The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Isip Pinoy Atrasado: Filipino time

Atrasado: Filipino time

clockAkala ko guguho na ang mundo ko nang idineklara ang bagong mga polisiya sa opisina. Pangunahin dito ay ang paghihigpit sa polisiya ng flexitime. Simula ngayon, hanggang 9:30 ng umaga na lang ang pinaka-late na oras na pwedeng pang pumasok. Lagpas dito ay may kaltas na sa sahod. Patay kang bata ka.

Madalas akong late. Kahit noong nag-aaral pa ako, madalas akong nahuhuli sa pagpasok sa klase. Kahit tuwing may lakad ang barkada namin o kapag may date. Hindi ko naman sinasadya. Hindi naman ako nagpaplano na “Ngayon, male-late ako.” Taun-taon din akong nagbabalak na magbagong-buhay, pero sa huli, lagi pa ring nahuhuli. Sadyang kapalaran ko na yata ang maiwanan ng oras.

Mukhang hindi lang naman ako ang apektado nito. Mayroon kasing tinatawag na Filipino time. Laging huli, wala sa oras, atrasado. Ayon sa urbandictionary:

Filipino Time, which means things get done whenever they get done. Official Timing of the Philippines.

I set up a party for 6:00. This is interpreted as 7:00 Filipino time. In some cases, Filipino hosts deliberately set the time an hour or so earlier, knowing that guests will arrive an hour or so late.

Ayun naman pala. Hindi ko pala kasalanan na palagi akong nahuhuli. Pinagtitibay ng aking kultura ang pagiging late, at ipinagpapatuloy ko lamang ang mayamang tradisyon ng aking mga ninuno na hindi sumipot sa tamang oras.

Pero likas ba talaga sa mga Pilipino ang Filipino time? Hindi lamang ito usapin ng oras. Mabigat ang paratang ng Filipino Time. Dahil lagi raw huli ang Pinoy, ibig sabihin makupad daw tayo kumilos. Mabagal mag-isip, mga tamad. Wala raw tayong pagpapahalaga sa oras kaya hindi pwedeng maging mga negosyante, kaya raw naghihirap ang ating bansa. Wala raw tayong disiplina. Wala raw tayong respeto sa oras ng iba.

Kamakailan, pinatawag ang kaibigan ko sa eskwelahan ng anak niyang si Marvin. Lagi raw nahuhuli sa pagpasok sa klase si Marvin, Grade 2 ngayon. 7:00 ng umaga ang pasok ni Marvin araw-araw.

Ganito ang bawat umaga ni Marvin: Gigisingin siya ng nanay niya ng 5:00 ng umaga. Maliligo siya, magbibihis. Magsisipilyo. Kakain ng agahan. Sisiguraduhing nasa bag niya ang lahat ng kanyang mga kakailanganin sa eskwela. Bago siya lumabas ng bahay, isang oras na ang dumaan. Mahigit isang oras din ang pag-commute ni Marvin at ng nanay niya papunta sa eskwela. Sa huli, lagi pa ring nahuhuli ng pasok si Marvin.

Kung tutuusin, mapalad na nga si Marvin, walong taong gulang. Hindi ganito ang larawan ng lahat ng kabataang Pilipino na pumapasok sa eskwela. Ang iba sa kanila ay kailangan pang magluto ng almusal at maghugas ng pinggan bago pumasok. Kung mas malas pa, ang iba naman ay may mga trabaho bago pumasok. Mga bata pa lang yan, at kahit sabihing late na naman pumasok sa eskwela, paano mo sasabihing tamad o walang disiplina?

Isa pang halimbawa si Mang Abe na manininda ng gulay sa palengke sa Pag-asa. Ayon sa kanya, alas tres pa lang ng umaga, nasa palengke na siya. Ibig sabihin, nakaligo, bihis at nakapagbiyahe na siya mula sa kanyang bahay bago pa makaabot sa palengke. At mula alas-tres ng umaga hanggang hapon nagtatrabaho si Mang Abe. Wala nga lang siyang relo. Tinatantya na lang daw niya ang oras ng pagpunta sa palengke at pag-uwi sa bahay sa dami o tumal ng mga bumibili sa kanya. Ganyan ba ang itsura ng Pilipinong tamad at walang pagpapahalaga sa oras?

Naalala ko rin ang sinabi sa akin tungkol sa bawat araw ng trabaho ng mga magsasaka. Bago pa sumikat ang araw, nasa palayan na sila, nagtatrabaho. Inuunahan daw kasi nila ang init ng tanghaling tapat. Pagdating ng alas-diyes ng umaga, masyado nang mainit para magtrabaho, at madalas nagpapahinga na ang mga magsasaka. Parang hindi ito ang mga makukupad kumilos na Pinoy na tinutukoy ng Filipino time.

Hindi rin matatawaran ang siklo ng traffic sa Maynila at kawalan ng iisang oras para sa lahat ng orasan at relo ng mga Pilipino. Ito’y mga kalagayan na hindi makakaila at nagpapatibay lalo ng kultura ng pagiging late.

Sa maniwala kayo o hindi, maging ang nobelang Noli me Tangere ni Rizal ay nakapuna ng kakaibang katangian ng mga tao na laging nahuhuli sa oras na napag-usapan:

“Linares had not yet come; as a personage of such importance, he had to arrive later than others. There are creatures so simple that by being an hour behind time, they transform themselves into greater men.” (kabanata 60, Kasal ni Maria Clara)

Aha! Pruweba ng Filipino time na nakaukit sa kasaysayan! Ibig sabihin, sadyang late nga ang mga Pilipino.

Pero huwag kalimutan: si Linares ay malayong pamangkin ni Don Tiborcio (Kastila), at pinsan ng inaanak ni Padre Damaso (Kastila rin).

Sa katunayan, noong panahon ng pananakop, naging talamak sa mga Kastila ang mahuli sa oras na napag-usapan. Sa ganitong paraan umano nila naipapakita kung gaano sila kahalaga. Napapatunayan nilang malaking tao sila kung may mga taong naghihintay para sa kanila.

Maaaring namana ng ilang mga Pilipino ang ganitong kagawian mula sa mga mananakop na Kastila. Ngunit hindi ba kataka-taka na ang mga katagang Filipino time ay walang salin sa wikang Pilipino? Hindi pamilyar sa atin kung sasabihing “Oras ng Pilipino.” Walang ganoon! Kapag sinabing Oras ng Pilipino, ano ngayon? Pero kapag Filipino Time, ah, ayan. Late na naman.

Teorya: Ang konsepto ng Filipino Time ay ibinansag ng mga Amerikanong mananakop, kung kaya ang buong ideya ng pagiging huli at tamad ng mga Pinoy ay bagahe ng mga katagang Ingles.

Pero paano nangyari iyon? Hindi ba’t ayon sa International Date Line, bente kwatro oras ang lamang ng oras sa Pilipinas kaysa sa Amerika? O baka iyon lamang mga Pilipinong nagmana ng pagiging huli ng mga Kastila ang mga nakasalamuha ng nga Amerikano?

O marahil ang pagiging late ng mga Pinoy ngayon ay kabaliktaran ng pagiging late ng mga Kastila noon? Sa halip na magmukhang mahalagang tao kapag nahuli ng dating, ayaw nating maging pabigat sa mga nangimbita sa atin sakaling tayo ang pinaka-unang makarating sa piging. Hihintayin na lang natin ang oras na tiyak may ibang tao na nandoon, para hindi na mag-abala pa ang nangimbita na asikasuhin pa tayo.

O baka, katulad ko, hindi naman sinasadya ang pagiging huli. Nagkataon lang, sorry na. Pipilitin ko talagang maging maaga sa susunod.

Pero sa huli, lagi pa ring nahuhuli.

 

Photo: “Clock” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved

 

___

Si Mixkaela Villalon ay nagtapos ng kursong Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas.  Galing sa angkan ng mga piratang Cebuano ang nanay niya at nagmula naman sa tribu ng mga headhunters sa Ilokos ang tatay niya.  Kaya para sa ikababalanse ng cosmos, naisipan niyang magsulat.  Madalas siyang naliligaw sa mga suluk-sulok ng lunsod.)



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

jennifer 13 November 10, 02:36 PM
Kung may national (character) problem tayo ... hindi ito yung palate-late. (we always make up for lost time don't we? i know i do) Neither indolence nor slowness. As you say, Pinoys are in demand as workers abroad for their adaptability, diligence, creativity.

I still haven't pinpointed what that is. They say its the absence of a sense of nation that will enable us to pull our act together. Walang patalbugan, walang crab mentality.

I inclined to think this is true.

Haay!!

Beautifully written piece, Ms. Mix.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer