Bagamat hindi inaasahan dahil sa numero uno namang tahanan ng sining at kultura, kabilang ng teknolohiya, ang Cultural Center of the Philippines, may kapalpakan pa ring naganap sa pagbubukas ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival sa CCP kamakailan.
Gayunman, nasa oras ang pagtataas ng kurtina ng programa na hudyat ng opisyal na pagsisimula ng pestibal.
Isang subasta ng mga kasangkapan—tulad ng mga props, kostyum, wig, parapernalya at iba pang bagay kabilang ang larawang nakakuwadro ni Caridad Sanchez—ang isinagawa at karamihan sa mga ito ay mabenta kaya lang ay nakapagpahaba ang gawaing ito sa disin sana’y maikling oras ng palatuntunan.
Pinangunahan ng pangulo ng CCP na si Isabel Caro Wilson ang okasyon sa tulong ng kanyang Artistic Director na si Raul Sunico at ng mga pangunahing sugo ng Cinemalaya tulad nina Laurice Guillen, Competition Director; Nestor Jardin, Festival Director; at Tony Boy Cojuangco, Chairman ng Cinemalaya Foundation.
Ang nakakapanghinayang ay ang kawalan ng sapat na malakas na tunog ng mikroponong ginamit ni Wilson sa kanyang talumpati dahil napakahalaga ng kanyang mga sinabi na dapat makarating, maunawaan at maisagawa ng mga tagapakinig bilang tagapagpatunay at tagapagpahalaga sa mga layunin at adhikain ng Cinemalaya.
Mahina ang teknikal na ayudad ng produksyon, bagamat sa huling yugto ng pananalita ni Aling Isabel ay naunawaan na ang kanyang sinasabi subalit marami nang nawaglit na kahulugan ng mensahe sa pandinig at pang-unawa ng mga bisita.
Kahit ang pagtugtog ng bantog na Philippine Philharmonic Orchestra at pagsayaw ng banayad at maindayog na Ballet Philippines ay may kaibang dating dahil nakalagay ang mga miyembro ng mga ito sa unahang rampa ng CCP na hiwalay sa mga tagapanood na nasa lobby o bulwagan ng Main Theater.
Ayon sa peryodista at kritikong si Ibarra Mateo, nakakasira ng konsentrasyon ang mga salaming pintuan at dingding na semento ng mukha at pasukan ng CCP sa unahan ng gusali sa panonood ng sayaw ng BP at pakikinig sa musika ng PPO.
Nakakapanghinayang, ayon kay Mateo, ang ganda ng produksyon pero natatakpan ng bakal at dingding ang ibang kilos at galaw ng mga mananayaw.
Talaga nga kayang sinadya ang estilong ito ng presentasyon dahil may mga makasining na kahalagahan o nang dahil lang sa sikip na espasyo sa harap mismo ng mga panauhin ang talagang dahilan nito?
Pero ang higit na kapalpakan ng unang araw ng Cinemalaya 2010 ay ang paulit-ulit na pagtigil ng pagbuga ng mga imahen ng makina ng DVD patungo sa pinilakang tabing ng Main Theater para sa pelikulang Ganap na Babae mula sa Hubo Productions.
Nang dahil sa teknikal na aberyang ito ay naapektuhan ang kagandahan ng pelikulang idinirek ng tatlong babae—nina Rica Arevalo, Sarah Garcia at Ellen Ramos.
Nangunguna sa obra si Mercedes Cabral. Kasama rin sina Sue Prado bilang babaing manggagawa o magsasaka sa bukid at Boots Anson Roa bilang nagmumurang kamyas na balo.
Ayon sa peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas, nainis si Rica Arevalo sa kapalpakan ng teknolohiya ng CCP sa pagpapaandar ng pelikula dahil kung alam lang daw niya na gayon ang mangyayari ay nagdala na ang direktora ng sarili niyang DVD player.
Gayunman, nanghingi ng paumanhin si Will Fredo, ang Chief Executive Officer ng Hubo Productions sa aberyang nilikha ng pagtatanghal ng kanilang proyekto.
Hanggang sa kahuli-hulinang sandali ay marami rin ang nagtiyaga na tapusin ang pagtatanghal ng pelikula.
Dumalo sa unang araw ng Cinemalaya sina Sue Prado, John Arcilla, Ina Feleo, Bibsy Carballo, Joel Lamangan, Joselito Altarejos, Gil Portes, Mario O’Hara, Mark Meily, Romalito Mallari, Dan Villegas, Paul Sta. Ana, Jerrald Tarog, Danny Añonuevo at marami pang iba.
Photo from Wikipedia. Some rights reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









