Nakakagulat noong nakaraang Pride March sa Quezon City noong December 2010. Dalawang linggo lang yata akong hindi nagbasa ng diyaryo kaya nagulat ako sa nakita kong mga banner at placard na naka-display noong martsa sa Tomas Morato, dahil hindi ko rin nabalitaan agad ang ilan sa mga ito. Ang tinutukoy ko ay ang pagkakaroon ng iba pang bersiyon ng tinaguriang Anti-Discrimination Bill o ADB na naturingan.
Para sa mga di pa pamilyar o nakalimutan na kung ano nga ba itong ADB, dahil sa tagal na rin siguro ng panahong lumipas mula nang una itong tumambad sa publiko, ito ang house bill na sinusubukang ipasa para sa kabutihan at kapakanan ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transsexual and Queer (LGBTQ) sector ng Pilipinas. Sa pinaka-simpleng paglalahad, ito ay ang bill na kapag naging batas ay mapapahalagahan ang katauhan ng mga bakla, lesbiyana, bi, trans at queer na mamamayan ng bansa, at inaasahang mawawala ang diskriminasyon sa mga taong may mga ganitong identipikasyon. Kapag sinabi nating diskriminasyon, maraming saklaw ito, pero ang isang nangingibabaw na halimbawa ay ang pagbabawal kaninuman na tanggihan ang isang LGBTQ na aplikante ng isang trabaho base lamang sa seksuwalidad niya, o kaya’y tanggalin o patalsikin ang isang LGBTQ sa trabaho dahil lamang sa siya ay isang LGBTQ. Ang isa pang uri ng diskriminasyon ay ang di pagtanggap sa mga LGBTQ sa ilang eskuwelahan o kaya’y para maglingkod bilang pulis o militar dahil lamang sa kanilang sexual orientation o gender identity. Isa pang madalas na maganap na halimbawa ay ang di pagpapahintulot sa mga LGBTQ na makapasok sa ilang komersiyal na lugar dahil lamang sa sila ay LGBTQ.
Nakakagulat ba? Oo, nangyayari talaga ang mga ito sa aming mga miyembro ng LGBTQ. Kung akala ng karamihan ay “tanggap na tanggap” na kami sa lipunang ito dahil sa dami ng tulad naming nakikita sa lansangan at sa iba’t ibang larangan, medyo nagkakamali kayo sa ganitong isipin.
Mahaba-haba na rin ang kasaysayan ng pagsubok—at patuloy na pagsubok—ng LGBTQ community sa Pilipinas sa pagtangkang pag-file, re-file, re-file at re-file nang paulit-ulit nitong ADB na dapat ay makakatulong sa amin bilang mga mamamayan ng Republika ng Pilipinas. Mula pa nang magsimula ito sa mga sinaunang porma noong 1999 hanggang sa nadebelop ito bilang ADB na nga, na unang dinala ng Akbayan partylist sa kanilang platapormang kasali ang mga LGBTQ, hanggang sa tumulong na rin sa pagsulong nito ang Ang Ladlad partylist na sinubukang itaguyod ang sarili noong 2006 hanggang sa natalo ito sa eleksiyon nitong nakaraang 2010, sa kasawiang-palad ay nananatili pa ring bill ang bill at hindi pa ito ganap na batas. Hmm… bakit kaya?
Alam kong alam na natin kung bakit, pero kailangan pa rin nating ilahad at iladlad. Napasama kasi ang ADB sa tinaguriang “death bills” na “kampanya” ng simbahang Katoliko laban sa mga bills sa kongreso na sa tingin nila ay “papatay” sa “moralidad” (kung anuman iyon!) ng mga mamamayang Pilipino, at sa tingin nila’y sisira marahil sa buhay ng bawa’t isa sa atin. Marami kasing bills na inihahain sa kongreso kada taon, at ang ilang kontrobersiyal sa mga ito ay pinagsama-sama bilang “makakasama” raw sa atin – ang mga bill na nagsusulong sa divorce, euthanasia, abortion, total reproductive health, at homosexuality. Kunin ang unang letra ng mga ito at ito na ang DEATH bills kung tawagin. Napaka-malikhain ng gumawa ng acronym na ito, ano? Walang bahid ng malisya, ikinatuwa ko ang pagkamalikhaing gawaing ito, pero ikinalungkot at ikinagalit din ang intensiyon niya.
Isa rin sa ikinakatagal na pagpasa ng isang bill ay ang pag-file ng iba’t ibang bersiyon nito sa kongreso at sa senado na rin, kaya’t kinakailangan pang pag-aralan ang bawat isa sa kanila nang sa gayo’y kunin ang pinakamaayos na porma nito para iisang bill ang isulong sa kalaunan. Ito ang nangyayari sa Reproductive Health bill ngayon, kaya’t nakabantay ang ating mga kaibigang pro-RH bill para di masira ang esensiya ng bill sa mga bago nitong porma at anyong bill.
Ngayon nga, may nakita na naman akong ibang porma nitong tinaguriang ADB, na dala-dalang nakalahad sa placard ng mga sumapi sa nakaraang Pride March. Ang tinutukoy ko ay ang mga miyembro ng iba’t ibang progresibong organisasyon tulad ng Bayan Muna, na, kung di ako nagkakamali, unang beses ko ring nakita sa isang Manila Pride March nitong 2010 (sumasali na kasi sa Baguio Pride March dati pa ang ilan nilang kaalyadong organisasyon tulad ng Gabriela). Sabi ng placard nila, may isinusulong silang House Bill No. 1483 o ADB din, na ang nag-file ay si Bayan Muna Representative Teddy Casiño. Ano, isa na namang ADB? Hm, ilang porma pa ba ng ADB ang magaganap bago pa man ito maging isang ganap na batas talaga?
Pero welcome sa Pilipinas! Ganito yata ang buhay ng paggawa ng batas sa isang bansang minsan ay di mo masigurado kung talagang ginagabayan ito ng mga batas, o kung mga mamamayan ba talaga ang nakakakuha ng benepisyo sa mga batas na ito at hindi ang mga gumawa lang nito. Hay naku. Ibang usapan naman iyan; sa susunod na lang.
Sa larangang ito, iisa lang naman ang aking alinlangan: mas makakabuti ba talaga kung napakaraming bersiyon ng ADB ang nakasalang para maipasa ito bilang batas? Baka tulad ng RH bill, ang mangyari dito ay titingnan lahat ng bersiyon ng ADB para pag-isahin ito bago maipasa. Puwede na rin siguro, pero paano natin malalaman kung ano ang puwedeng mas isulong kesa sa iba? Kaya pala parang ang hirap isulong ng batas sa bansang ito; iba’t ibang bersiyon ang nakalatag at pinagdedebatehan. At sa lagay ng mga Pinoy, lalo na ng mga nasa gobyerno, mahilig pa naman tayong mag-usap at mag-debate nang walang katapusan (o katuturan) minsan.
Naisip ko lang: hindi kaya mas dehado para sa komunidad na magbebenepisyo sa mga nakahaing bill na ito kapag ganito ang naging proseso, ang mag-file nang mag-file ng kanya-kanyang bersiyon ng iisang bill, para mapili kung ano ang mas nakakabuting bersiyon sa lahat? Hindi kaya mas magandang iisang bersiyon na lang muna ang ihain o kaya’y ang kasalukuyang nakahain na ay suportahan na lang? Hindi ko lang alam o sigurado kung bakit tila mahirap gawin ito para sa lahat. Akala ko ba’y iisa lang ang isinusulong nating adbokasya at iisa lang ang kapakanan ng iisang komunidad na gusto nating proteksiyunan at alagaan? Hindi sa minamaliit natin ang mga mas bagong bill o ang mga organisasyong nag-file, sumusuporta at nagsusulong dito o mas pinahahalagahan natin ang dating bill at ang mga dati nang nagsusulong nito. Ang sa akin lang, sana’y mas mapabilis lang ang pagsulong ng anumang batas na mas makakatulong sa pagbawas at tuluyang pag-alis ng diskriminasyon laban sa ating mga LGBTQ. Dahil sa totoo lang, kailangang-kailangan na natin ito, at sana’y magbuklod-buklod pa ng mas mainam ang lahat ng nagsusulong nito, para sa kapakanan nating lahat. Please lang.
Sabi nga kasi ni Ate Vi sa pelikula niya dati, kung di ngayon, kelan pa? Hay Ate Vi, sana’y agaran. Para sa ADB, sana bukas na – o kaya’y now na! //
Libay Linsangan Cantor is a media practitioner, a film school professor and a Palanca-award winning fictionist. You can email her at leaflens@gmail.com. She blogs at leaflens.blogspot.com and leaflenspopmedia.wordpress.com.
Photos by the author, courtesy of leaflens.blogspot.com. Some rights reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









