The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25

Kung wala kang pera

no_money_no_honeyMinsan na naming napag-uusapan ang nosyong ito ukol sa pagkakaroon at hindi pagkakaroon ng salapi. Mapait man ang ilang palitan ng mga opinion ukol sa paksang ito ay hindi rin naman maikakaila ang ilang karanasan sa kung papaano nabubuo o nasisira ang mga relasyon ng dahil sa pera.

Makailang ulit na ring pinatunayan sa kasaysayan ang kapangyarihan ng pera at mga kayang magawa nito. Sabi pa nga sa librong ginawa ni Gary Allen na may titulong “ None Dare Call it Conspiracy” na nakabenta nang mahigit limang milyong kopya bunga ng pag-eexpose nito sa mga conspiracy na kadikit ang malalaking halaga ng salapi, ito ang dahilan sa diumano’y pagpapaikot sa maraming institusyon (mapa pribado man o publiko) maging mga indibidwal na tao (maka kaliwa man o kanan). Ibig sabihin, kaya nitong bilhin ang mga prinsipyo, pagkatao, maging buhay ng ilan.

Sa puntong iyon, nakikilala ang halaga ng kapwa base sa presyo na nakapatong sa kanyang ulo. Maaaring ang pagprepresyong iyon ay direktang pinatong sa kanya base sa pagtatayang halaga niya o kaya nama’y pagpapakilala niya sa sarili kung saan sinubok siya ng panahon at ang halagang pinag-uusapan ay kinagat niya.

Madalas din nating sabihin kapag nakaranas ng isang sitwasyong di nating inaasahang higit na makikilala ang kapwa kagaya halimbawa ng pangungupit nito ng halagang sampung piso o isandaang piso ay iyon na ang halaga niya at nagpakilala iyon sa ilang pirasong piso. Kahawig na sitwasyon ang naging presyo din ni Hesus nang ipagpakanulo ito ni Hudas sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Sa halagang iyon, pinresyuhan ni Hudas at ng kanyang mga ka-transaksiyon si Hesus at ganun din ang naging halaga ni Hudas nang ipagkanulo niya si Hesus at ng kanilang relasyon bilang magkaibigan.

Sad truths

Nakalulungkot isipin ang mga ganoong sitwasyon at sa palitan ng kuru-kuro ukol sa paksang ito, malaking bilang ng mga nasa paligid ang hindi pumasa sa pagsubok na iyon. Ibinahagi pa ng isa na sa oras ng kanyang kagipitan, iilang kaibigan lang talaga ang nananatili sa kanyang tabi at tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Nalugi ang kanyang negosyo at sumabay din sa pagkakatanggal sa trabaho ang kanyang asawa dahil sa di maapulang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.

Ang naglalakihang kaliwa’t kanang utang din nila ang isa pang bagay na halos mag-udyok sa kanyang magpatiwakal kung hindi lang talaga niya iniisip ang kanilang dalawang anak na parehong nasa elementary pa. Sa kasawiang palad, ang kanyang kasosyo sa negosyo na matalik na kaibigan ay iniwan din siya sa ere bitbit ang natitirang halaga ng kanilang inutang na salapi na pambawi sana sa negosyo. Sa karanasang iyon, winika niya na hindi lamang siya nawalan ng negosyo kung hindi pati matalik na kaibigan simula nang tumuntong sa kolehiyo.

Ang isa namang pagbabahagi ng karanasan ay ilang magkakaibigan na nagdesisyong magtayo ng negosyo subalit sa kasawiang palad ay nag-away away bandang huli dahil sa hindi pantay na hatian ng trabaho. Pakiramdam daw niya ay mas mabigat ang trabahong kanyang ginagampanan samantalang ang iba ay prente lang at pantay lang ang hatian. Naghiwa-hiwalay silang may mga samaan ng loob dahil di umano sa nakilala na nila ang tunay na kulay ng bawat isa. Magpasahanggang ngayon at kahit ilang taon na ang lumipas ay di pa rin nabubura ang nangyari katulad ng plorerang nabasag at kahit pagdikit-dikitin ay di na maibabalik sa dati.

Kahawig din na kwento ang naranasan ng pangatlong nagbahagi sa usapan. Ang kaibhan ay ang pagsosolo ng isa sa kanilang negosyo. Imbes diumano na pumasok sa kanilang maliit na kumpanya ang mga proyekto ay lihim na sinosolo ito ng isa kung kaya’t sa huli ay tinigil na lang nila ang kumpanya. Katulad ng nangyari sa pangalawa, wala ng pag-uusap na naganap dahil sa pagtinging napresyuhan na ng kaibigang kasosyo ang sarili at kahit pa anong sabihin nito ay hindi na mababago ang pagtingin sa kanya. Mahirap lang din dahil magkakasama sila sa opisinang pinagtratrabahuhan kung kaya’t mas panay ang walang imikan.

Rise above

Hindi madali ang makaalpas sa problemang sangkot ang malaking halagang pera . Mapa-perang nadispalto man ito o nalugi dahil sa negosyong hindi kinagat ng target na consumers. Subalit ang higit na mas masakit ay ang pagkilala sa presyo ng kaibigan at pagkawala nila sa parehas na kadahilanan. Ang anumang away o kaguluhan bunga ng pera maliit man o malaking halaga ay may parehas na kahihinatnan kung saan wala itong katumbas na lunas kahit pa pagdikit-dikitin ang nabasag na pagkatao. Hindi ito kumikilala ng tagal ng panahon sapagkat katulad ng masasakit na salitang nabitawan, hindi mo na ito pwedeng bawiin pa o i-undo na kagaya ng sa isang computer.

Walang nagsasabing madaling tanggihan ang mga tukso o iwaksi ang mga sitwasyong maaaring patungo sa pagkasira ng relasyon. Sabi nga ng iba, ‘it takes attitude to resist evils’. At ang pag-uugaling kinakailangang iyon ay nalilinang simula pagkabata kung saan wala ni kakarampot na ideyang manguha ng barya sa bulsa ng naiwang pantalon ng magulang o halungkutin ang mga pinagtataguan nito. Kung minsan naman nating nagawa ito at natutunan ang kamaliang nagawa, mahalagang siguraduhing hindi na ito muling mauulit pa lalo pa’t relasyong mga panghabangbuhay ang nakasalalay dito. Iyan naman ay kung nais talaga nating magkaroon ng panghabambuhay na relasyon sa kapwa, may hawak man na pera o wala.

 

Photo: “No Money No Honey” by J R, c/o Flickr. Some Rights Reserved



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Pera-Isipan Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer