Akademikong Dong Abay ? Oo, iyan ang maaaring maging kinabukasan ng dating lirikista at bokalistang bandang Yano , na naging sikat para sa mga kanta tulad ng “StateU,” “Esem,” “Trapo,” “Banal na Aso, Santong Kabayo” at“Mc'Jo.”
“Ngayon ay wala pa [akong banda], pero balak kong magtayo ng banda kung mangyayari. Pinaghahandaan ko ang pag-aaral ko,” sabi ni Dong noong Huwebes, Oktubre 23, nang dumayo siya sa opisina ng Vibal Foundation upang magrekord ng theme song para sa Parokya sa Web ni Fr. Roberto Reyes. Nagmerienda muna siya ng pansit habang minimix ng studio engineer ang kanyang obra, at nagpainterview sa Philippine Online Chronicles (POC).
Solo artist muna ngayon si Dong, at ang huli niyang “indie” album ay lumabas noong 2005, kung kelan rin siya nakatapos ng Bachelor of Arts in Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas . “Iyon nga ang nakatulong sa akin makapasok [sa University of Technology], hindi ang musika,” sabi niya. Mag-aaral siya sa Auckland, New Zealand upang makakuha ng post-graduate degree sa kursong International Communication.
Dapat na siyang umalis noong July, pero nanatili muna siya sa Pilipinas upang mag-ipon ng pangbayad ng tuition, at magrekord ng awiting “Parokya ng Mundo” para kay Fr. Robert. “Baka meron tayo diyang mga parokyano na maglalaan ng tuition fee ko, kasi mahal, e,” biro niya. “Mahal mag-aral, pero ang pag-aaral na iyon, makakatulong sa akin kasi gusto ko unang-una, bilang isang artistang Pilipino, gusto kong lumikha ng musikang maririnig ng buong mundo.” Tulad rin ng nais ni Fr. Robert sa kanyang Parokya sa Web, ika ni Dong.
Dati pa nagkakilala sina Dong at Fr. Robert, noong ipabinyag ni Dong at ang asawa niyang si Ninj ang kanilang anak na si Awit sa Church of the Holy Sacrifice sa UP Diliman. “Iyon iyong panahon na hinahabol namin si Father. Di namin mahabol kasi tumatakbo,” sabi ni Dong na hindi man lang ngumingiti. Kung hindi ka mabilis, ika nga nila, siguro ay mahihirapan kang malaman kung nagbibiro si Dong Abay.
Ikinuwento ni Dong kung paano siya nahikayat ni Fr. Robert na gumawa ng kanta para sa kanya.“Nag-usap kami ni Father mga September, last month. Meron kaming common friend na sabi, tinawagan nya lang si Father na ano kaya, magsulat si Dong ng kanta para sa Parokya sa Web? Um-ok naman si Father. Pinaliwanag nya sa akin iyong site saka iyong ginagawa niyang programa.”
Isang linggo lang ang inilaan ni Dong sa pagsulat ng theme song ng POC channel ni Fr. Robert, at hindi niya maipaliwanag kung bakit minsan inaabot siya ng taon sa ibang kanta. “Minsan may isang kanta akong kinompose na less than 10 minutes, meron namang taon. Hanggang ngayon meron akong kanta na nasulat ko na ang chorus, 10-20 years ago, pero di ko pa rin nalalapatan ng musika. Depende iyon, e. Di ko rin ma-explain, di ko mapaliwanag. Kumbaga iniluwal no na siya, parang galing sa creativity ko, lumalabas at lumalabas rin,” sabi niya. “Tulad ng 'Parokya ngMundo.' Lumabas na lang sya tapos pinarinig ko kay Father.”
“Naisip ko na magandailagay sa kanta iyong [pagiging parokya ng mundo nito, pati] iyong salitang simbahang walang hangganan. Kasi, ang simbahan natin nakatali lang sa parang kungkreto na institusyon na building siya, pero pwede mo namang maging parokya ang buong mundo,” paliwanag niya sa kanyang sinulat na kanta, na maaaring marinig sa POC channel ni Fr. Robert. “At saka maganda pakinggan, 'Parokya ng Mundo.'”
Sabi ni Fr. Robert sa wikang ito ni Dong, “Gulat nga ako, pinabibigat mo trabaho ko.”
Sina Fr. Robert at Dong ay kasalukuyang nasa Hong Kong. Aawitin ni Dong ang kanyang bagong obra sa isang “mini-concert” kasama sa international launch ng Parokya sa Web.
Hong Kong ba muna, tapos ang mundo?
“Gusto ko lumikha ng musikang maririnig ng buong mundo. So ginagawan ko ng paraan kasi dito sa Pilipinas, mahirap. Ipapakilala ko ang musikang Pilipino sa buong mundo. Dito hindi posible sa panahon ngayon na iba ang tenga ngating kababayan, iba ang kultura natin, e, pagdating sa pakikinig. Sa musika, sa impluwensya,” sabi ni Dong.
“Di ko rin mapaliwanag, e. Ngayon lumilikha lang ako ng lumilikha ng kanta. So tuloy lang. Ang musikang Pilipino gusto kong iangat kumbaga, wala kasi akong ibang alam kundi lumikha, e. So, di ko alam. Di ko na alam ang mangyayari, basta sa akin likha lang ako ng likha, at sa paglikha ko merong nakikinig.”
Philippine Online Chronicles interviews Dong Abay on life, making music and Parokya sa Web
{play}/podcasts/parokyasaweb/DongAbay_interview.mp3{/play}
Photo:“Dong” by SanchoPapa , taken from Flickr.com. Licensed under Creative Commonslicense number BY-2.0-DEED.EN.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









