The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Isip Pinoy Pinoy time-space warp

Pinoy time-space warp

timespaceMaganda ang naisip ng DOST na gumawa ng Philippine Standard Time. Medyo witty din ang “Juan Time”.

Ang siste, parang marami pa yata tayong dapat i-standardize bukod sa oras, na bihira naman nating gamitin lalo na sa pagsasagot sa mga tanong tulad ng “matagal ka pa ba?” o “lapit ka na?” Halimbawa: “Malapit na ako” – Gaano kalapit ang “malapit”? Isang kilometro? 500 metro? Malapit pa rin ba ang dalawang kilometro? Kapag papunta ka ng Greenbelt sa Makati at nasa Shaw Boulevard ka pa, matuturing ba nating “malapit” ‘yon? Iba bang usapan kung nakasakay ka sa MRT? Paano naman kung nagmamaneho ka at ipit ka sa trapik?

“Papunta na ako” – Sa lahat ng malabo ito na ang hari. Kailangan na nating i-standardize ito nang matigil na ang lahat ng sinungaling na takot magsinungaling. Imbes na sabihin nilang “naku, sorry, medyo matagal pa ako, kaaalis ko lang ng bahay”, mas ikatataimtim ng kanilang kaluluwa ang sabihing “papunta na ako” dahil technically daw papunta naman na talaga sila. Huwag na kaya natin itong i-standardize. Burahin na lang talaga natin ito sa bokabularyo natin.

“Mabilis lang” – Meron akong kakilalang mahilig magsabi nito. Madalas niyang sabihin ito tuwing hinihintay ko siya dahil may kailangan pa kaming puntahan pero kailangan niya lang sumaglit sa isang lugar. “Mabilis lang, bro,” ang sasabihin niya sa akin. Pagkatapos ng kinse hanggang trenta minutos ng paghihintay, napapaisip ako: ano ba talaga ang kahulugan ng “mabilis”? Ang ibig ba niyang sabihin ay mabilis kumpara sa pagpapatuyo ng labahin? Kasi kapag naririnig ko ang salitang “mabilis” ang naiisip ko agad ay mga kotseng pangkarera o di kaya ay kidlat. Ang aking suwestiyon: gawing standard ang speed of light para sa salitang “mabilis.” Kaya kung mas babagal ka pa sa 299,792,458 meters per second, wala kang karapatang sabihing “mabilis lang.”

Sa totoo lang, isang komplikadong konsepto ang “Filipino Time.” Hindi siya basta-bastang mawawala sa uso dahil bigla lang tayong nag-rebrand at nag-imbento ng “Juan Time.”

Ayon sa Special Theory of Relativity ni Albert Einstein, ang space at time ay hindi magkaiba at magkahiwalay na dimensyon, kundi parehong bahagi ng iisang dimensyon na kung tawagin ay space-time. Sa madaling salita, ang oras at espasyo ay magka-ugnay at hindi puwedeng paghiwalayin. Mukhang sa lahat ng lahi sa mundo tayong mga Pinoy ang pinakanakakaintindi sa prinsipyong ito. Ang “Filipino Time” ay dapat tinatawag na “Filipino Space-Time.” Ang dahilan kung bakit lagi tayong huli at lagi tayong malabong mag-usap pagdating sa oras ay malabo din kasi ang espasyong ginagalawan natin.

Noong minsa’y natungtong ako sa Netherlands, namangha ako sa maraming bagay doon. Namangha ako sa lamig, sa arkitektura ng mga bahay, sa tangkad ng mga babaeng Dutch, sa kanilang Red Light District, at marijuana cafés. Pero higit sa lahat, namangha ako sa takbo ng oras doon. Sa bawat istasyon ng tren pinapakita nila ang oras ng pagdating ng susunod na tren, at yung susunod pa doon, at yung susunod pa doon. At lagi itong nasusunod. Lagi.

Ang bawat tour bus na sakyan namin ay dumarating sa eksaktong oras na nakasulat sa brochure nila. Ang lahat ng hotel bus na sinakyan namin ay dumating sa eksaktong oras na naka-lista sa schedule nila. “Like clockwork,” ika nga.

Kung tutuusin, para ngang isang malaking relo ang Netherlands – ang bawat galaw ay sukat na sukat, tama at eksakto ang kumpas, at walang palya. Ganoon pala ang pakiramdam na nasusunod ang oras. Magaan sa loob pero minsan, nakakadismaya din.

Nang mahuli kami ng limang katiting na minuto para sa isang tour, wala na kaming nadatnan na bus. Limang minuto lang? Wala man lang palugit? Aba, hindi uubra ‘yan sa mga Pinoy na nabubuhay sa isang mundo kung saan sing-flexible ng chewing gum ang oras.

Ganito ang routine namin sa Netherlands: hotel-airport-tren-Amsterdam Central (ang Cubao o Quiapo ng Amsterdam). Sa araw-araw naming tinahak itong distansiyang ito, unti-unti kong naintindihan kung bakit kakaiba ang takbo ng oras doon. Ang distansiya mula sa aming hotel hanggang sa airport ay mahigit kumulang mga 8 kilometro. Binabiyahe namin ito, sa pamamagitan ng bus na dumadaan sa isang expressway, ng mga kinse minutos.

Ang distansiya naman mula airport hanggang Amsterdam Central ay 12.61 kilometro. Binabiyahe namin ito ng mga 20 minutos. Sa suma total, binabiyahe namin ang distansiya na halos sakop na ang buong EDSA ng 35 minutos lang. At ang madalas naming labas sa hotel ay alas otso ng umaga – rush hour, kung tawagin.

Kailan niyo na-commute ang buong kahabaan ng EDSA habang rush hour sa loob ng 35 na minutos? Posible ito sa Netherlands dahil maayos at may malinaw na stratehiya ang kanilang mga pampublikong transportasyon. Ang kanilang public railroad system ay nagsisimula sa kanilang airport. Ganito din sa France.Dito sa Pilipinas, good luck kung makapunta ka sa Cubao station ng MRT galing ng NAIA sa loob ng 20 minutos. Sa Amsterdam naman ay meron silang mga tram na nagsisilbing transportasyon sa mga malalapit lang na distansya – parang katumbas ng jeep sa atin. Pero hindi sila nakakaabala sa daloy ng mga sasakyan at bisikleta sa daan, dahil may sarili silang line na nakalaan lang para sa kanila. At ang mga tram na ito – tulad ng lahat ng pampublikong transportasyon nila – ay eksakto din sa nakatakdang oras ang dating.Kaya nang magpunta ako ng Van Gogh museum mula sa kanilang Central Station, parang wala pa yatang sampung minuto, kahit na para silang The Fort at Greenhills pag tingnan sila sa mapa.

Madali nga namang sumunod sa oras kung madali ding masukat ang oras ng paglalakbay. Kaso ang sistema ng pampublikong transportasyon natin sa Pilipinas ay hindi tumatakbo sa eksaktong oras, kundi sa “depende.” Sa Ingles, “relative.” Tama na naman si Einstein. Dahil pag nagtanungan tayo: “mga anong oras ka makakarating?”, ang pinakatapat na sagot na puwede mo nga namang sabihin ay: “depende.” “Depende kung trapik.” “Depende kung puno sa MRT.” “Depende kung hindi masiraan ang MRT.” “Depende kung may masasakyan na dyip.” “Depende kung papayag si Gloria na sumakay sa helicopter para naman hindi ma-perwisyo ang buong Quezon City mula umaga hanggang hapon (pasensya na, hindi pa rin maka-get over).”

Dahil patuloy tayong kumikilos at umiikot sa espasyong walang urban planning, walang zoning, walang komprehensibong integrated public transport system, walang bus stops at jeepney stops, at puno ng bus stops at jeepney stops, bale wala din ang Philippine Standard Time. Marami pa ring mahuhuli – standardized nga lang ngayon kung ilang oras tayo nahuhuli.

Photo: “waking up on the I-5” by george ruiz, c/o Flickr. Some Rights Reserved



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer