The Philippine Online Chronicles

The POC
Saturday
Feb 04
Home Features Buhay Pinoy Isip Pinoy Mga pamahiing walang kamatayan

Mga pamahiing walang kamatayan

superstitions1_burolModerno at hi-tech na ngayon pero buhay na buhay pa din ang mga sinaunang mga pamahiin na minana pa nating mga Pilipino sa ating mga ninuno. Ang mga pamahiin ay karaniwang naipapasa mula sa isang heneresyon hanggang sa mga sumunod dito.

Bakit nga kaya di kumukupas ang mga pamahiin? Sa tutuo, hindi naman lahat ay naniniwala dito pero malimit na sumusunod pa din sa katwirang "wala namang mawawala sa akin."  Kung baga, naniniguro!

Marahil sa mata ng ibang banyaga, katatawa-tawa at walang katuturan ang marami sa mga pamahiin na naging bahagi na ng ating kultura.  Pero sa totoo lang, ang ibang mga paniniwala natin ay pinulot din sa ibang bansa, gaya ng Tsina at Espanya.  Kaya, hindi tayo dapat mabahala -- hindi lang Pinoy ang mapamahiin, bagkus sa buong mundo halos, maraming paniniwalang umiiral na hindi mapapaliwanag ng siyensya.  Para sa marami, di ba, ang malaganap na astrology at feng-shui ay pamahiin din?

Pamahiin sa loob ng pamamahay

Bata pa ako, madami na akong narinig at naranasang mga pamahiin mula sa iba’t ibang tao.  Marami dito aking isinang tabi habang ako’y lumalaki pero ang iba naman ay dala-dala ko pa din hanggang ngayon.

Natatawa ako kapag naiisip ko ang isang pangyayari sa aming bahay. Nagkataong kailangan umalis ng aking asawa sa kalagitnaan na aming hapunan. Nang nakalabas na ang aking asawa ng pinto, sinabi ni yaya sa aking anak na ikutin niya ang kanyang plato.  Nagtaka ang anak ko at nung una ay ayaw niya ito gawin. Pinaliwanag ni yaya na dapat yung gawin para maging ligtas ang kanyang ama sa daan. Halatang nalito ang bata pero sinunod niya pa rin ang bilin.  Bago kami matulog, ibinulong sa akin ng aking anak, “Mom I don’t want to do that plate thing again. It’s silly.” Ayaw na daw niya ulit gawin yung pagikot ng plato dahil wala naman itong saysay.

superstitions3_spoonIto pa ang ilang mga halimbawa ng mga pamahiin tungkol sa tahanan:

  • Kapag nagpapagawa ng bahay, siguraduhin na ang bilang ng hagdan ay hindi tatapat sa 13 dahil ito ay bilang ni Hudas.
  • Unahin ipasok ang bigas, asin, asukal, at tubig kapag lilipat sa bagong bahay.
  • Ipabendisyon ang buong bahay upang itaboy ang anumang masamang espiritu o elemento.
  • Maghagis ng mga barya papasok ng bahay sa araw ng pagbebendisyon upang maging sagana ang pamumuhay.
  • Iwasang pagtapatin ang mga pinto ng kwarto upang di malasin.
  • Malas daw ang magbukas ng payong sa loob ng bahay.
  • Kapag nahulog ang tinidor sa sahig, merong darating na lalaking bisita at kung kutsara naman ang nahulog ay babaeng bisita.
  • Huwag hayaan na maubusan ng bigas at asin sa bahay dahil ito ay mga simbolo ng kasaganaan.
  • Huwag magwalis sa bahay kapag gabi dahil tinataboy nito ang grasya.
  • Mas mainam na di hugasan ang lalagyan ng pagkain na dala ng iyong kapitbahay upang ito ay maulit muli.
  • Huwag magligpit ng hapag kainan habang di pa lahat tapos kumain. Ang mga naiwang kumakain na dalaga o binata pa ay maaring di na makapagasawa.
  • Malas ang magtago ng basag na plato at salamin. Itapon agad ang mga ito.
  • Takpan ang mga salamin kung kumikidlat. Ang salamin ay maaring magimbita ng kidlat sa tahanan.
  • Sa silid-tulugan, iwasan na matulog na ang paa ay nakatapat sa sa pintuan dahil para mong pinatuloy ang kamatayan.

 

Pamahiin tungkol sa mga pagbubuntis, pangaganak at sanggol

Noong sanggol pa ang anak ko binigyan ako ng aking biyenan ng pulang pansabit sa damit ng bata. Ilagay ko daw yun sa damit ng anak ko gamit ang pardible kapag aalis kami ng bahay.  Kontra usog daw iyon.

superstitions2_kontra_usog_braceletMinsan kami ay may pinuntahang handaan at dala ko ang anak ko. Hinanap ng biyenan ko ang pulang pansabit. Bilang tugon, pinakita  ko ang loob ng laylayan ng damit ng anak ko kung saan ko nilagay ang pansabit.  Tinanong ako ng biyenan ko kung bakit nakatago at hindi sa labas ng damit ko inilagay. Ang sabi ko, nakakasira kasi ng porma ng bata kaya tinago ko. Napatawa na lamang sa akin ang aking biyenan. Sa labas daw dapat ito ikabit para dito ibaling ng tao ang tingin imbis na sa bata at maiwasan ang usog. Bukod dito, may binigay din siyang pulseras na gawa sa pula at itim na beads -- pangontra din daw sa usog.

Ang mga sumusunod ay iilan lamang sa mga pamahiin aking naipon hango sa sariling karanasan, mga kwentong narinig at nasaliksik mula sa ibang mga tao:

  • Dapat daw ibigay lahat ng pagkain na hilingin ng naglilihi para maging maayos at normal ang paglaki ng bata sa sinapupunan.
  • Iwasan daw makihati o makikain sa isang naglilihi kung ayaw mong maging antukin o maglihi para sa kanya.
  • Pinagbabawal din na magpakuha ng litrato ang buntis at baka daw makunan.
  • Huwag daw maligo ng isang linggo pagkatapos manganak at parating magsuot ng mahaba (tulad ng pajama) para di pumasok ang lamig sa katawan.
  • Hindi daw nararapat na tumayong ninang sa binyag ang nagdadalang-tao dahil maari siya mahirapan sa panganganak.
  • Nilalagyan ng bigkis ang sanggol para magkaroon ng hugis ng katawan sa kanyang paglaki, lalo na kung babae ang anak.
  • Sabi ng iba, para daw maiwasan ang usog, lagyan daw ng laway ang daliri at ipahid ng pa-krus sa noo ng bata.
  • Hindi daw dapat pagupitan ang bata hanggang di pa siya nakaka-isang taon para di maging sakitin.

 

Pamahiin tungkol sa kasal

  • Di dapat isukat ang damit pangkasal o traje de boda bago ang takdang kasal. Kung hindi ito masusunod, maaring di matuloy ang kasalan.
  • Ang magkasintahan na malapit na ikasal ay dapat umiwas sa pagbibiyahe upang malayo sa aksidente.
  • Malas at lungkot ay maaring maranasan ng nagiisang dibdib kung mahulog ang singsing, belo, o aras habang ikinakasal.
  • Ang babeng ikakasal ay di dapat magsuot ng perlas dahil ito ay simbolo ng pagluha at kasawian.
  • Ang ikakasal ay nagaalay ng itlog kay Sta. Clara para huwag umulan sa araw ng kasal nila.
  • Kung umulan man sa kasal, simbolo ito ng kasaganaan.
  • Suwerteng regalo sa kasal ang arinola.
  • Magiging sagana ang magasawa kapag sila ay hinagisan ng bigas  paglabas nila ng simbahan.
  • May dalang malas ang pagpapakasal ng magkapatid sa parehong taon. “Sukob” ang tawag dito.

 

Pamahiin tungkol sa kamatayan, burol at libing

Noong pumanaw ang aking hipag, siya ay ibinurol sa bahay ng aking biyenan. Doon ko naobserbahan ang iba’t ibang mga pamahiin tungkol sa burol at libing.

Tumutulong ako noon magbigay ng pagkain at inumin sa mga dumadalaw at nakikiramay. Napagalaman ko na may mga tao palang di kumakain sa burol dahil sa paniniwala na malas ito.

Nang iaalis na ang kabaong sa bahay ng biyenan ko, napansin ko na may nakaabang na maglilinis ng lugar. Bukod sa walis, mop at basahan meron din silang bote ng suka. Ang suka ay ginagamit panlinis at pang-taboy sa mga negatibong elemento sa paligid.  Nagbasag din ng palayok paglabas ng karwahe ng patay para daw di na ito bumalik.

Ang ilan sa mga sumusunod ay aking naoberbahan at ang iba ay naikwento naman sa akin.

