Ang sumusunod na liham ay mula sa reaction ng isang reader ng Lady S na nanggigigil sa kalambutan ni Losser me. Ibinahagi niya sa mambabasa ang isang importanteng leksiyon sa buhay: love,love, love! Kahit me love na iba ang iyong love. O kahit hindi ka niya magiging love forever.
Nang mabasa ko ang sulat ni Losser me, di ko mapigilan ang mga emosyong nagbanggaan sa dibdib ko... Di ko rin maawat ang sarili ko na mabuwisit sa kanya dahil ke lalaki niyang tao ay super duwakang siya. Kung ako nga na isang babaeng ke hinhin at reserved ay nagtapat ng nararamdaman ko sa lalaking mahal ko, siya pa kayang isang tunay na lalaki? (O baka naman nagpapanggap lang si Losser me pero isa pala siyang badet?) Kinaya rin ng powers ko ang masakit na truth na hindi ako ang nasa puso ng bulag at binging lalaking ito o kahit sa puson man lang niya. Pero di ko type isiksik ang aking self sa kanya. Di pa naman ako ganoon ka-desperada.
Yes, Losser me, you read me right. Love ko talaga ang anak ng Teteng na lalaking ito kaya dumire-diretso ang emotional outburst ko--sinabi ko sa kanyang mahal ko siya. Pero alam mo ba ang napala ko? Bukod sa inakala niyang nagdyo-joke lang ako, feel na feel kong hindi niya ako type maging dyowa. In other words, basted na, hurt at rejected pa.
Sa inyong mga lalaki, okey lang yung ma-bokya kayo, pero sa aming mga babae, hindi lang ito insulto sa pagkababae namin. Napakasakit nito, ang sakit-sakit nito lalo at true ang love na napi-feel mo para sa kanya. 'Yung first 30 days na sariwa ang sugat ng puso ko, pakiramdam ko nawalan ako ng pagkatao. Pag humaharap ako sa salamin, nagtatanong ako ng “hu u?” sa babaeng nakaharap sa 'kin na nangangalumata, hapis ang mukha, mukhang zombie na wala nang masipsip na dugo, at itsurang nabiyuda at iniwan ng walong dyunakis sa ilalim ng kanyang pag-aaruga. Oo, ang chaka chaka ko, kadiri! Hindi ako naging okey, kahit pag me nagtanong sasabihin kong I am okay. Alam mo, duwag ka talaga. Ni hindi ka pa nga nagtatapat sa kanya, umaatras ka na. Kumustahin mo ang iyong balls, kuya, at baka lumiit na 'yan na parang itlog ng pugo. Wala 'yang tropa-tropa na 'yan, isang malaking kasinungalingan 'yan! Pag mahal mo, wala nang madaming arte, say it, show it!
Good luck sa 'yo, Losser me. Iyo sanang tandaan, ang tunay na lalaki, hindi agad-agad nanlalambot.
You belong with me
Dear You belong with me,
Mabuhay ka! Ganyan ang tipo kong babae, hindi pretensiyosa, at higit lalo, totoo ka! Gusto ko ng mga babaeng empowered, matitigas ang kukote, pasaway, hindi feel magpailalim at sumunod sa isang libo at isandaang kautusan sa mundo ( bawal agawin ang taken na, bawal makipagsex kundi legal, don't jump into bed with a married guy, no to flirting, etc., etc.) Hanggat wala kang napeperhuwisyong tao, hawiin mo ang daan and enjoy the sweet taste of freedom!
Hindi mo kasalanan ang nagmahal ka. Hindi rin kasalanan ng mahal mo na hindi magmahal sa iyo. Ganoon kalabo ang buhay. Ganoon kasalimuot ang mga pangyayari sa mundo. Sino ka o sino ako para tumutol sa nakatakda. Kung sakaling mawalang saysay ang lahat nang pagsusumikap na makamit ang pagmamahal na iyan at mabalewala ang walang katapusang paghihintay, simple lang--huwag kang malungkot, ang mahalaga, nagmahal ka. Mahiwaga ang world, malay mo me twist pala ang istorya?
Baka sa muling pagkikita, buo na ang puso. (Pero huwag kang mag-assume, madami nang namatay diyan.)
Tumayo ka, Losser me, at patunayan sa universe na di ka afraid na mabasted. Ipakita mo sa babaeng hinahamon ang iyong pagkalalaki (ang letter sender na la-itera) na alam mo ang rule pagdating sa pakikipagrelasyon---handa kang lumuha, masugatan, masaktan at maging isang dakilang t-a-n-g-a.
Remember the golden rule: Mas okey na umibig ka at mawalan, kaysa nawalan ka kasi hindi ka umibig (tama ba yun?).
Lady S
Image licensed under Creative Commons ![]()
Some rights reserved by Mike Saechang
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









