Ang komiks ay inilarawan bilang isang makulay at popular na babasahin na nagbigay aliw sa mga mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng kulturang Filipino.
Ang pagiging malikhain ng mga tagakomiks ang nagpagalaw maging sa mga bagay na walang buhay. Ipinakita ang hindi nakikita ng iba. Lumikha ng mga bagay mula sa wala. Gumawa ng mahika. Pinagkabit-kabit ang mga elemento. At kahit walang teleskopyo ay ginalugad ultimong tuldok sa kalawakan, ipinakita na bukod sa ating mundo ay may iba pang mundo, at may iba pa palang uri ng mga nilalang. Maraming bata ang lumaki kasabay ng komiks at baon nila ang tapang ng mga super karakter na lumalaban sa mga hamon ng buhay. Maraming pinaligaya ang komiks, maraming binigyan ng pag-asa, maraming pinaibig.
Ayon sa blog ni Fermin Salvador, 'world-class' ang kakayahan ng mga Filipino sa paglikha ng komiks.
Kinilala ang galing at husay ng mga Pinoy sa larangan ng sining at malikhaing p agsulat sa lokal man at internasyunal na komunidad. Kabilang sa mga komikerong Filipino na kilala sa labas ng Pilipinas sina Gerry Alanguilan, Whilce Portacio, Philip Tan, Alfredo Alcantara, at marami pang iba.
Maging kapwa artist ay humahanga sa galing ng mga kilalang dibuhista sa komiks. Base sa blog ni Randy Valiente, may appeal sa lahat ng panahon ang gawa ni Alex Niño, na naging artist para sa DC Comic s, Marvel Comics at Heavy Metal magazine. Para siyang si Moebius na kahit ang dami nang modernong styles na naglabasan ay mag-standout pa rin sa karamihan.
Maging ang popular na si Dr. John A. Lent, na may Master of Science in Journalism (1960) mula sa Ohio University at PhD. in Mass Communication (1972) sa University of Iowa ay isinulat ang The First One Hundred Years of Philippine Komiks and Cartoons. Siya ay awtor ng maraming librong tumatalakay sa iba’t ibang sangay at aspeto ng mga sining at kulturang popular na kinabibilangan ng komiks.
Sinimulang kilalanin at pag-aaralan ang komiks ng malalaking pamantasan bilang isang lehitimong panitikan o pop lit. Sa katunayan, kasama na ito sa kurikulum ng subject na Kulturang Popular.
Ayon nga kay Prof. Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS, hindi mamamatay ang komiks dahil may kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding hindi mamamatay sa kulturang Filipino hangga't ang mga Filipino ay may mga mata para makakita at bibig para makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks.
Sa blog na isinulat ni Glady Jimena ay nabanggit niya na hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino bilang isang pamanang kultural. Ang naging eksistensiya nito sa loob ng mahigit na anim na dekada o higit pa ay maituturing na isang “social phenomenon”.
Napakaraming naging ambag ng komiks sa kultura, panitikan at lipunang Filipino. Hindi lamang dahil sa karamihan ng mga akdang ito’y naisapelikula, kundi nag-iwan ito ng mga subliminal na kahulugan sa kamalayan ng mambabasang Filipino.
Naging daluyan ang komiks ng napakaraming konsepto ng “social norm” - mga hindi malilimutang tauhan o karakter. Cliché man o hindi cliché pero naging hulmahan o modelo ng mga bagong manunulat na lumilikha ng panibagong karakter sa bawat henerasyon.
Hitik sa kasaysayan ang komiks maging noong una pa man. Sinasabing ang bayaning si Jose Rizal ang kauna-unahang Filipino na gumawa ng komiks. Noong 1884 inilathala sa magasing "Trubner's Record" sa Europa ang komiks strip niya na "Pagong at Matsing". Ito ay halaw ng bayani mula sa isang popular na pabula sa Asya.
Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalingan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino.
Ang komiks ay naging hulmahan ng napakaraming manunulat na ngayon ay manunulat ng telebisyon, pelikula, teksbook, atbp.
Ang komiks ay bahagi na ng kultura ng mga Pinoy. Nakatatak na sa kamalayan ng bawat Pilipino na may pagpapahalaga sa sining. Naging repleksiyon ang komiks kung ano ang uri o antas ng kamalayan mayroon ang mambabasang Filipino sa pamamagitan ng mga naisulat na akda.
Komiks bilang yaman na dapat ingatan![]()
Sa KOMIXPAGE ay maayos na isinalansan ni Armando T. Francisco ang mga taong naging bahagi ng industriya ng Komiks, at tunay na binigyan ng pagpapahalaga ang kanilang mga akda at makasining na likha.
Habang may computer at internet ay hindi magsasawa ang mga blogger na ilahad ang kasaysayan ng komiks.
Maraming selebrasyon ang patuloy na binubuhay para magtipun-tipon ang mga manunulat at alagad ng sining sa pamamagitan ng mga event maging sa interrnet.
Isa dito ang 100 Araw ng Komiks (100 Days of Comics), na isang online event para sa pagpalaganap ng kaalaman tungkol sa komiks gamit ang Twitter, Facebook, DeviantArt, blogs at iba pang social networking site.
Ang pagtugon ng ito ng marami ay buhay na dumadaloy sa ugat ng nagmamahal sa kulturang Pinoy at sa Komiks na totoo namang yaman ng ating panitikan.
Pilipino Komiks image taken from felix_nine on Flickr.
Alfredo Alcala art taken from neojay on Flickr.
Alex Nino art taken from Komikero Dot Com.
'Elmer' cover taken from Major Spoilers Comic Book Review.
All image copyrights are believed to belong to their respective artists or publishers.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









