Bagaman popular na naihalal si Pangulong Noynoy Aquino ng kalakhan ng mga botante noong 2010, mayroong mga grupo at indibidwal na kontra sa kanyang pamumuno. Naging prominente kamakailan si PinoyMonkeyPride ng Youtube.com, na gumagawa ng mga politikal na video na kritikal laban sa administrasyong Aquino, sa pamilyang Cojuangco-Aquino, at sa oligarkiya o ang pamamamayagpag ng mga elitistang pamilya sa gobyerno.
Gamit ang makulay na biswal na presentasyon ng di umano'y kasaysayang hindi naibabalita ng media, ang pinakabago niyang video na “Cojuangco-Aquino: Facts They Don't Want You to Know” ay umani ng mahigit 400,000 views mula 21 Oktubre hanggang 9 Nobyembre 2011. Naging viral ang video na ito at agad na kumalat sa mga social networking sites kung saan umani ito ng maraming papuri, bagaman may ilang mga kritisismo ukol dito.
Adhikain
Kung susubaybayan ang mga naunang video ni PinoyMonkeyPride, litaw kaagad ang daloy ng paglalahad ng kaniyang mga tindig—maliwanag na kontra siya sa kasalukuyang pangulo, sa kaniyang angkan, sa oligarkiya, sa corporate media, at sa namamayaning konsepto ng nasyonalismo at demokrasya.
Kung susuriin, hindi popular ang mga politikal na tindig ni PinoyMonkeyPride sa namamayaning kultura at politika sa Pilipinas. Sa mga paaralan, matagal nang tinuturo at tinitimo sa isip ng mga estudyante ang pagiging makabansa at ang pagyakap sa demokrasyang ipinaglaban noong EDSA People Power. Hinihimok naman ng mainstream media na ipamalas ang nasyonalismo sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga sikat na Pilipino na sumasabak sa mga patimpalak sa ibang bansa, gaya ng mga boksingero, atleta, beauty queens, at mga singer. Itinuturo sa nakararami ang pagkakaroon ng “Pinoy pride” na sa kabila ng namamayaning kahirapan sa bansa, ay may mga taong nagtataguyod ng ating bandila.
Popular ring itinuturo ang liberal na konteksto ng demokrasya. Pangunahin dito ay ang pakikilahok sa halalan, ang pagiging isang mabuting mamamayang sinisimulan ang pagbabago sa kaniyang sarili, at ang pagtulong sa kapwa. Subalit binasag ni PinoyMonkeyPride sa kanyang video ang mga popular na konseptong ito. Gamit ang sining multimedia, mga matatalim na imahe, at prangkang pananalita, hinihimok ni PinoyMonkeyPride ang mga manonood na wag maniwala sa kung ano ang popular na ideya sa lipunan na siyang isinasalaksak ng mainstream media sa kaisipan ng masa. Para sa kanya, ito ang paglaban sa kamangmangan (ignorance) at ito ang pangunahing susi para sa panlipunang pagbabago.
Personalismo
Bagaman ang paglaban sa kamangmangan ang batayan ni PinoyMonkeyPride sa paggawa nya ng mga politikal na video, litaw na litaw ang kaniyang matalim na pagbatikos laban kay pangulong Aquino. Subalit kapansin-pansing hindi lahat ng punto niya kontra ay Aquino ay politikal, bagkus, ay personal.
Sa kontrobersyal na video “Cojuangco-Aquino: Facts They Don't Want You to Know”, itinampok ni PinoyMonkeyPride ang “tunay na kasaysayan” ng angkang Cojuangco-Aquino. Bagaman di maitatanggi na kabilang ang angkang ito sa mga naghaharing uri ng bansa, napansin ng istoryador na si Michael Charleston Chua na ang nabanggit na kasaysayan sa video na ito ay di pa dokumentado o nabeberipika. Paalala niya, “Propaganda can be based on rumors masquerading as history.”
Dito nagiging kaduda-duda ang pagiging totoo ni PinoyMonkeyPride sa batayang inilatag niya sa kaniyang mga naunang video. Una sa lahat, kabalintunaan ang paglalarawan niya sa kaniyang video bilang “hindi anti-Cojuangco/Aquino na propaganda.” Kung ang konteksto ng hindi pagiging anti-Cojuangco/Aquino ay ang pagiging walang kiling, mapagpanggap ito sapagkat personal ang atake niya sa naturang angkan. At kung igigiit niya na “hindi propaganda” and kaniyang mga video (kagaya ng paunawa niya sa video na “Proud to be Pinoy Ka Ba? Hindi Dapat, Dahil...”), isa nanaman itong pagpapanggap kung pagbabatayan ang kahulugan ng Unibersidad ng Pilipinas Diksyonaryong Pilipino sa salitang propaganda bilang “lawas ng doktrina, idea, at aktitud na sadyang pinalalaganap upang makatulong o makasama sa isang tao, pangkat, estado, at iba pa.”
Kung ang pagbabago ay magmumula sa pamamagitan ng paglaban sa kamangmangan ng masa, paano ito malalabanan kung ang propaganda ni PinoyMonkeyPride ay batay sa kwestyonableng tala at datos ng kasaysayan at mga hinala? Hindi kaya kamangmangan sa bahagi niya na ipakita ang konsepto niya ng kasaysayan na maaaring pilipit at walang basehan?
Kung gagawa ng politikal na video bilang propaganda laban sa administrasyong Aquino, maraming isyu ang pwedeng gamitin laban sa pangulo. Nariyan ang di epektibong patakaran sa ekonomiya kung kaya't mataas ang bilihin, gasolina, at mga toll fee. Nariyan ang pagkatig niya sa pamunuan ng PAL sa halip na ipagtanggol niya ang interes ng manggagawa ng Philippine Airlines. Nariyan ang pagpapabaya niya sa sektor ng edukasyon dahil hindi pa rin nasusunod ng kaniyang administrasyon ang internasyonal na pamantayan sa pagpondo sa pampublikong edukasyon.
Walang pinag-iba
Sa dami ng isyu na pwedeng ipukol laban kay Aquino, pinili pa rin ni PinoyMonkeyPride na magbato ng personal na putik laban sa pangulo. Dahil dito, sa halip na palalimin ang diskurso ng wastong pamamahala, pinababaw niya ito gamit ang mismong istilo ng mainstream media—maaksyong musika (gaya ng opening billboards ng mga primetime news shows) at masiklab na imahe at animasyon na sumesentro sa mga mararahas at kagimbal-gimbal na eksena (kagaya ng mga paglalarawan sa mga crime investigation shows sa telebisyon).
Karagdagan pa, sinamantala rin ni PinoyMonkeyPride ang tendensiya ng mga netizens na bumalikwas sa ideyang mainstream upang maging kakaiba, unique, at cool. Sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kaniyang mga isinusulong na ideya bilang hindi popular, napukaw niya ang ganitong tendensiya, bagaman ang linya ng kaniyang kritisismo ang siyang ginagamit ng mga magkakalabang politiko tuwing eleksyon.
Ika nga ni Patricia Jocson sa kaniyang komento sa Facebook, “Ang mga tao ngayon, konting magandang graphics, konting maganda't thrilling na background music: "Eye opener indeed!" na agad.” Ang kaniyang komento ay sumasalamin sa pormula ng mainstream media na epektibong ginamit ni PinoyMonkeyPride, kaya nagkaroon ito ng bandwagon effect sa mga netizens.
Bagaman nais ni PinoyMonkeyPride na “labanan ang kamangmangan” sa pamamagitan ng pagpapakita sa “mga katotohanang hindi ipinapaalam sa publiko,” nananatiling hungkag ang kaniyang propaganda kung nakaukol lamang sa mga personalidad ang kaniyang kritisismo. Walang pinag-iba ang ganitong lunsaran sa sensationalism ng mainstream media, na aniya'y nagpapamangmang sa publiko.
Imahe: mula sa POC/Blogwatch.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