  • Ang alulong ng aso ay maaring nangangahulugan na may nakikita itong espirito o may papanaw na malapit sa iyo. Mas mabuting sawayin ang aso kapag narinig mo itong umaalulong.
  • Ang di-maipaliwanag na amoy ng kandila o bulaklak ay hudyat ng pagdalaw ng kaluluwa ng isang taong namatay na malapit sa iyo.
  • Ang paru-parong lumilipad sa loob ng tahanan ay espiritu ng mahal sa buhay na pumanaw. Maaring humihiling ito ng dasal o nagpapahiwatig na malapit na ang anibersaryo ng kanyang pakamatay.
  • Itinatawid sa taas ng kabaong sa pamamagitan ng pagkarga ang mga batang maliliit na malapit sa taong namatay upang di sila gambalain ng pumanaw.
  • Hindi dapat magwalis sa burol.
  • Bago isara ang kabaong, putulin ang rosaryo na nakalagay sa loob para walang sumunod na mamatay.
  • Kapag may isang buntis na malapit sa taong pumanaw, siya ay dapat maunang umalis ng bahay bago dalhin ang namatay sa paglilibingan. Kung hindi, maaari siyang mahirapang manganak.
  • Pwede mo daw hilingin ng tahimik sa taong malapit nang mamatay o kamamatay lamang na dalhin na ang iyong problema sa kanyang pagalis.

 

Photos by Rachel Yapchiongco. Some rights reserved.

--------

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University.  She took up several units of MBA at the same university.  Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur with a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Lynn 11 September 10, 12:13 PM
Bago sa akin yung huwag huhugasan ang pinggan ng kapitbahay pag nagbigay ng pagkain. Ganun pala ha. :)

Ang natatandaan ko naman sa pagwawalis sa gabi ay yung dating commercial kung saan ang tag line na "ibalik ang swerti" ay sumikat.

Ang daming pamahiin ng mga Pinoy. Wala naman akong sinusunod dito pero, admittedly, ayokong nakakasalubong ng itim na pusa. Kinikilabutan ako.
RachelY 16 September 10, 07:39 AM
Hi Lynn. Bata pa ako, naririnig ko na yung kasabihan na huwag hugasan yung pinggan o lalagyan ng pagkain na galing sa ibang tao para daw maulit. Pero di namin ito nasusunod.

Oo nga, naaalala ko pa yang commercial na yan. :) Nung bata ako, ayaw talaga ng mom ko na magwalis sa gabi. Pero ngayon, di ko na ito nasusunod. Dahil bata pa ang anak ko, minsan may nahuhulog na kanin sa sahig kaya kahit gabi, pinaaalalahan ko ang kasambahay namin na huwag kalimutan magwalis pagkatapos kumain.

Ako din, ayoko nakakasalubong ng itim na pusa.

grace chica 24 April 11, 09:26 AM
HI!!!
i just wanna ask some questions with regards pamahiin sa kasal in connection with SUKOB SA PATAY.
my story was like this, feb 2002 when i knew that i was pregnant, (excited coz it was my first baby and to the guy who i love so much!)
then my lolo, father of my mother, was sick then with lung cancer and died april 2002, without the knowledge of my parents and relatives, after the funeral, my fiance and his parents went to our house and told my parents for my situation that was May 2002, we end up to the wedding plan by July 2002, even "babang luksa of my lolo" is not yet finished. Searching in the net, SUKOB is only applicable within the "immediate members of the family only," i want to know if my story was related to what's happening on us now? please help me to find answers to my questions, it's driving me to hardtime thinking of if our marriage is covered with sukob sa patay??? THANK YOU SO MUCH
grace chica 24 April 11, 09:34 AM
one more thing, is there a such thing as PANGONTRA SA SUKOB SA PATAY???
PLEASE HELP!!!
kaye 30 January 12, 03:01 PM
hi grace chica...in my opinion pamahiin ay gawa gawa lang nga mga tao,lalo na may mga edad na,para sa akin ang mga pamahiin ay walang katotohanan,WHY? the more you believe in pamahiin the more nangyayari kasi yun na yung tinatak natin sa isip natin na may mangayayaring masama,,.ang salita ay makapangyarihan..if We have faith in God hindi natin kailangan maniwala sa pamahiin kasi God if powerful more than the pamahiin or that sukob sa patay,it never says in the bible na may sukob sa patay..so you don't need to be afraid just have faith in God..
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer