The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25

EX-tinguish

lgbt545Isa iyong hindi inaasahang pangyayari. Hindi naman talaga sa kanya ako nahuhumaling subalit sa kanyang kaibigan na malakas talaga ang dating. Matalino, madiskarte, maalalahanin, malambing subalit may kasalukuyang minamahal noong mga panahong iyon. At dahil na rin sa naging kaibigan ko na ang kanyang girlfriend, umpisa pa lang ay pinatay ko na ang anumang namumuong paghanga na kung hindi maaagapan ay baka lalong lumaki at hanap-hanapin siya.

 

Ang isa namang ito ay may girlfriend din noon. Ang kaibhan ay ‘on the rocks’ daw sila. At ang isa pang kaibhan ay malayo ito sa kanya. So, kahit hindi pa ako ganun ka-eksperto sa mga kadahilanan ng paghihiwalay bunga ng kawalan ng karanasan, alam kong hindi magtatagal ay bibigay rin isa man sa kanilang dalawa. Pare-parehas na formula ito sa maraming pocketbooks na nabasa ko at napanood na pelikula. At siyempre, tama ang prediksyong iyon dahil walang isang buwan ay sinukuan ang long distance relationship ng isang ito.

In fairness, wala itong kinalaman sa akin o sa kahit na sino sa paligid, sadya lang talagang inuukol ang mga sitwasyon at pagkakataon upang lubusan naming makilala ang bawat isa. Pagkakakilanlan na sumubok sa maraming paniniwala laban sa pag-iibigang hindi naaayon sa ‘norm’ at tinututulan ng mahalagang institusyon.

Malaki nga talaga nagagawa ng ‘proximity’. Sabi pa nga ng isa kong kaibigang lesbyana ‘proximity is everything darling!” bilang pagprotesta niya sa lapit na mayroon ang kanyang karelasyon sa problematikong ex nito.

Hahaha. Isa pang malaking isyu iyang pag-aligid ng ex sa kanyang dating karelasyon lalo pa kung malayo ang kasalukuyang karelasyon nito. Lahat siguro may kanya-kanyang litanya ng karanasan na may kinalaman sa panggugulo ng mga ex.

“Buwisit, kaya nga ex eh kasi tapos na. Ang labo ng parang walang nangyari at magkaibigan pa sila ngayon”,  sabat ng isang kaibigan noong namomroblema ang isa pa naming kaibigan.

Ang masama, wala siyang gaanong magawa dahil hinahayaan lang iyon ng karelasyon niya. Mala-Poncio Pilatong naghuhugas kamay na wala naman itong masamang ginagawa at ayaw niyang itaboy o sabihang lumayo dahil kaibigan niya naman daw iyon.

“Yeah, right. Kaibigan! Two words para sa iyo, Good Luck!”

Siguro doon lang natauhan ang kaibigan kong iyon kung kaya’t nagawa niya ang malaking desisyon sa kanyang relasyon. Dalawa lang naman kasi ang pagpipilian: titiisin niya ang closeness ng girlfriend niya at ang ex nito dahil magkaibigan sila, o kaya nama’y hahayaan niya lang na ganun ang sitwasyon, tatanggapin na normal lang iyon sa mga mag-ex (siyempre kasinungalingang normal iyon o katanggap-tanggap) saka hintayin niyang mapuno siya hanggang sukuan na lang nito ang relasyon kagaya ng pagsuko ng isang ito dahil sa sobrang layo talaga nila ng ex niya at mahirap i-maintain ang communication.

Sa madaling salita at gaya ng nasabi ko, hindi inaasahang magiging karelasyon ang isang ito na sinukuan ang layo ng kanyang girlfriend. Medyo naka-relate lang ako sa kaninang kwentuhan tungkol sa pag-aligid ng ex sa kanyang dating girlfriend. Hindi saktong ganun ang sa amin ng isang ito pero mas gusto kong paniwalaan na ang desisyon niyang sukuan ang long distance relationship ay walang kinalaman sa pagkaaliw niya sa aming madalas na kwentuhan at pagpapalitan ng mga kuru-kuro. Ang kaibhan lang, hindi ako ex niya na umanay sa on the rocks niyang relasyon.

Pero ano nga bang kaibhan ko sa sitwasyon na meron ang kaibigan ko? Baka nga wala.

lgbt534Kung tutuusin, wala ng gaanong halaga ngayon iyon. Ex ko na siya ngayon. Ibig sabihin, nakalipas, nakaraan, past, kasaysayan. At katulad ng natutunan ko sa mga litanya ng mga kaibigan na inaanay ng mga ex, wala akong balak na guluhin, balikan, makipagkamustahan na para bang walang nangyari, manghimasok sa kanilang kasalukuyang relasyon dahil iyon rin ang gusto kong gawin nila.

Wala kasing punto na tinapos ninyo o natapos ang relasyon ninyo kung pilit ninyo namang binabalik-babalikan ang bawat isa at walang pakialam na nakakasakit na pala.

Simple lang naman siguro ito, kung tapos na eh di tapos na. Kung kaibigan lang eh di kaibigan, at sa pagkakaalam ko, walang kaibigan na naghahangad na masira ang relasyon ng kaibigan niya lalo pa kung naging ex niya. At kung talagang kaibigan, bumilang ka man ng dekada magkaibigan pa rin kayo—sapat na panahon para maging kampante at mawala ang insecurity ng taong sinasabi mong mahal mo.


 


Photos by the author. Some rights reserved.

 



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Pinoy LGBT Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer