kung bakit wala man lang award ang pelikula ni O’Hara.

Kaya wala sa awards night si Jose Javier Reyes na isa ring hurado ayon kay Zulueta ay umiiwas ito sa sasabihin ng mga tao na nakikipagbungguang-balikat siya kay Portes na kaibigan niyang matalik at sa kapwa niya direktor na sina Lamangan, O’Hara, Meily, at Joselito Altarejos na lumikha ng Pink Halo-Halo.

Hindi pa napapanood ni Dr. Bienvenido Lumbera, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at isa ring iginagalang na miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, ang pelikula kaya wala pa siyang masabi pero nais na niyang mapanood ito.

Sa New Breed category, wala rin ni isang award na nakuha ang Si Techie, Si Tekboy at si JuanaB ni Art Katipunan, ang Limbunan ni Gutierrez Mangansakan III, ang Vox Populi ni Dennis Marasigan at ang Magkakapatid ni Kim Homer Garcia na nakakuha lang ng Audience Choice Award sa paramihan ng nanood.

Malugod ring tinanggap ni Dennis ang kanyang pagkatalo sa labanan pero umaasang hindi pa tapos ang mundo para sa isang filmmaker na tulad niya.

Ang sabi ng potograpong si Teddy Pelaez, nasayang ang husay ni Tetchie Agbayani sa Limbunan dahil hindi masyadong nahugot at nagamit ang kanyang husay at talino sa pagganap.

Hanggang ngayon ay dinadalaw pa ng luha ng kaligayahan si Sheron Dayoc sa pagwawagi niya ng Best Director at Best Film para sa Halaw.

Alam ba ninyo na nangutang na si Sheron sa kanyang mga magulang ng pera para lang maituloy ang proyekto?

Na nang wala na siyang maipanggasolina sa bangka na ginamit sa shooting, napilitan na ring mang-istorbo sa kanyang mga kaibigan ang batambata at ideyalistang filmmaker para maitawid ang kanyang produksyon?

Ito ay nang dahil sa kanyang pagmamahal sa sining ng paggawa ng pelikula.

Samantala, sa Shorts category naman ay sinabi ng Best Director at isa sa mga Audience Choice Awardee na si Milo Tolentino na ang batang kanyang artista sa “P” ay napakatalino at napakata-talented.

Anak pala ni Raymond Red si Mikail Red na nagwagi ng Best Screenplay, at ang Wag Kang Titingin ni Pam Miras ay lahok din niya sa “AmBisyon 2010” ng ANC tulad ng Faculty ni Jerrold Tarog.

Sa gitna ng mga intriga, tuloy ang palugit ng Cinemalaya Foundation sa pagsusumite ng mga lahok para sa 2011 Cinemalaya Independent Film Festival.

 

Photo screencap from apolitas.

 



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Sosyal Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer