Sa paglipas ng panahon at mabilis na pagbabago ng teknolohiya, unti-unti namang nabubura ang ilang mga matandang paniniwala at pamahiin na ilang henerasyon ding nagsilbing bibliya sa ilang mga pamilya. Kabilang higit sa mga pagsunod na ito ang mga lumaki sa malalayong sulok ng bansa kung saan mas maigting ang praktika sa mga nasabing nakaugalian.
Ipinanganak at lumaki man sa Metro, kabilang kami sa mga ilang batang lumaking may mga sandamakmak na pamahiin. Kahit naman noong bata pa ay hindi ko na sinasang-ayunan ang marami doon at tila magandang senyales na maituturing na hindi lahat ng paniniwalang iyon ay sinusunod din ng aking ina. Isa na rin iyon sa mga dahilan kung bakit hindi masyadong gusto ng namayapa kong lola sa ama ang aking ina. May mga praktika kasi itong sa pangangatwiran ng aking ina ay hindi na nakabubuti sa pagpapalaki ng bata.
Sabi ni Lola
Ayon na rin sa mga paniniwala ng aking lola ay hindi dapat pinapaliguan ang mga bata tuwing araw ng Martes at Biyernes. Magkakasakit daw kasi ang mga ito o magiging lapitin ng sakit kapag araw-araw ang pagligo. Kabilang iyon sa mga di sinang-ayunan ng nanay ko at sa aking alaala at dalawang beses pa kami pinapaliguan sa isang araw noong maliliit pa kami.
Sa aking paglaki, napagtanto ko na may kinalaman ito sa misteryo ng hapis sa Santo Rosaryo kung kailan namatay si Hesus. Sa parehas din na na linya ang praktikang hindi pagkain ng karne sa araw ng Biyernes sa maraming deboto. Deboto ang namayapa kong lola, alas-singko pa lang ay wala na ito sa bahay at kabilang sa ilang mga matatandang nakabelong babae na nakaluhod sa simbahan araw-araw. Sa kung ano ang kinalaman ng turo ng simbahan sa marami niyang paniniwala ay hindi ko alam—bagay na nagdulot ng malalim na kalituhan.
Kapag naglalaro kaming magpipinsan ay bawal kaming mag-ingay sa katanghaliang tapat dahil daw lumalabas ang mga espiritu na maaari naming magambala sa aming ingay. Paparusahan daw kami ng mga iyon kung kaya’t kapag nagkakasakit ang aking mga pinsan ay numero unong doktor siya, pangalawa sa albularyo. Mapuno pa ang aming paligid noon kung kaya’t nakagawian naming magpipinsan na umakyat sa bubong at manguha ng mga bungang kahoy katulad ng duhat, kaimito at santol. Takot na takot pa kami noon habang nagkakandahumahog na bumaba sa mga pinagpatung-patong na hollow blocks sapagkat nakaabang na ang pamalo ng aming lola.
Bunga na rin ng hindi masyadong magandang relasyon ng aking ina at namayapang lola, hindi kami kasama sa mga pinapalo nito at tanging salita lamang ang aming naririnig sa kanya.
Pagpatak ng alas sais ay nasa bahay na kaming lahat at ang mga panaka-nakang pagtakas namin sa gabi upang maglaro ng tagu-taguan ay hindi niya kailanman nahuli bunga na rin ng kanyang mahimbing na pagtulog bilang paghahanda sa maagang misa kinabukasan.
Minsan sa aming paglalaro sa hapon ay narinig niya ang aming awit: Saksak puso, tulo ang dugo, patay buhay alis ka na diiii-yan!
Mabilis ang kanyang naging reaksyon at inutusan kaming hwag nang laruin/kantahin ang awit na iyon. Masama daw iyon at baka daw mamamatay ang maalis sa laro. Siguro nga ay bata, hindi namin masyadong binigyan ng atensyon ang lamang karahasan ng awiting iyon. Siguro para sa amin ay walang kahulugan ang mga salitang iyon.
Pamahiin to the max!
Kung isusulat ang maraming pamahiin ng aming lola ay tiyak na pinakamadami ang may kinalaman sa patay at kasal. Kapag may patay ay pinaniniwalaang hindi dapat kumain ng mga gulay na gumagapang katulad ng kamote, kalabasa, ampalaya at kung anu-ano pa para daw hindi humatak pa ng isa ang patay. Hwag din daw maglinis o magwalis dahil ang dating ay pinapaalis mo na ang patay at naghahanda sa isa pa. Ang mga pangalan na inilagay sa kabaong ay kailangang tanggalin upang hindi tawagin nito ang mga pangalang andun. At sa araw ng libing ay kailangang humakbang ang mga bata sa ibabaw ng kabaong para hindi alalahanin at laruin ng namatay.
May paniniwala rin na kailangang maglagay ng pera sa ilalim ng bangkay at kunin ito bago ilibing para magkaroon ng masaganang pamumuhay ang naiwan. Hindi rin dapat patakan ng luha ang kabaong upang hindi magdamdam ang namatay at tuluyan na nitong lisanin ang katawang lupa at mundo. Ang mga pinaslang naman kung saan hindi pa nahahanap ang pumaslang dito ay kailangang maglagay ng mga sisiw sa ibabaw ng kabaong upang makunsensya o hindi patulugin ng kunsensiya ang salarin.
Sa pag-alis ng kabaong sa bahay ay nararapat daw na hindi na lumingon ang pamilya pabalik sa bahay o bumalik pa kung may nakalimutan upang walang sumunod. Hindi rin daw dapat madikit o magisgis ang kabaong sa bahay kung kaya’t kailangang paluwagin ang daan kung masikip ito. Madalas, ang mabigat daw na kabaong ay senyales na kulang pa sa dasal ang pamilya at hindi matanggap ng namatay ang kamatayan niya kung kaya’t kailangan pang dasalan pa ito.
Ang mga daraanan ng karo ng patay bilang praktika ay naghahanda na ng tubig at barya at itinatapon ito pagkalampas ng sasakyan ng patay. Ang tubig daw ay para maging malinis ang daraanan nito bagaman wala akong nahanap na paliwanag sa kung bakit may pagtatapon din ng barya.
Sa paglibing sa patay ng mga Katoliko, kailangang putul-putolin ang rosaryong hawak nito upang walang sumunod na mamamatay. At sa pag-uwi ng mga nakiramay ay nararapat na maghugas sila ng kamay/paa o mukha sa pinakulong bayabas upang hindi sumama sa kani-kanilang bahay ang mga kaluluwa at masamang ispiritu sa semeteryo.
Marami pa at kung aaalalahaning mabuti isa-isa ay halos lahat na lang ay may katumbas na pamahiin ang namayapa kong lola sa mga bagay-bagay. Ang iba sa kanila ay isinasapraktika pa ng karamihan habang patuloy na naglalaro sa isipan ang ilang mga paniniwalang may malaking kontradiksyon sa relihiyong kinabibilangan.
Madalas, mahirap maunawaan ang pagbabanggang ito subalit aminin man natin o hindi, pinaniniwalaan man natin o hindi ang mga pagkilos na ito ay hindi maitatatwang produkto ito ng ating kulturang sabay-sabay na nakaiimpluwensiya at humuhubog sa ating pagkakakilanlan. Pagdadahilan pa nga ng iba, sumunod na lang tayo kasi iyon ang sabi ng matatanda, isa pa wala naman daw mawawala. Iyon ang pagtingin nila (muli, sa ngalan ng mapamahiing kultura).
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









