The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
Feb 09

Isip Pinoy

Birthday blues

Birthday blues

Kagaya ng pasko, ang naging tingin sa kaarawan ay isang okasyon na para na lamang sa mga bata. Hindi na kasi kagaya noong bata pa ako ang paghihintay ko sa okasyong ito. Hindi na ito kagaya noon na big deal ang birthday kung kaya’t hindi ako natutulog bago pumatak ang ika-12 ng hatinggabi. Naalala ko pa na may isa akong kapatid na akala niya kada-26 ng buwan ay birthday niya kaya kapag nalalapit na ang ika-26 na araw ng kahit na anong buwan ay natutuwa iyon dahil kaarawan na daw niya.

Sa kinalakihan, pansit ang pinaka-importanteng handa tuwing may kaarawan sa paniniwalang mas madagdagan pa ang taon ng kanyang buhay o hahaba pa ito katulad ng pancit bihon o sotanghon na ginamit sa pagluluto. Ngayon na lang dekada o magmula noong pumasok ang taong 2000 nang mapalitan ang pancit ng ispageti sa konseptong parehas naman silang noodles na may pagkamahaba. Mas mura din kasi ang pansit kung kaya’t mas pinipili ito.

Bukod roon, isa ring paniniwala ang hindi gaanong paglabas ng bahay kapag nalalapit na ang kaarawan sapagkat malapit raw sa disgrasya ang mga taong malapit nang umakyat ang edad. Siyempre ang lahat ng sabihin ng matatanda noon ay parang isang doktrinang hindi pwedeng baliin ng sinuman. Ganoon kama-pamahiin ang kinalakhang pamayanan kahit pa ilan sa kanila ang sarado Katoliko (ibig sabihin, bahay-simbahan, palengke lang ang pinupuntahan at araw-araw nagsisimba ito). Walang sinuman ang nagtangkang kwestyunin ang mga kaalamang iyon hanggang sa paglaki at hanggang namatay na ang mga nagpasa nito. Magpasahanggang ngayon, ganoon pa rin ang tema kapag nalalapit na ang kaarawan at kahit pa nalampasan ko na ang puntong pinakahihintay ko ang araw na iyon, mayroon pa ring pansit sa hapag kainan at pagpapaalalang huwag masyadong maglalabas bilang pag-iwas sa disgrasyang nakaabang.

Self-fulfilling prophecies

Mayroon akong nakatatandang pinsan na kaparehas sa aking kaarawan pero dahil nasa ibang bahagi siya ng bansa ay ilang beses lang sa buhay namin kaming nagkasabay ng selebrasyon. Noong nauso ang text, nauna lang siyang bumabati sabay bati ko rin naman at pagtatanong kung anong handa niya. Natapos ang eksenang iyon limang taon na ang nakararaan nang barilin siya at mamatay tatlong araw bago ang aming kaarawan. Iyon na siguro ang huling pagkakataon na nag-birthday kami na magkasama pa ang katawang lupa kung kaya’t binilhan ko pa siya ng lobo na pangarap niyang magkaroon daw sa kanyang kaarawan. Noong namatay siya, sumagi sa isip ko na baka totoo nga ang sabi ng matatanda pero saglit ding nawala iyon sa isipan bunga ng pagdadalamhati.

Masamang-masama ang taong iyon ng aming kaarawan at dahil wala na siya, taun-taon kapag nalalapit ang kaarawan ay naaalala ko ang nangyari kung kaya’t huminto nang maghanda tuwing sasapit ang kaarawan. Kamakailan ay binisita namin ang kaniyang libingan at sa hindi mawaring dahilan ay nakasanayan ko ng tingnan ang araw ng kapanganakan at kamatayan ng mga nakalibing nang hindi tumitingin sa kanilang pangalan. Sa hindi rin maipaliwanag na dahilan, napagtanto kong marami sa kanila ang namatay ilang araw na lang bago ang kanilang kaarawan kung kaya’t madalas kong kompyutin ang kanilang edad menos sa taon ng kanilang kamatayan dahil hindi sila umabot sa kanilang kaarawan. Ang iba naman ay ilang araw matapos ang kanilang kaarawan ay namatay habang may maliit na bilang sa hanay/seksiyon na iniikutan ko ang namatay sa araw ng kanilang kapanganakan.

Sa isip ko, baka nga totoo ang sinasabi ng matatanda subalit agad naman itong binawi ng kasamang kaibigan na nagsabing maaaring iyon din ang iniisip nila kung kaya’t nagkatotoo ang kanilang pinaniniwalaan. Sabi pa niya, kapag matindi talaga ang paniniwala mo sa isang bagay, hindi malayong mangyari iyon ayon sa paniniwala mo. Kumbaga, nagkakaroon ng kapangyarihan ang mga ideya/konsepto sa isip ng tao lalo pa kapag hinahayaan nitong kontrolin siya ng mga dominanteng konsepto na iyon. May punto siya sabi ng isip ko.

Aging

Marahil ay hindi lang ang kamatayan ng pinsan ko ang naging dahilan kung bakit hindi ko na hinintay ang kaarawan. Bukod rin kasi sa nalampasan ko na ang kabanata ng buhay na niyayaya ko pa ang mga kaklase ko na samahan akong daluhan ang kaarawan sa bahay, ang pagtanda o pagdagdag ng edad ang isa pang dahilan kung kaya’t may mga ilan na tumigil bumilang noong wala na sa araw ng kalendaryo ang edad.

May pagtataya kasi na sa panahong iyon ay may sapat ng karanasan o kaalaman ang isang tao na mamuhay sa pamamaraang gusto niya. Para sa iba, iyon ang panahon na may pamilya na sila at maayos na pinagkakabuhayan samantalang ang iba naman ay umpisa para sa pagbubuo ng pamilya matapos magawa ang ilang ipinasang obligasyon sa kanila katulad ng pagpapaaral ng kapatid at pag-aalaga sa pamilya na sa ating kultura ay hindi nagtatapos doon. Kung minsan, isinasama nila ang kanilang magulang o kapatid sa kanilang binubuong pamilya kung kaya’t patok ang extended family na porma sa bansa.

Ang kaakibat na responsibilidad habang umaakyat ang edad ay hindi biro. Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit madalas sabihin ng iba ang pagnanais na bumalik sa pagkabata dahil sa kapayakan ng pamumuhay na mayroon sila. Katulad na lamang ng pagpasok sa eskwelahan, pagtulog sa hapon, paglalaro, pagkain at saka maagang pagtulog upang maagang magising kinabukasan. Ang tila kawalan ng problema sa kabanatang iyon ng buhay ay kinaiingitan lalo pa kung naging routine na lang ang pagpasok sa opisina sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Ang variations sa routine ang tinatayang numero unong dahilan kung bakit ang pagtaas ng edad ay kinayayamutan o kinalilimutan.

Sa totoo, hindi naman ako nayayamot o gustong limutin ang araw ng kapanganakan kaya karaniwang araw lang ang nais kong pagtanggap dito. Baka rin kasi kabahagi talaga ang pakiramdam na ito ng pagtanda. Pwede rin na may mga routine akong nagiging dahilan ng ganoong pagtingin at sa ganoong punto baka mahalagang pagnilay-nilayan ang mga dahilan kung bakit marami sa atin ang tumigil ng bumilang ng edad kahit wala pa sa klasikal na pagdadahilan ng pagkawala sa kalendaryo.

 

 

 

 

 

 

 

 

Photos by the author. Some rights reserved.

read more...
 

Pinoy time-space warp

Pinoy time-space warp

Maganda ang naisip ng DOST na gumawa ng Philippine Standard Time. Medyo witty din ang “Juan Time”.

Ang siste, parang marami pa yata tayong dapat i-standardize bukod sa oras, na bihira naman nating gamitin lalo na sa pagsasagot sa mga tanong tulad ng “matagal ka pa ba?” o “lapit ka na?” Halimbawa: “...

read more...

Why we’re so vain (You probably think this article is about you)

Why we’re so vain (You probably think this article is about you)

 

The entire social networking universe nearly exploded last week when Jinkee Pacquiao 2.0 was presented in this month’s Mega Magazine . Jinkee’s new face actually debuted last November during Manny Pacquiao’s fight against Juan Manuel Marquez. While Manny made his entrance to the song “Eye of the Tige...

read more...

Too late the hero (Juan not on time)

Too late the hero (Juan not on time)
Before Brando, James Dean, Paul Newman, et al (know them?) and their “mood” films there were the westerns or “oaters.” You know, those flicks crammed with OK Coral gunfights and saloon brawls that usually climaxed with whooping Apaches attacking a circle of wagons of trembling mothers and daughters ...
read more...

We might as well laugh - the Pinoy take on humor

We might as well laugh - the Pinoy take on humor

"Pilosopo ang Pinoy humor.”

“Toilet humor.”

“Wala ka sa lolo ko jokes.”

“Kababawan.”

“Slapstick!”

 

These were some of top-of-mind answers shared by some folks I interviewed about Filipino humor. What are the first things that come to mind when talking about Filipino humor, I asked. They had a good laugh ...

read more...
  • «
  •  Start 
  •  Prev 
  •  1 
  •  2 
  •  3 
  •  4 
  •  5 
  •  Next 
  •  End 
  • »
Page 1 of 5
Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer