Alam mo, Lady S, ngayong naglaho na ang aking kabataan at humigit kumulang (mas kulang kaysa higit) nakamtan ko na ang mga pangarap sa buhay, naiiba na ang aking priorities o values. Hindi ko na kailangan ang recognition sa workplace (eh di kasi, retirado na ako). Hindi ko kailangang maging smart, beautiful and sexy (eh nag-give up na ako). At sabi nga ng yumao kong ama: “There's no such thing as a beautiful, old woman.”
Pinangarap kong maging “cool mom.” 'Yun bang maging barkada ng aking mga anak. Yung bang bukas-loob silang makipag-usap sa akin. Walang takot, walang kiyeme, walang hiya. Humigit kumulang (mas higit kaysa kulang), naging BFF naman ako ng aking mga supling, lalo na yung mga babae. Yun nga lang, hindi "cool mom" ang tawag nila sa akin kundi “weird mom.” Dahil may kalakip na yakap at halik yung pagkakasabi ng bunso ko, hindi na ako napikon sa bansag na “weird mom.”
Ngayong naging lola na ako, ang aking adhikain ay maging “cool grandma” at “cool mother-in-law.”
Mabait at tahimik ang aking DIL (daughter-in-law). Yung tipong isang tanong, isang sagot. Eh, ako, humigit kumulang (mas kulang kaysa higit, dahil hindi naman ako gaanong mabait), ganoon din. Ibig kong sabihin, dahil pareho kaming tahimik, hindi ko siya ma-reach at ganun din naman siya sa akin. At dahil siguro wala kaming common interest, maliban sa mga bata, eh pareho kaming panis-laway pag magkasama.
Nasa likod bahay lang ang tirahan nila. Kaya panay ang silip ko sa kanila. Pero wala kami talagang masabi sa isa't isa kaya kadalasan, hindi ako magtatagal, hug lang at kiss sa mga apo. O minsan, 'pag hindi ako busy, hihiramin ko ang mga bata upang makipaglampungan sa kanila.
'Pag Linggo, gusto ko sana magkasama-sama kami. Magluluto ako ng masarap; ipapatawag ko sila, pero magpapasabi sila na dalhin na lamang dun ang pagkain. Ayaw ko nga. Dyok. Hindi, pinapadala naman ang mga mangkok (wala nga lang laman – dyok).
Sa mga anak ko, may pagka-makulit ako, at napansin ko, Kulit works. Pero sa DIL, hindi ko pinapaandar ang aking pagka-kulit at pagpilit. Kaya, sige na lang kung ayaw nilang magsalu-salo kami.
Hinding-hindi ako nakikialam sa buhay nila (kahit nga hindi nila pinangalan sa akin ang kanilang panganay na babae kahit panay ang parinig ko noong nasa tiyan pa siya, ay hindi na ako umimik). Kaya hindi ako matatawag na biyenang paki-alamera.
And pinaka-masakit sa akin, lately, parang ayaw na ipahiram sa akin ang aking matamis tamis-na-maasim asim na panganay na apo. Sakit. Lungkot. Pero gusto kong maging cool.
SOS, Lady S.
Sagot agad, pwede?
-Biyenang mabeauty
Note: This is semi-truth and semi-fiction... meaning the truth was quite exaggerated.
Dear Biyenang mabeauty:
Obvious ba? Feeling ko may DIL-BM (daughter-in-law/Biyenang mabeauty) tension sa pagitan ninyo at napaka-ordinaryong katotohanan naman ito sa lahat ng magbibiyenan. Naku ayaw kong matalamsikan ng inyong panis na laway (nyek, kadiri!) dahil sa hindi ninyo pag-iimikang dalawa.
Bawat kabanata sa buhay ng tao, may mga kakatwang pagbabago. Tapos na po kayo sa pagiging cool mader, nariyan na kayo sa pagiging mader-outlaw, este in-law. Pagpapatunay lamang na walang hanggan ang pakikisama at pag-a-adjust ng sinuman sa mundong kanyang ginagalawan. Life is a balance, 'di ba? Ang sa akin lang naman, dahil kayo po (tanggalin ko na ang “po” ha?) naman ang mas bonggang-bongga at pabolosang nakakaunawa sa mas nakababata sa inyo, why don't you break the routine, hindi naman communication lang ang kailangan para makatawid sa kabilang kalye kundi mas me sipa yung aksiyon agad- Do it! And do it now! Ayain si DIL na manood ng “Miss you like Crazy” o magkape kayo paminsan-minsan sa Starbucks o isama siya sa panonood ng paglubog ng araw sa sunset view sa MOA ('wag naman ninyong itulak sa dagat, ha?) I mean tuklasin ang parehong interes ninyo, mag-usap and then mag-bonding! Kalimutan mo muna kahit pasumandali na ang babaing ito ang umagaw sa pagmamahal at atensyon ng iyong anak (ay, sobrang joke po!)
Naku feel na feel ko, KSP ka lang, mader! Hala, ganyang-ganyan ang mga tumatanda – maramdamin, nang-aagaw ng atensyon, ang baba na ng threshold sa pain ('di ito joke). At 'wag na 'wag kang patatawag na matanda! Ako nga, bastusin na ng mga lapastangan pero ayaw na ayaw kong pinu- “po” ako. Ay, ibibilad ko siya sa lupit ng sikat ng araw na parang tinapa! Saka 'wag mo nang damdamin yung hindi ipinangalan sa iyo ang iyong panganay na apo, I'm sure hindi niya feel makapangalan ng kanyang anak ang nanay ng kanyang asawa. Hindi na po iyon sakop ng ating powers.
Tungkol naman sa sweet and sour na panganay na apo (manamis-namis sabi mo at maasim-asim), bakit naman siya ipagdadamot sa iyo? Again, ang liit na bagay ginagawa mong higante. Baka naman me mabigat na dahilan kaya hindi pinapayagang mangapit-bahay si apo. Now kung feel mo, aba e di itakbo ninyo pauwi! Sa likod bahay lang naman siya nakatira. Di isole pag nag-tantrums at pumu-poo.
Don't take yourself too seriously. No one else does. Itapon sa ilog ang mga insecurities, you already have all you need, at tanggapin na nang super luwag sa kalooban na anak mo na rin si DIL at hindi siya dapat maging kakumpitensiya.
After all, iisa lang ang nanay – at hindin-hindi maaring palitan sa puso ng isang anak – ikaw iyon.
Stay cool!
-Lady S
Photo: "Grandmother" uploaded by mydearDelilah, c/o Flickr.com, Some Rights Reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









