The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25

Kadelakad

driveTotoo nga bang tamad maglakad ang mga Pinoy? Meron bang ebidensya?

Naku, mukhang ang daming ebidensya! Hindi pwedeng itago. Pero tama nga ba ito?

 

Jeepneys, sidecar o trisikad o pedicab, tricycle, motorbikes, kalesa, pati na ang yung kariton na dinadaan sa riles mismo ng mga provincial trains -- ang dami nating sasakyang gamit para iwasan ang maglakad. Isama pa dyan ang kalabaw at kabayo sa probinsya. At siyempre pa, ang may sariling kotse o ano mang klaseng sasakyan basta umaandar, meron silang sariling pamamaraan din sa pag-iwas lakad!

Huwag na nating isama ang mga bus, MRT at LRT, yang mga yan ay tatawagin nating importanteng pamamaraan ng transportasyon at hindi para sa mga tamad maglakad mula kanto hanggang kanto.

Pansinin ninyo, lalo na sa mga malalaking siyudad. Halos  bawat kanto, merong dumadaang jeep. Sa bawat lugar tulad ng mga subdivision at village na bawal ang jeep, merong dumadaang tricycle. Sa bawat kantong may jeep at tricycle, meron pang mga sidecar na sumusulpot.

Sa mga probinsya naman, idagdag na rin natin ang mag kalesa, ang mag kalabaw na may hilang kariton. Pero hindi natin masisi ang mga tao duon dahil halos walang regular na bumibiyahe sa mga liblib na lugar.

Naalala ko din minsang umuwi kami ng Ilo-ilo ilang taon na ang nakalipas – dahil hindi pwedeng itawid ang tricycle sa isang maliit na ilog, naglakad talaga kami hanggang sa ibaba ng isang bundok. Pagdating duon, umakyat naman kami para makarating sa bahay ng isang kamag-anak. Naghanap talaga ako ng baging noong mga panahon na iyon!!! Ibig sabihin ba mas masipag maglakad ang mag taga probinsya kesa sa mag taga siyudad? O dahil lamang kulang sila sa sasakyang gamit?

Kasi napansin ko na magmula nang mauso ang motorsiklo, naging uso na rin ang commuter sa probinsya na sa motorsiklo naman umaangkas. Lalo na sa mga lugar na madalang dumaan ang mini bus at tricycle. (Sa Bangkok, dahil super traffic talaga doon, usong-uso ang angkas sa motor na bawat kanto talagang naka-uniporme pa ang mga drivers! Mangyari kaya ito sa Pilipinas sa mga susunod na taon?)

Doon sa barangay namin sa Pasay, may jeep na nga na regular na bumibiyahe sa loob ng sulok ng barangay, meron pang sidecar na sya namang naghahatid sa kasuluk-sulukan na hindi na bawal na ipasok ang jeep. Kaya ang mga tao, pagbaba sa bus sa highway, may susugod agad na sidecar. Kapag may dala-dala ka at ayaw mong magbitbit ng mabigat, komportable ang sidecar. Kapag wala namang bitbit, pwedeng jeep na lang, konting lakad lang andun na rin ang hintayan ng jeep. Kaso mo minsan, kahit na walang dala, kahit na sa susunod na kanto lang ang punta? Sasakay pa rin talaga – jeep o sidecar.

Eh mabuti sana kung diretso ang biyahe. Mabuti sana kung mabilis ang biyahe.

Kadalasan ang sikip-sikip naman ng daan. Kadalasan ang trapik pa. Kadalasan nag-aantay pa ang mga jeep na mapuno ng pasahero!!!

Iyang huling eksampol ang nakakabaliw. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi na lang maglakad. Imbes na nasa bahay ka na, ayun at isang oras kang mag-aantay sa loob ng jeep dahil hindi mapuno-puno. Lalo na kapag bakasyon o kaya naman dis oras!

Minsan mas marami pang namimili na tao o mga nakahambalang na paninda o kaya naman ay mga tumbok ng barkadahan ang nakaharang sa kalsada. Mas mabilis pang maglakad kaysa umakay ng jeep o trisikad, pero karamihan sa atin? Sasakay at sasakay pa rin!

Naranasan niyo na bang maipit sa trapik na ang kalaban ninyo ay isang punong-punong jeep sa inyong harapan, isang sidecar sa gilid, isang motorsiklo sa kabilang gilid at isang tricycle sa likod? At ikaw ay isang hamak na naglalakad lamang? Talo ka talaga sa amoy ng tambutso, gasgas sa binti dahil sa sidecar at kantiyaw galing sa mga drivers.

‘Miss, miss, sakay ka na kasi e. Nakaupo ka pa habang trapik!’ Break time?

‘Miss, miss, sakay ka na sa sidecar para hindi ka mangingitim.’ Payong?

Miss, miss, mag-aamoy araw ka; mag-sidecar ka na lang!’ Pabango?

Idagdag ko pa dito ang medyo katamaran ng mga may sariling sasakyan. Tulad ng isang kaibigan na magmula ng magkaroon ng sariling driver’s license ay mukhang hindi na yata alam kung papano maglakad.

Balak naming mag-shopping dahil Midnight Madness sa dating Quad sa Makati. Dahil Midnight Madness nga at Biyernes pa at araw ng sweldo, ang hirap maghanap ng parking sa mismong Quad area, super trapik pa.

Nakahanap kami ng parking slot sa isang kalyeng makipot na medyo malayo-layo na sa Quad, sa Pasong Tamo yata yun. Nung lumabas ng sasakyan, ang hanap agad ay jeep o taxi! Ano ba naman yan! E ang trapik na nga ano.

Hinila-hila namin sya hanggang makarating ng Quad. Inabot kami ng limang minutong lakad. Na-shock sya. Ang lapit daw pala. O e ano pa nga bang sinabi namin noong una? E kasi nga, hindi na sanay maglakad!

Ganyan ka rin ba? Konting kibot, i-start ang makina ng kotse. Pwede namang maglakad!

Pero kung sobrang polluted naman ang daraanan, sobrang layo ang pupuntahan, mabigat ang dalahin, hindi ko rin masising gumamit ka ng sasakyan.

E pero kung naka sidecar o naka tricycle ka lang? Tapos nakaharap sa iyo yung tambutso ng kotse? Tapos sobrang trapik? Magtitiyaga ka bang singhutin o maglalakad ka? Magtatamad-tamaran?

Magandang exercise yata ang paglalakad. Iwas trapik. Iwas polusyon. Iwas gastos!

-------

The author blogs at Home Worked and Deutschland in Review.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Related articles :
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer