The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Pinoy LGBT Opinions Patawarin Mo po ako sa aking pagkakasala (Isang pagninilay)

Patawarin Mo po ako sa aking pagkakasala (Isang pagninilay)

Hindi ko matandaan kung ilang taon ako 'nung aking nasaulo ang dasal na ito.  Maaring tatlo hanggang limang taon ako 'nung aking nakabisa ang “Ama Namin.”  Noon, ito’y kabit-kabit lamang na mga salita.  Ngunit habang nagdadaan ang panahon, nag-iiba ang aking pagpapakahulugan dito.

Ama namin, sumasalangit Ka,

Sambahin ang Ngalan Mo

lgbt211Kahit kailanman, hindi ko ito pinagdudahan.  Ikaw na nasa langit… Ikaw na aming sinasamba.  Sa oras ng peligro, sa oras ng pag-aalinlangan, tanging ngalan Mo lamang ang siyang pinagbubunutan ng lakas.  Sa oras ng dalamhati, ligaya, poot, pagkadismaya, tanging ngalan Mo ang bukambibig.  Ngunit sa ngalan Mo rin kami’y kinamumuhian.  Pinagdadamot ang Iyong wagas at walang tinatanging pag-ibig.

 

Mapasaamin ang Kaharian Mo,

Sundin ang loob Mo, dito sa lupa para nang sa langit

 

Wala na yatang mas sasarap pa sa dalisay na kagalakan – ang maramdaman ang kaharian Mo dito sa lupa.  Sa dami ng sakit na aming nararamdaman, ang makapiling Ka sa langit at mapawi ang aming pagod sa pasakit na aming tinatamo dahil kami ay kakaiba.  Tinuro sa amin na Ikaw ay Diyos ng pag-ibig; maawain, matulungin at buhay na Panginoon.  Subalit pag-ibig din ang siyang naglugmok sa amin sa tabi upang yurakan ng mga nagsasabing malapit sa Iyo.

 

Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw

 

Maka-ilang beses na nga ba, Panginoon, na ako’y Iyong hindi pinabayaan?  Sa bawat pagsubok na aking dinaanan, Ika’y nasa tabi.  Noong kabataa’y sa kadiliman ako’y napunta.  Magulo at masalimuot ang mundong aking ginalawan.  Tanging Ikaw lang ang nagsilbing tanglaw upang makita ko ang aking daan tungo sa pag-ibig, sa katiwasayan ng pag-iisip.

Noong pumanaw ang aking ina, binigyan Mo ako ng lakas ng loob nang sa aking mga mata’y kawalang pag-asa ang nakita sa ama at kapatid.  Naroon Ka, ramdam kong ginagabayan Mo ako.  Tanging Ikaw lamang ang makapagbibigay ng sinisintang magpapalapit lalo sa Iyo.

Sa pagpanaw ng aking ama, Ikaw ang nagpatatag ng aking dibdib.  Muli, sa pagpanaw naman ng aking kapatid, inakay mo ako sa bawat hakbang na aking tinahak.  Ang pagbibigay mo ng pag-asa at dahilan upang magpatuloy sa buhay na sadyang hiram lamang sa Iyo, ay nakita ko nang pinakilala mo sa akin ang aking pamangkin.  Hindi kailanma’y naisip na ako ay Iyong sinusubukan.  Ngunit sadyang ganoon talaga, may naiiwan at may nauuna.

Sa aking mga naging karamdaman, Ikaw ay nandoon para ako’y pagalingin.  Sa buong buhay ko, hindi mo pinamalas o pinaramdam sa akin ang gutom at hapis ng pighati.  Ikaw ang simbolo ng isang Ama – Ama naming lahat.  Mapagbigay at maalalahanin.  Tagapagtaguyod at sandalan.  Walang sinisino o tinatangi.  Bagkus, ang Iyong pagtangi sa akin ay nararamdaman din ng iba bilang pagtangi sa kanila.

 

At patawarin Mo po kami sa aming mga sala,

Para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin

 

Hindi po ako perpektong tao.  Nagkakamali po ako at hindi naman po lingid sa Inyong kaalaman yun.  Ngunit ganunpaman, ako po ay Inyong hinahagod ng mainit Ninyong pagtanggap at pag-aruga.  'Pag minsan lang po, gusto kong itanong kung bakit ako, kaming mga LGBT ay nagiging tampulan ng puna at galit ng mga taong nagsasabing ginagawa nila iyon sa Inyong ngalan.  Na ang mga taong Inyong “pinili” upang magsilbi ay siyang nagtataboy at nananakit – hindi man pisikal ngunit mas masakit ang mga salita.  Ako po ay sumunod at tumugon sa Inyong utos na mahalin ang kapwa – nang walang pagtatangi o pag-sino.

 

Gusto ko rin po sanang itanong kung bakit parang may kundisyon ang linyang ito?  Patatawarin lang po ba namin ang mga nagkakasala sa amin kung napatawad Ninyo na po kami?  Ahhh!  Dahil Ikaw nga po pala ay mapagpatawad at maawain… ngunit paano po ba naming malalaman na kami’y Inyong napatawad na?  Para po kasing walang kapatawaran sa ibang tao ang aming pagkatao.  Sadya po ba talagang ganoon lang sila makatingin?  Parang kinukwestyon ang aming pagkabuhay dito sa mundo.  Kung maaari lang na kami’y lamunin ng lupa; kung nakakapatay lang talaga ang tingin ng iba, wala na sigurong LGBT sa mundo.

 

At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso,

At iadya Mo kami sa lahat ng masama.

 

Tukso – isang malaking “question mark.”  Ano po ba ang tukso?  Tukso po bang mapa-ibig kami sa kapwa naming babae?  Tukso po bang wagas ang pag-ibig na ito?

 

Aking narinig: “huwag na kaming ipahintulot sa tukso pagkat sadya itong nalapit sa akin...  sana’y ilayo kami...”  Sa wikang Ingles: “do not lead me into temptation, for it finds me...

 

Panginoon ko, huwag na lang po sana akong makasakit sa mga taong nakakasakit.  Isa pong tukso araw-araw ang kagustuhang ipatikim ang sakit na aking nararamdaman sa mga taong nakakasakit.  Ang pagganti at paghihiganti – masarap siguro ngunit hindi ako pinalaking ganoon... mahirap ang makasakit ng kapwa.

 

AMEN

lgbt212Panginoon, tulungan N'yo po sana akong bumalik sa nakagawian ko nang pagsimba tuwing Linggo.  Ilang buwan na ring kulang ang aking linggo.  Marami po kasing usapin na nakakawalang ganang magpunta at makinig sa mga paring hindi naiintindihan ang mga bagay na kanilang sinasabi.  Waring maraming naniniwala sa kanila.  At ito po ay nakakadagdag sa aking pag-ayaw sa pagsimba.

Kahit na ano pang sabihin nila sa usaping RH Bill, alam kong ito’y kailangan.  Marami na akong nakitang buhay na nasayang dahil sa hindi mapigilang panganganak, sa tawag ng laman na siyang nagdulot ng sakit at sa kamatayan ng sanggol sa sinapupunan dahil ang ina ay nasaktan o nabugbog.

Ngunit ano ito?  Bakit sinasabay sa usaping RH ang diborsyo at ang “same sex marriage”?  Wala akong alam sa diborsyo, hindi nga kami kasal eh, pero ang kasal para sa mga bakla at tomboy?  Alam ba nila ang hirap ng mga nagsusulong ng Anti-Discrimination Bill?  Alam ba nila na ang kanilang mga inaasal ay siyang nagbibigay lakas ng loob sa mga nanlalait at nananakit sa mga LGBT?

Maraming salamat po sa Inyong mga biyaya.  Tulungan po sana Ninyo kaming maliwanagan ang isip ng iba.  Amen.

 


Ang may akda ay maaring sundan sa twitter: chrisjos


Photos by Eva Callueng. Some rights reserved.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Pinoy LGBT Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer