Alam nyo naman, dahil sa mahilig tayo sa piestahan, kung saan merong Pinoy, meron ding piesta. Pero lumipas din ang siyam na taon ko dito sa Alemanya bago ko nalaman na meron palang Fiesta Filipina!
Papano ko nalaman? Kasi yung isang kaibigan kong Pinay ang nagsabi sa akin. At papano naman nya nalaman? Kasi yung kaibigan nyang Pinay ay merong regular na booth kapag dumarating Fiesta Filipina. Ayan, through word of mouth. Pero napansin ko din na meron ding mga maliit na poster sa sulok ng Philippine consulate sa Frankfurt. Eh pano kung hindi ka pupunta sa consulate sa mga panahon na iyon? Makikita mo rin sa internet. Yun nga lang mahirap sya i-search dahil medyo kulang ang detalye. Kahit nga sa mga forum, meron pa ring nagtatanong kung tuloy ba daw ang piesta.
Ibinalita ko sa mga kaibigan kong Pinoy ang Fiesta Filipina sa Alemanya. Siyempre, nagkainteres sila. At dahil medyo malayo sa aming lugar ang Dietzenbach nag-plano kami na mag-commute na lamang dahil medyo marami kaming magkakasama. Tiningnan muna naming ang mapa ng lugar na pupuntahan namin sa internet para hindi maligaw, bago bumili ng ticket. Mabuti na lamang at holiday nung mga araw na iyon kaya nakasama ang buong pamilya. Super excited nga ang mga bata. Barbecue daw ang una nilang sasabakan at siyempre San Miguel Beer naman ang pinananabikan ng mga kalalakihan.
Mula sa aming lugar ay mahigit isang oras din ang inabot ng biyahe namin sa tren. Sa paglipat naming ng tren sa Frankfurt ay napansin agad naming ang isang Pinay. Chinika naming siya at ayun, nalaman namin na regular na rin syang nagpupunta sa piesta. At meron nga din daw syang mga kaibigan na merong mga booths.
Nung umakyat kami ng train napansin naming na karamihan ng pasarehero ay mga Pinoy. Makikipiesta din! Sa bawat hinto ng train ay dumadami ang mga Pinoy na umaakyat. Merong iba na bitbit pa lamang ang mga ibebenta nilang pagkain. May nakita akong puto at kutsinta, lumpiang sariwa, atpb. Naku, tulo ang laway namin agad. Hindi na makahintay pati ang mga bata!
Nang bumaba kami ng train, halos panay kaming Pinoy na sabay-sabay. Feel na feel na ang piesta. Hindi kamin naligaw dahil sinundan na lamang naming yung may dalang puto at kutsinta.
Naka-display ang bandila ng Pilipinas pagpasok pa lamang sa Bürgerhaus (community center) ng Dietzenbach , Kitang-kita agad. Maamoy agad ang usok ng barbecue dahil ang daming barbecue booths! Napabilis tuloy ang lakad naming at baka maubusan!
Sa mga announcements, alas dos ng hapon ang simula ng piesta. Medyo maaga kaming pumunta, mabuti na lang. Dahil nakatayo na ang lahat ng booths at ang daming tao!
Ano-ano naman ang makikita, makakain at mabibili sa Fiesta Filipina? Makakain: ang daming Filipino food. Kung ano ang inyong matagal nang hindi nakain at pinananabikan, makikita ninyo dito. Dinuguan, mechado, Bicol express, bachoy, daing, barbecue, adobo, lumpiang shanghai, lumpiang sariwa, sisig, tinola, pansit luglog, pansit malabon, bam-i, normal na pansit, longganisa, binangoongan, pati kamo balut at itlog na pula meron!
At sa matamis naman, merong ube, dried mangoes, mango tarts, barquillos, leche flan, sapin-sapin, kutsinta, puto, halo-halo, siopao, hopia, champorado, ginataan at may Goldilocks products din. Siyempre meron ding mga prutas tulad ng mangga at durian. Andun din sina Jack n Jill tulad ng Chippy at Chiz Curls. Basta marami kayong matatagpuang paboritong pagkain dito. Sa inumin naman, number one ang San Miguel Beer at pangalawa ang sago at gulaman.



Ano pa ang ibang mabibili? Merong mga souvenir items na tulad ng t-shirts at items na gawa sa capiz shells at dati merong nagtinda din ng walis tambo at walis tingting. At siyempre andyan din ang mga maiipon mong brochures dahil present din ang mga real estate vendors, ang mga telephone cards sellers, ang Pinoy cable booths, ang balikbayan boxes stands, at ang mga travel agencies na may special flight prices para sa mga balikbayan --- at meron ding nagtinda ng tuwalya!!
Ang tip ko lang sa mga gustong magpunta ay: ikutin muna ang lahat ng booths para makita lahat ng special offers nila at para maghambing ng presyo. Kasi may mga special offers ang ibang booth tulad ng dalawang ulam at kanin sa presyong 5 euro lamang. At iba-iba rin ang presyo ng isang stick ng barbecue na tumatakbo sa pagitan ng 1 euro hanggang 2.50 euro. At siyempre, huwag kalimutang magdala ng malaking bag para sa mga bibilhin o kaya cooler kapag pagkain ang balak na bilhin.
Ang nakakatuwa, may mga take-home boxes talaga para sa mga pagkain. Yung ibang items naka-empake na ng tingi-tingi para sa mga hoarders na katulad ko. Sa sunod nga balak kong magdala ng cooler para hindi mabilasa ang mga napamili lalo na kapag mainit ang panahon.
At para dagdag sa excitement, meron ding tombola o raffle prizes at ang tiket ay nilalako sa mismong araw ng piesta. Ang first prize ay round-trip tiket sa Pilipinas na regalo ng Herbst Travel. Ang susunod na premyo ay laptop at may mga surprises din. Nagkaroon din ng patimpalak sa Best Dressed Guest in Filipina Costume kung saan may mga sumali din naman.
Oo nga pala, meron ding show na tradisyonal na kantahan at sayawan ng mga naka-Philippine costume na pinangunahan ng mga miyembro ng Philippine Cultural Institute e.V. Sila yung makikita mong naka-suot ng Filipiniana at ang mga kalalakihan naman ay naka-barong (Pinoy man o puti). Ang PCI din ang organizer ng Fiesta Filipina na nasa-ika 15 taon na ngayon.
Ang susunod na Fiesta Filipina ay gaganapin sa 2013. Oo nga pala, kung gusto ninyong maging miyembro ng PCI, pwede ninyong dalawin ang kanilang website. Dahil mas maraming nakikipiesta, mas masaya!
Top photo: “Most outstanding stand” from myphilippinesgermany
Other photos: by the author. Some rights reserved
-------
The author blogs at Home Worked and Deutschland in Review.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









