The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Pinoy LGBT Features Abala sa Semana Santa

Abala sa Semana Santa

Kinalakihan na ng maraming Pilipino ang pag-alala sa mahalagang panahong ito kung saan sa loob ng 40 araw magmula sa Ash Wednesday ay inaaanyayahan na ang lahat na magsagawa ng kani-kanilang anyo ng pagsasakripisyo alinsunod na rin sa relihiyong kinabibilangan.

Ang hindi pagkain ng karne sa araw ng Biyernes, Visita Iglesia, pilgrimage, pagsisimba sa mahahalagang araw na itinalaga tulad ng pagbasbas ng palaspas, at marami pang iba ay ilan lamang sa mga nakasanayang gawain ng mga katoliko deboto man o hindi. May kanya-kanyang pagpapahalaga ang bawat isa sa kung bakit isinasagawa ang mga ito. At sa mga pagkakataong ito, sa maikling panahon, mapusyaw ang isyu ng sekswalidad na tila wala talagang bagay na kailanma’y idinikit rito.

AFP

lgbt203Naging madali ang pagtanda sa mga bagay na dapat isaalang-alang sa panahon ng kwaresma: Abstinence, Almsgiving, Fasting, at Prayer (AFP). Sa ganitong paraan pinackage upang higit na maalala sa tuwing natutuksong gumawa ng bagay na hindi ayon sa pag-alala sa panahong ito.  Mababaw man o mas malalim ang pagkakaunawa ng mga miyembro ng kongregasyon, walang guro na pwedeng magbigay ng grado sa inasal ng sinuman. Ayon na rin sa paniniwala, tanging ang taong may katawan ang pwedeng humarap sa Lumikha sa panahon ng paghuhukom. Walang sinuman ang nangahas na baguhin ang paniniwalang ito na kung susuriing mabuti ay pumapabor pa laban sa maraming dikta ng relihiyon at lipunan sa kung papaano dapat mamuhay ang isang tao.

Sa mga pamilyang malalim ang dikit sa mga gawain ng simbahan lalo na sa Semana Santa, isang panata ang mahawakan ang Itim na Nazareno ng Quiapo, maglakad ng nakayapak patungong Antipolo, makakanta kahit na ilang linya sa Pabasa, at makiisa sa pagsasalubong ng Birheng Maria at anak na si Hesukristo. Abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain na bahagi ng depinisyon ng AFP. At sa kung bakit nila ginagawa ang lahat ng ito, iyon ay sa paniniwalang may katumbas na merito ang lahat ng ito—hindi lamang pag-alala kung hindi pagbahagi sa pasyon ni Hesukristo.

 

Mula sa palaspas hanggang sa mga bulaklak

Pagbabasbas ng palaspas ang hudyat ng Holy Week. Iba-iba ang hitsura at pagkakaayos nito kung saan may paniniwalang ang paglalagay nito sa mga bahay-bahay ay pagtaboy ng mga masasamang espiritu. Ang pagtuntong naman ng Lunes Santo ang madalas na panimula ng Pabasa na siyang kinapapanabikan ng mga bata. Sa kabila ng lawak ng barangay na aking kinabibilangan halos ilang hakbang lamang ang pagitan ng mga itinatayong kubo para sa Pabasa. Bongga ang mga ito lalo na sa gabi dahil hindi nauubusan ng mga nagnananais makaawit  sa pasyon.

Sinadya man o nagkataon lang, ang mga nangunguna sa taun-taong pabasa na mga iyon ay mga nakatatandang bakla habang abala ang mga batang bakla sa paghahanda ng pagkain sa mga nagsisiawit. Sa tagal ng panahon, ngayon ko lang napansin ang mga katotohanang ito at sa pagtatagpi-tagpi, hindi lamang doon nagsisimula at nagtatapos ang kanilang partisipasyon.

Ilang araw bago tuluyang pumasok ang araw ng Holy Week ay nauna na silang naging abala sa pagpupuno ng mga bus na sasakyan sa mala-field trip na gawain kasama ang ilang matatandang deboto. Seryoso ang pag-iipon ng pera para sa pilgrimage na parang mga estudyante sa hayskul na planadong-planado ang mga ibabaon sa byahe. Ang pilgrimage ay taunang ginagawa kung saan ang dahilan ng ibang mga baklang sumasama ay makasama buong araw ang crush na parishioner kahit hanggang tinginan lang. Sa impormal na interbyu ng ilan sa kanila, dati daw ay gusto nilang kasama sa bus na sasakyan ang dating pari dahil "patas" lang ito kung saan may pakiramdam pa silang nakikiisa sa kanila ang paring kasama. Bagaman hindi mabilang ang sabi-sabi na kaya daw masayahin sa mga bakla ang pari ay dahil bakla din umano ito, ipinagkibit-balikat din lang ito ng mga matatandang debotong kasa-kasama niya sa mga lakaran. Ang totoo’y ayaw nilang isipin o pagtuunan ng pansin dahil wala naman silang nakikita.

Ang Biyernes Santo naman ang araw na taimtim nilang nirerespeto. Dahil sa araw na ito nagtatapos ang inorganisang pabasa, ang panananahimik ng sandali at pagsama sa mala-prusisyong pagrere-enact sa Station of the Cross ng mga kabataan ang inaabangan nila. Marami sa kanilang hanay ang hindi komportable kapag may mangilan-ngilang naghahampas ng sarili na may mga nanunuyot na dugo pa sa sikat ng araw. Iyon marahil ang porma ng "penitensya" na hindi nila gustong gawin. Masaya na daw sila sa nakasanayang mga gawain sa panahon ng kwaresma.

Ang pagbabasbas ng tubig at apoy sa Sabado de Gloria ay pahapyaw na nilang nasisilayan sapagkat ang sumunod nilang pinagkaabalahan ay ang pag-eensayo ng mga batang anghel sa darating na salubong.  Kasama ng grupo ng kalalakihan ang mga apostoles na agaw-eksena sa misa kapag Huwebes dahil ang kanilang mga paa ay hinahalikan ng pari.

lgbt204Noong mas bata pa ay kapansin-pansin na  ang mga gumaganap sa  role ng mga apostol ay mga matatandang kalalakihan kung kaya’t nang sila ay nagkaroon ng mahalagang pagkakataon na makapamili at magkumbinse ng mga lalaking gaganap sa "role" na ito ay kagyat silang pumili ng mga kalalakihang mukhang tunay na Hudyo. Ibig sabihin, balbasin subalit gwapo (base sa kanilang pagpapaliwanag).

Hindi sila nalilito kapag sinasabi ng simbahan na sa araw ng "Salubong" ang mga kalalakihan ay manggagaling sa timog na bahagi at ang mga kababaihang sasama sa Birheng Maria ay sa hilaga. Malinaw ang dahilan sapagkat sila ang grupong nanatili sa simbahan upang ihanda ang mga kagamitan sa simbahan. Sila, higit sa lahat, ang mga napuyat sa pagdedisenyo ng mga bulaklak sa mga karosang ginagamit nila Birheng Maria.

 

After thought

Sa dalawang paskong ipinagdidiwang ng simbahan, ang pasko ng pagkabuhay ang may higit silang may malaking bahaging ginagampanan. Sa tagal ng panahon, hindi ito napapansin o napag-uusapan sa aming lugar. Nasanay na lamang ang lahat na ganoon ang mga kaganapan. Hindi ito nababanggit sa anumang usapan at ang kanilang pagtupad o pagbahagi sa buhay Kristiyano ay hindi kailanman gumuhit ng kahit na anong kulay magpasahanggang ngayon.

Sa ganang akin, sana ganun na lang talaga. Iyong hindi isyu at walang isyu sa pagiging bakla mong deboto ng Birheng Maria o ni San Pablo o ni San Juan. Malaya ang lahat na pagyamanin ang kanyang relihiyon, ang kanyang paniniwala, at ang kanyang sarili na sa kahuli-huliha’y siya rin namang solong haharap sa Diyos sa araw ng paghuhukom.

 

*Unang naobserbahan ng may-akda sa  kagustuhang malaman kung papaano nakikibahagi ang mga kabaro sa simbahang Katoliko bukod sa pagiging pari, choir, lector/commentator o pinuno ng Music Ministry.

Photos by the author. Some rights reserved.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Pinoy LGBT Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer