The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Love Advice Aling pag-ibig pa kaya?

Aling pag-ibig pa kaya?

handsKumusta na ang aking mga fans? (naks, nadagdagan na naman ng isa). Sobra ninyo akong na-miss, ano? Wag na kayong mag-rally sa harap ng aming opisina at narito na akong muli upang makasama ninyo. At wag na rin kayong tsumismis kung ano ang pinagkaabalahan ko kaya nag-absent ako ng matagal. Ang importante, nandito na ako, di ba?

Sa dami ng letters na aking natanggap mula ng magbakasyon ako, (naks ulit, pag sobra sa isa, marami na 'no?) ang sulat mula sa isang 12-year-old ang pumukaw sa aking atensiyon. Nais kong ibahagi sa inyo ang kuwento ni Angeline, tungkol sa kanyang pinakamamahal na Tatay na matagal nagtrabaho sa ibang bansa. Inihahandog ni Lady S ang isa sa pinakadakilang kuwento ng pag-ibig ngayong Araw ng mga Puso.

 

Mahal kong Lady S:

Hindi po ito love story ng mag-boyfriend. Pero puwede ko ring maging boyfriend ang Tatay ko. Kasi, bukod sa pagiging Tatay, Nanay, BFF, bully at best enemy (dahil lagi niya akong inaasar!) at lahat-lahat na, si Tatay ang naging inspirasyon at lakas ko kahit we are miles apart.

Sabi ni Lola (na siyang nag-alaga sa akin), dalawang taong gulang ako nang umalis si Nanay. Nung three years old ako, umalis naman si Tatay. Takang-taka ako kung bakit umaalis sila at iniiwan ako. Pero dahil sobrang baby pa ako nun, di pa gaanong masakit kahit wala sila sa tabi ko. Mababaw lang naman ang kaligayahan ko- manikang may blonde na buhok, at higanteng tsokoleyt, happy na ang feeling ko. Nung mag-ten na ako, unti-unti, naunawaan ko ang maraming bagay. 'Yung mga bakit at kailan, nagsawa din ako sa katatanong. Ganon pala kapag lumalaki kang walang magulang sa tabi. Maaga kang nagma-mature. Ngayon ko rin naintindihan (kahit di masyado) na kahit nagmamahalan ang dalawang tao, may mga relasyon na di talaga nagwo-work out. At kaya umalis ang Tatay, marahil ay upang gamutin ang sugat sa kanyang puso at siyempre, para din sa aking magandang kinabukasan. Pero yung tanong na bakit at kailan, pati ng ano at paano, sumusundot pa rin paminsan-minsan.

Nabasa ko ang “Patak ng luha ng isang ama”. Umiyak ako ng umiyak. Kasi, naalala ko si Tatay. Kapag malapit na siyang umuwi galing abroad, babangon ako araw-araw sa umaga na ang unang titingnan ay ang kalendaryo. Bilang ako ng bilang. Sa school, panay ang sulyap ko sa pinto, sa bintana. Si Tatay kasi, parang kabute, bigla na lang susulpot. Nung huling uwi niya, walang pasabi, basta nakita ko na lang na nakasilip sa may bintana. At kakantahin na naman niya ang paboritong linya sa Get Here - “I don't care how you get here, just get here if you can...”

Basta yung unang kita namin pag umuuwi siya, ang feeling ko palagi ay Pasko, Bagong Taon, Valentines Day at birthday ko! Ay, sana ma-suspend ang pag-ikot ng orasan at manatili kong ka-hug si Tatay ng isang buong araw! Miss na miss ko po talaga ang guwapo kong Tatay!

Hindi ko na mabilang kung ilang ulit na umalis at bumalik ng Pilipinas si Tatay. Ang naiiwan lamang sa puso at isip ko ay ang masasarap na sandaling magkasama kami. Pero wala akong kahit na anong hinanakit na lumipas ang alaala ng aking kamusmusan na wala siya sa aking tabi. Sobra akong mahal ni Tatay. Lagi niyang sinasabi, ako ang anghel ng kanyang buhay. Ang awit sa kanyang puso. Ang ilaw na nagpapatingkad sa kanyang mundo. Kahit magkalayo kami, humihinga kami sa iisang bibig. Tumitingin sa iisang mata. Para talaga kaming ma-syota. Ang laki-laki ko na kaya pero pag nagkita kami, wala siyang pakialam, kinakarga pa niya ako! Pero nitong huling pag-uwi niya ay makailang ulit kaming nagpabalik-balik sa ospital. Dasal ako ng dasal. Sabi ko, di baleng malayo ang Tatay ko, basta nakikita ko at nakakausap. Di baleng umiyak ako palagi, basta nariyan lang siya. Mahahawakan ko. Mayayakap ko. Pero kahit pala anong taimtim at haba ng dasal, wala na ring magagawa. Aalis na naman siya. This time, isang pag-alis na wala nang balikan. Kung puwede lang ba na sumama ako sa kanya.

'Yung huli naming pag-uusap, sorry siya ng sorry kasi palagi siyang wala. Sabi ko naman, okey lang basta babalik siya, willing akong maghintay kahit forever. Gusto ko sanang magalit sa kanya. Kasi lagi siyang, Oh promise me! Sabi niya konting panahon na lang daw, di na siya uli aalis. Sabi ko naman, bumabagsak na ang katawan niya. Tumawa si Tatay, pati mata niya tumawa rin, nagpapa-pogi points lang daw siya. Pero habang nakangiti si Tatay, nakita ko ang namumuong luha sa gilid ng kanyang mata. Nabasag na rin ang boses niya. Narinig ko ang pagsibi niya.

At ramdam na ramdam ko, may inililihim siya sa akin.

Noon ko na realize, alin nga bang pag-ibig pa ang hihigit sa pag-ibig ni Tatay.? Isinakripisyo niya ang sariling kaligayahan (di na siya nag-asawa uli kahit super crush niya ang teacher ko). Tiniis niyang magkalayo kami para makapag-ipon siya. Sinikil niya ang lahat ng emosyon-higit ang pangungulila at pananabik na magkasama kami basta ma-sure niya na makakatapos ako ng pag-aaral. Na kaya kong lumaban sa anumang pagsubok na darating sa akin kahit wala na siya.

Bago tuluyang ipikit ni Tatay ang kanyang mga mata, isa lang ang mahigpit niyang bilin - maging mabuti akong tao, higit sa lahat ay wag kalimutang may Diyos. Alagaan ko raw ang aking pangalan dahil katumbas ito ng aking buhay. Nung ipadala sa amin ang mga naiwan niyang gamit mula sa Saudi, ilang ulit kinurot ang puso ko- wala man lang personal na gamit si Tatay. Bawat sentimo na kanyang kinikita ay nakalaan para sa akin. Ni hindi nga yata siya bumili ng bagong sapatos para sa sarili niya.

Valentines Day at kaarawan ko. Napaisip ako. Halimbawa kaya kung hindi ko na pinayagang umalis uli si Tatay? Kung naalagaan ko kaya siya ay mabubuhay pa siya hanggang sa mga sandaling ito? Mali ba na hindi ako nag-insist na dito na lang siya sa Pilipinas? I miss Tatay so much, Lady S. Pakiramdam ko, ako ang dahilan kung bakit tuluyan na siyang nawala sa akin. Ngayon ko naisip na ang tunay na pagmamahal pala ay ang kalimutan ang sarili para sa minamahal. Ito ang itinuro sa akin ni Tatay. To love unselfishly. Siguro nga ay mahihirapan akong magmahal sa iba dahil hahanapin ko si Tatay sa bawat lalaking darating sa buhay ko.

Hanggang dito na lang, at marami pong salamat. Ilaw ka na gumagabay sa minsan ay dilim ng buhay. Sana ay wag ka nang mag-absent sa column mo. Mabuhay ka, Lady S!

 

Angeline

 


 

My dear Angeline,

Happy Valentines Day at Happy Birthday. Pasiglahin mo ang iyong puso, regalo iyan sa 'yo ni Jesus. At gusto ng Tatay mo na maging masaya ka.

Iba't iba ang dahilan kung bakit may mga nangingibang-bansa at nagtitiis na malayo sa kanilang minamahal. Ngunit maging anuman ang mga dahilan, iisang damdamin lang ang masasalamin dito - pagsasakripisyo para sa minamahal. Huwag mong kuwestiyunin ang mga bagay na hindi ikaw ang dapat na sumagot. Dahil sadyang may mga bagay sa mundo na itinakdang walang sagot-- bakit, paano, kailan, saan?

Puwedeng magkasakit ang tao kahit anong panahon. Kahit nasaan man siya. Puwede siyang mamatay kahit na anong oras, kahit na anong reason. Puwede siyang mabuhay hanggang isandaang taon. O puwedeng mamaya, hindi na siya magising sa kanyang pagtulog. Sabi nga, death comes like a thief at night. Ibig lang sabihin, hindi natin hawak ang kalooban ng Diyos. Thy will be done.

Naalala ko nung maliit ako, kapag sumasakay ng barko ang Tatay ko, di siya nagpapaalam sa akin. Sasabihin ni Nanay, OT (overtime) siya kaya tulog na ko pag dumadating siya ng bahay. At sa tuwing uuwi siya, 'yung mga pasalubong niyang mapupulang mansanas, binabato ko sa kanya kasi nagtatampo ako. Siya ang gusto ko, hindi ang paborito kong grapes at apples, pink na sapatos at manikang pumipikit-dilat.

Your story taught us many lessons. Bakit nga ba kailangang maghiwalay? Bakit kailangang magtiis? Bakit kailangang may siguradong pambayad sa pag-aaral? Walang katapusang bakit. Bakit walang sagot? Daddy's girl ako. Kahit hindi ko siya nakikita, maka-Tatay forever ako. Hindi ko sasabihing lumaki akong malayo ang loob sa kanya dahil wala naman siya sa tabi ko, at nasanay na akong wala siya. Kasi, ang pagmamahal sa magulang, lumaki ka man at nagkaisip kahit na malayo sila, nariyan lang.

Iba na ang panahon ngayon. Nagbabago ang mga pananaw. Pero sana, magkaroon ng time to reflect. Kung may naipon na, kung kaya na, pag-isipan kung dapat ng umuwi at makapiling ang mga mahal. Napakabilis at napakaikli ng buhay ng tao. Disisais lang ako kahapon, 21 yrs old na ako ngayon. Ang mensahe, hindi na maaaring ibalik pa ang nawalang panahon. Wala pang naimbentong time machine na maaaring magbalik sa iyo sa kahapon. Importante ang ngayon. Baka bukas, hindi na niya mararamdaman ang init ng iyong haplos o maririnig ang bulong na “I love you” sa kanyang tainga.

Kaya habang kaya pang makipag-Angry Birds at Fruit Ninja sa inyong mga anak, habang sabay kayong nagkukutkot ng popcorn sa iisang supot at nanlalait sa mga contestant ng American Idol, umuwi na at maupong magkatabi. Damhin ang init ng palad ng isa't isa.Wala nang sasarap pa sa pagdampi ng labi sa iisang tasa ng kape. At saka magbubungguan ang mga mata. Ito ang mga moments na walang kapalit.

Maligayang araw ng mga puso! Maging ano mang uri ng pag-ibig yan, isa lamang ang hugis, isa lamang ang tibok- ikaw.

Whisper I love you and seal it with a kiss!

 

Forever,

Lady S

 

Image taken from mijita on Flickr. Some rights reserved.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

ever villacruz 20 February 12, 01:54 AM
huli man ang pagbati.. happy V day!

gusto ko ang linya na ito:

"Kasi, ang pagmamahal sa magulang, lumaki ka man at nagkaisip kahit na malayo sila, nariyan lang."
lady s fan 21 February 12, 12:18 AM
Lady S! Na-miss kita! Kaiyak naman nito. Why did the OFW papa have to die? Eh di wala na happy ending.
Lady S 21 February 12, 05:01 PM
Lady S fan, hindi namamatay ang pag-ibig. Maaaring maglaho ang pisikal, subalit patuloy na pipintig ang puso.

Happy ending? Maraming mukha ang kaligayahan. Minsan, ang pait ay ligaya. At ang ligaya ay pait.

Di kita na-miss. Dahil nandito ka lang, sa puso ko...
Anonymous 21 February 12, 05:03 PM
Mr. Ever:

when we speak about love, it is never too late. Don't worry, sabi nga ni Whitney, i will always love you...


ever villacruz 21 February 12, 11:54 PM
inday! hiyay! wil olways labyu!
merck 23 February 12, 08:43 AM
Fathers are not perfect, but a father's love is.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer

Sulatan si Lady S

Patunayang ika'y tunay na tao: Ilan ang mata ng tao?
Email:
Subject:
Message: