The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Lasang Pinoy Comfort food: mula sarsi at itlog, Royal at Skyflakes hanggang Jollibee at McDo

Comfort food: mula sarsi at itlog, Royal at Skyflakes hanggang Jollibee at McDo

bpComfort_foodHindi ako sakitin at laking pasasalamat ko sa Diyos sa malakas na immune system. Sa awa ng Diyos ay malakas ang aming pangangatawan magkakapatid at bihirang-bihira ang nagkakasakit. Nasabi ko rin na higit na malakas ang immune system ko lalo pa’t nabuhay ako matapos na puluputan ng halos dalawang metrong habang galamay ng dikya ang buong paa ko na ikinamatay naman ng lakas ng loob kong magsuot ng kahit na ano pang mas mataas sa tuhod. May matindi man na latay ng mga peklat ang mga hitang iyon ay hindi pa ring maitatatwa base na rin sa opinyon ng mga doktor na ang mas mataas na immune system ang nag-localize sa toxins dulot ng mga dikya.

Kapag may pagtaas ng temperatura ang katawan, senyales daw iyon na nagkakaroon ng pag-atake sa sistema kung kaya’t ang pagtaas ng temperatura ang siyang hudyat upang tulungang labanan ng katawan ang pag-atakeng iyon.

Sa mga bata, ang pagkakasakit ay pagliban sa klase at kawalan ng kakayahang makapaglaro sa mga kaibigan kung kaya’t walang may gustong magkasakit. Sa kabilang banda, ang mga panahong ganoon naman pagkakataon upang mabigyan ng atensyon at pagmamahal ng mga magulang at nag-aalaga kung kaya’t may mga sikolohikal na paliwanag kung bakit may mga nag-mamalingering o lumilikha nito sa kanilang isip.


Comfort food

Sa isang impormal na konbersasyon at pag-aalala ng kabataan, nabanggit ko na may mga itinuturing na ‘gamot’ na pinaniniwalaang makapagpapabilis ng paggaling ng isang batang maysakit. Kabilang na dito ang pagpapainom ng Royal at pagkain ng Skyflakes. Palibhasa’y bata, ang lahat ipayo ng mga matatanda ay pawang mga gospel truths na isinasaloob at isinasabuhay.

Maaring bunga na rin ng matinding paniniwala na nakagagaling ang pares na iyon (na para bang fresh orange ang nasa inuming Royal), himalang pagkainom at pagkain ng nasabing mga pagkain ay malakas na naman ang bata at handa na muling makipaglaro ng tagu-taguan. Hindi nag-iisa ang kombinasyon na iyon kung saan ang Royal Tru Orange ay nagiging Mirinda na parehas na dalandan ang kulay o Sprite subalit madalang na madalang maging Coke o Pepsi bunga na rin ng pagtinging ang mga kulay ng softdrinks na iyon ay may kinalaman sa pagginhawa ng pakiramdam.

Isang dekada rin ang pagitan o maaaring pag-ooverlap ng panahon nito ay nabanggit na ang tinaguriang comfort food naman nila sa probinsiya ay Sarsi at sariwang itlog na inihahalo sa inumin.Higit daw na mabilis ang paggaling doon kung saan ang ilan ay pinahahamugan muna ang itlog sa labas ng bahay bago tuluyang ipainom sa maysakit.

Walang konkretong paliwanag tungkol sa mga praktikang ito liban sa katotohanang ang kanilang pananalig ang nagsilbing malaking elemento upang gumaling ang mga gumagawa nito at naipapasa pa sa mga susunod na henerasyon.


Fastfood on the rise

Sa pagsasalamin at pagbabalintataw sa mga nakaraang gawain, nalamang ang dating praktika ay sumailalim din ng ebolusyon na hindi natin namamalayan. Kasabay ng pag-angkop sa mga kasalukuyang katotohan, napalitan ang mga dating kombinasyon na Royal at Skyflakes ng dalawang higanteng fastfood chains sa bansa, ang Jollibee at McDonald’s.

Sampung taon na ang nakaraan ay awtomatikong Jollibee ang hinihiling ng bunso kong kapatid kapag masama ang pakiramdam niya. Ang paghiling na iyon ay pihadong dulot ng pagkokondisyon sa kanya kung saan madalas siyang bilhan ang paborito niyang ispageti at burger kapag may iniindang karamdaman. Palibhasa’y bunso ito at pinupunan ang maagang pagkawala ng aming ama ay dagling ibinibigay ang hiling kapag maysakit o nagsasakit-sakitan siya.

Sabi ko pa noon ay magiging kasingtaba niya sa Jollibee kapag iyon ang kakainin niya kapag maysakit siya kung saan hindi naman nakaapekto sa kanyang ganang kumain. Sa katotohanan, may mga pagkakataon na alam kong malingering ang kanyang sakit para lamang mabigyan ng atensyon at ano mang items sa nasabing fasfood chain na maibigan niya.

Ilang taon pa ang lumipas ay ganun na rin ang tugtugin ng aming kauna-unahang pamangkin na limang taon lang ang agwat sa aming bunso. Masasabing siya ang lumaki sa fasfood chain na iyon dahil na rin sa halos 2 beses sa isang linggo na pagpapasalubong ng Mommy o Daddy niya kapag galing sa trabaho.

Sa kabilang mga bahay naman sa aming compound ay may kaparehas na kondisyon kung saan McDonald’s naman ang hinihiling ng mga pamangkin ko sa pinsan kapag maysakit. Noong una ay hindi ko napapansin ang ganoong mga pangyayari at ang pag-alala sa mga nakalipas na panahon ngayong panahon ng tagsakit bunga ng paiba-ibang klima at temperatura ng paligid ay nabigyang buhay ang ilang praktikang naging bahagi ng aming kinalakihan.


Food for the soul

Bagaman na maituturing na panahon ng pagkakakilanlan ang panahon ng pagkakasakit dahil ito ang panahon na makikilala mo ang mga tunay na nagmamalasakit sa iyo, walang sinuman marahil ang nasa matinong pag-iisip ang nagnanais na magkaroon ng karamdaman para lamang mabigyan ng inaasahang atensyon at pag-aaruga.

Sa mga bata, ang comfort foods na mga iyon ang siyang naging bunga ng pagkokondisyon na maaaring iugat sa di mabilang na elemento tulad ng patalastas, programa sa telebisyon, edukasyon, habit ng mga nasa kanyang paligid. Sa teorya, ang stimulus na iyon ang nagsisilbing gamot upang mas bumilis ang paggaling ng bata lalo pa’t nagbibigay ng mabuting pakiramdam ang pagkain niya ng nais kainin, pagtupad ng kanyang kahilingan, at atensyong ibinibigay ng magulang o tagapag-alaga para sa kanyang mabilis na paggaling.

Nagbabagu-bago man ang kombinasyon ng mga pagkain (comfort food) sa bawat pamilya at henerasyon, nananatiling atensyon at pag-aaruga ang mga elementong palaging naroon sabayan pa ng pananalig na nakakapagpagaling ang mga iyon ng karaniwang karamdaman.

Kagaya na lamang noong na-dikya ako, bagaman lumagpas na ako sa edad na nanghihingi ng Royal at Skyflakes para agarang gumaling, ang pag-aaruga at dalangin ng aking ina, mga kapatid ang nakapagpahilom ng mga sugat na iyon, pag-aalala at simpatiya ng mga kaibigan at kamag-anak kasabay ng mga tunay na gamot.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer