Lagi na lamang kaakibat ng araw-araw na buhay ng ordinaryong maliit na negosyanteng Pinoy ang pagdating ng scooter ng bumbay. Masasabi siguro ng ilan na ang pagpapa-5-6 ay bulateng tiyan na sumisipsip sa kabuhayan ng sinumang nangutang; pero minsan, may nakita akong isang lalakeng Bumbay na walang turban at gaya ko rin manamit pag pupuntang mall – T-syert, maong, at rubber shoes. Nakikipagbiruan sa mga tindera ng aking binibilhang sari-sari grocery sa pamamaraang makikita natin kay Joey De Leon at mga EB Babes. May kapilyuhan ng kaunti ngunit di naman bastos kung kaya’t madali pa ring nasasakyan. At sa huli’y pinagsabihan pa niya ang mga tinderang tila mga dalagita na mag-hunus-dili pagkat sila’y pawang mga may gatas pa sa labi.
Makikita natin sa maikling tagpong iyon na pupuwede rin naming maging makatarungan ang nagpapautang. Maaari din maging kabiruan, o nagpapayong kaibigan na ang nais ay ilayo ka sa kapahamakan. At kung talagang ipagpipilitan pa nga ay kahit tumalon na nang husto ang ating imahinasyon at sabihing sila’y makapagdudulot rin ng saya.
Alam ko na mahirap na baguhin ang kaisipan ng mga Pinoy ukol sa Bumbay, kaya naman ngayon ay magkakaroon na tayo ng kapalit nila. Mas mababa magpa-interes, at depende sa laki ng iyong isinuksok, ay malaki din naman ang ipabubunot na pera.
Ito ay ang tinatawag na microfinance institutions, o maari nating tawaging mga bangko ng mahihirap, kung saan ang isa sa pinakamaunlad ay nasa pinanggalingang ng mga Bumbay, sa India. Mantakin ninyo yun. Ang mga kliyente nito ay kadalasang iyung mga lugmok sa hirap, o below poverty line, pwedeng sa probinsya, pwede ring nasa siyudad, o sa kaso natin, sa kamaynilaan.
Ang malaking kaibahan ay ang pagtanggap ng kliyente. Sa microfinance, di ka na hihingan ng kolateral kung nais mo mangutang, o kung hihingan ka man, ay may tinatawag na collateral substitutes. Maaaring kasangkapan sa bahay, o kaya naman ay promissory note mula sa isang kaibigan – sa mga pagkakataong ang kolateral ay mas mababa kesa sa balak utangin.
Pero kung ikukumpara sa malalaking bangko, mas mabilis talaga ang proseso dahil mas konti ang papeles na hinihingi kumpara sa mga karaniwang bangko, at kadalasan ay mas maliit din ang interes na pinapatong sa mga utang. Kung iisipin ng isang middle class na Pinoy ay may kababaan ang halaga ng madalas na inuutang ng mga miyembro ng microfinance institutions, naglalaro lamang sa 10 hanggang 20,000 piso, ngunit iyon ay sapat na para sa pagkakaroon ng negosyo sa loob ng bahay o maaari ding pumuwesto, at makaahon ang mga kababayan natin sa hirap, at – malay natin -- di kalaunan, ay makipagsabayan sa mga bigating negosyante.
Sa presentation na ibinigay ni Prof. Ronald T. Chua, ng Asian Institute of Management, na pinamagatang, “Delivering to the Poor,” nabanggit niya na noong nakaraang dekada ay lumawak ang saklaw ng mga microfinance institutions sa bansa. At kung ikaw ay isang negosyanteng nagbabalak na pasukin itong industriyang ito, o mag-expand, masasabi ngang nakakakilig ang panahong ito para sa microfinance, sapagkat marami ang nag-aantay sa serbisyo mo, sa simpleng katotohanang napakaraming mahirap. Ang kailangan mo lang talagang tukuyin ay kung sino sa kanila ang may pangarap umahon, ay yun na nga ang karapat-dapat mong matulungan, at siyempre, ikaw ay kikita din naman, sa isang maayos, at may malasakit sa kapwa na paraan.
Dagdag pa ni Prof. R.T. Chua na ang mga suki ng microfinance ay mga maybahay, na nasa pamilyang naghihirap o nanganganib na maghirap. Gayunpaman, ang mga nakaaangat ay nakikinabang din sa serbisyong microfinance dahil 20 porsyento ng mga kliyente ng microfinance ay sila.
At sino-sinong ba itong mga Poncio Pilatong microfinance institutions na mga ito, maitatanong siguro ng iyong kilay na tumataas na sa ngayon. Aba, sila ay ang mga friendly neighborhood rural banks, at mga iba pang organisasyon, tulad ng mga kooperatiba na nag-umpisang maliit hanggang maging rural banks na dahil na rin sa suportang natanggap sa mga miyembro nila.
Kaya naman umabot na sa ganitong naka-e-engganyo na nang husto ang microfinance, ay dahil na rin sa pagnanais ng mga mahihirap na kliyente ng mga ito na umahon, sa pamamagitan ng retail. Hindi retail therapy, mga kababayan ha, kundi ang pag-uumpisa ng maliit na negosyo, na unti-unting napapalaki. At siyempre pa, sa suporta na rin ng gobyerno at iba pang organisasyong pabor sa ideolohiya ng microfinance.
At kung sa prinsipyo lang din, ay naihalintulad na ito sa utopian socialism, kung saan ang lahat ay sabay-sabay na umaangat ang buhay sa pamamagitan ng pagnenegosyo sa parte ng nanghiram ng pera, at para sa microfinance institution naman, ay ang kakayahang magpaikot ng pera mula sa katanggap-tanggap na interest rates.
Ang benepisyo ng pautangang bayan ay di halos mabilang. Kahit noong 2008 pa lamang ay isinabatas na ang pagbibigay ng microfinance loan para sa pabahay, tulad ng pagpapaayos, pagpapaganda, pagpapatayo, at pagbili ng bahay para sa mahihirap. Binibigyan ding prayoridad ang mga mangingisda at magsasaka. Bukod pa riyan, may tinatawag na ring microinsurance, o proteksyon laban sa kalamidad, biglaang pagkakasakit ng malubha, aksidente, at iba pa, na kadalasang ang may kaya lang ang nabibigyan, dahil mataas ang hulog sa mga ganitong serbisyo – lalo na’t kung sa pribado at multinational na kumpanya ka magpapa-miyembro.
Ngunit, kung ikaw ay isang nagnanais na makautang sa isang microfinance na rural bank o organisasyon, makabubuti na imbestigahan mong mabuti ang papasukin mo, gaya na rin ng pagkuha ng insurance sa pag-aaral ng isang anak sa mga malalaking kumpanya. Ang perang pinaghirapan mo ay pupuwedeng maglaho sa isang iglap, at itakbo ng mga ahente at pamunuan ng mga rural bank na ito. Kesehodang may building pa sila na de-aircon. Kahit pa iupo sa may kalambutang sopa, at painumin ka ng champagne.
Kailangan mong malaman kung gaano katagal na sila sa ganung pagpapautang na negosyo, at makabubuti kung may makausap ka na kliyente nilang kakilala mo na hindi ahente. Kahit pa kaibigan mo iyan ay maaaring naloko din siya ng isang peke, malisyosa, at mahaderang microfinance bank. Ay naku, may kakilala akong nagoyo sa ganito. Sa Imbestigador sa GMA7 nakapanuod na rin ako ng ganito minsan. Kaya ikaw, titah..kwidaw! Tumawag sa DTI o sa SEC para sigurado. At pag nag-click ka rito, matatagpuan mo ang ilan sa mga lehitimong microfinance institutions sa Pilipinas.
Ang perang pinaka-ingat-ingatan natin, higit pa sa bikining itim, na siyang daan patungo sa mas magaang na buhay para sa ating mga minamahal, ay nararapat lamang na siguruhing lalago. Umiwas ka nga sa 5-6, eh, papa-1-2-3 ka pa ba sa mga damuhong ito?
At kung tunay ngang microfinance bank ang nasalihan mo, at kung tunay ngang magpupursige ka, at gayun din naman ako, sa ating mga pangarap na negosyo, siguradong, pagdating ng panahon, magkikita tayo’t mag-uusap sa isang building na de aircon, may magarang malambot na mga upuan, bumubulang champagne, at mga taong mapagkakatiwalaan.
Ipapatalastas ko lamang, haneh, na ang inyong lingkod ay may nabubuo nang kongkretong plano para sa pagpapatayo ng isa ngang microfinance savings bank. May polisiya na kami, market, at siyempre, ang aking kabatak ay isang respetadong ginang na nagretire sa isang rural bank sa Antipolo, Rizal, na isang moog nang maituturing. May mga nakokonsultahan din kami sa UP Diliman, ang Small Enterprises Research and Development Foundation. Kaya talaga nga namang nakaka-excite ang taong 2012 para sa Pilipinong nag-aasam magnegosyo.
Gagalingan namin. Kayo rin, pagbutihin ninyo. Para sa Pinoy ito. Naalala ko tuloy bigla yung kanta ni Menny Pekyew. Basta, usapang matino yan, ha?!
Photo: from google.com.ph/imgres
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









