Sabi nga ni lola, “Ang pag-aasawa ay hindi mainit na kaning isusubo at iluluwa kapag napaso.” Wala mang kamalay-malay na ang ideya ko ng pag-aasawa ay ang pakikisama sa kapwa babae, tama pa rin siya. Pagkatapos madapa ng ilang beses, minsan nasasabi ko sa aking sarili, “Tama na! Hindi ka na tumama, asa ka pa?!” Pero syempre, mapipigil mo ba ang puso? (“Pwede!”, sagot ng isip, pero hindi ako nakikinig.)
Paano nga ba nauuwi sa live-in ang isang relasyon? Ayon sa sariling karanasan, ito’y nagsisimula sa kape. “Let’s go out for coffee some time,” sasabihin ng babaeng nakilala sa Pride March o sa gig ni Cynthia Alexander. Ilang araw ang lilipas, ihahatid ka nya o ihahatid mo siya sa bahay at ang susunod ay, “Want to go up for coffee?” Kinabukasan na makakauwi ang nakitulog (o hindi natulog). Minsan, tatlong araw ang lilipas na tila wala sa inyo ang nakakapunang wala namang pagkakapeng nagaganap at absent na naman kayo sa trabaho.
Mauulit ang ganito ng ilan pang araw o linggo. Kumportable na kayo sa isa’t-isa; naikwento na ang buong buhay; inlab ka na! Ilang linggo pa at may nag-iimpake na para lumipat sa iisang bahay. At pagkatapos ng anim hanggang walong buwan, may isang umagang magigising ka, lilingunin ang katabi sa kama at mapapapikit muli habang iniisip: “Ano ba itong napasukan ko…”
Mabilis na ang mga pangyayari pagkatapos noon. Isa sa inyo o pareho ang masasaktan. Maririnig o masasabi ang, “It’s not you, it’s me”, “I need some space, time to think” o ang pinakapaborito kong “I don’t think we’re growing in this relationship.” Kamukat-mukat, may pag-iimpake na namang nagaganap, hatian ng libro at music CD, pagsasauli ng mga regalo at pagpapalitan ng mga salitang pagkalabas pa lang sa bibig ay pinagsisisihan na.
Sa kabilang dako, may mga babaeng paninindigan ang desisyon, mananatili sa relasyon sa kabila ng namumuong pagsisisi. Gagamitan ng rationalization ang sitwasyon, pangangatawanan habang kaya. Pero hanggang kailan; hanggang saan? Minsan umaabot na sa pagkalito at pagkawala ng direksyon sa buhay. Sa araw-araw na nananatili sa relasyon ang isang taong wala nang nararamdamang pagmamahal sa karelasyon ay unti-unti ring nawawala ang sariling pagkakakilanlan…nauupos ang pagkatao.
Nakalulungkot. Nakawawalang-loob. Lalo na’t ang pakikisama ang pinakamalapit na katumbas ng na pag-aasawa para sa isang lesbyana o bakla sa Pilipinas. Minsan, mas higit pa ang diin o bigat ng pagdedesiyong magsama ng dalawang babae o lalaki kesa ang heterosekswal na kasalan. Tatag at paninindigan lang kung tutuusin ang nagbibigkis sa ganitong pagsasama. Walang ligal, opisyal o relihiyosong dikta ang nagbibigkis o makakapigil sa paghiwalay. Kung kailan gustuhin sa anumang kadahilanan. Wala kundi ang pagmamahal sa taong pinili makatuwang sa buhay na sana'y pang-habambuhay.
Kapag naaalala ko ang mga kaibigan at kakilalang taon o dekada pa ngang nagsama at naghiwalay rin sa huli, naiisip ko, “May tumatagal ba talaga sa ganito? Paano? At kapag hindi, paano na?” (“Wala!”, sagot ng isip, pero hindi ako nakikinig.) Kung makakasalubong ko sa daan ang dalawampung taong-gulang kong sarili, noong unang nagdesisyong makipag-live in, ito ang sasabihin ko sa kanya.
Ang kay Maria ay kay Maria; ang kay Juana, kay Juana talaga
Bago nakipag-live in, may mga pag-aari kang ipinundar o ibinigay sa iyo at sa iyo lamang—maaring simpleng bagay gaya ng coffeemaker na binili sa unang sweldo o tunay na mahalaga tulad ng singsing na pamana ni nanay. Darating ang panahong makakaipon ang magkarelasyon ng pera o mga bagay mula sa magkatuwang na pagsisikap—conjugal property, ‘ika nga. Hindi dapat isama sa mga ito ang mga pansarili ninyong pag-aari bago pumasok sa relasyon. Mas makabubuti rin na may kanya-kanyang bank account maliban pa sa joint account. Ang patakarang ito ay hindi pagdadamot o pagiging makasarili—nakabatay ito sa pagpipitagan o courtesy.
Two months deposit, one month advance
Magsasama kayo sa iisang bubong at aasa sa panghabambuhay na commitment. Oo nga, habang buhay may pag-asa pero kahit ang pag-asa—lalo na ang PAGASA—ay nagkakamali; hindi ito nakataga sa bato. (Mayroon ba talagang nakataga sa bato?) Kung sakaling kailanganin ang pansamantala o permanenteng paghihiwalay, siguraduhing may nakatabing pera na sasapat sa paglipat ng matitirahan. Kagaya ng kadalasang paalala bago magbitiw sa trabaho, kailangang may emergency fund na nakasubi. Hindi ito pagiging pessimistic o courting disaster kundi pagiging makatotohanan o realistiko.
Bakit hindi pwedeng magkasabay na gamitin ng dalawang tao ang iisang relo
May dahilan kung bakit hindi pwedeng isuot ng dalawang tao na magkasabay ang iisang relo. Pwede itong hiramin ng iba pagkatapos gamitin ng una. Kung gusto nating maraming makagamit ng orasan nang sabay-sabay bumibili tayo ng wall clock o desk clock. Gaano ka man ka-in love sa karelasyon o sya sa iyo, maglaan ng oras para sa sarili at gamitin ito para sa sariling pamilya, mga kaibigan o para mapag-isa. Tiwala ang pundasyon ng suhestiyong ito; ang pagiging kampante na hindi man kayo parating magkasama ay nananatili ang inyong bigkis.
Una at huli sa lahat, kaibigan
Maaaring mas napapatotohanan ito ng relasyong babae-sa-babae: pagkakaibigan o friendship ang batayan ng isang matibay na romantikong pagsasama. Mas emosyonal o intelektuwal kaysa pisikal ang bigkis ng mga lesbyana. Minsan, sa bugso ng damdamin—galit man o pag-ibig—nakakalimutan ito. Gaya ng mga kaibigan, pinili mo ang karelasyon; hindi sya ipinuwersa sa iyo; hindi kagaya ng kadugo o kapamilya na itinakda sa iyo sa ayaw mo man at sa gusto.
Binibigyan mo ng respeto at pang-unawa ang kaibigan, ng mahabang pasensya at malalim na pakikiramay. Hinahayaan mo syang mag-isip at magdesisyon ng malaya. Naniniwala at nagtitiwala ka sa kanya sa kabila ng pagkakaiba ng opinion o salungat na pag-iisip. At bilang ganti, lahat ng ito ay isinusukli din sa iyo ng tunay na kaibigan.
Bullshit ang “You complete me”. Isa lamang itong linya sa pelikulang tumabo sa takilya sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Dalawang tao kayo! Nagsama man kayo ay may pagkakaiba pa ring personalidad, kinalakhan at prinsipyo. Kapag nawala ang mga pagkakakilanlan na bumubuo sa pagkatao ng karelasyon, sya pa rin ba ang taong minahal mo?
Photos by Eva Callueng. Some rights reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









