The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Expat files Hoarding and panic-buying in paranoid times

Hoarding and panic-buying in paranoid times

hoarding_2Noong una, punong-puno man ng grocery at ibang items ang aming sasakyan, hindi iyon nangangahulugang nag-panic buying na kami. Normal lang yun. Kasi ang layo ng pinagbibilhan namin ng karamihan sa mga pangangailangan. Kaya para hindi sayang ang gasolina, bumibili na kami ng mga gamit para sa tatlong buwan. Lalo na kapag special offer, naku, mas lalong hindi magkasya yung mga binili at minsan nga, may karga pa kami sa aming upuan. Sayang naman yung matitipid namin lalo na kapag buy one take two, di ba?

 

Pero noong nakaranas kami ng Ondoy, nang sinalanta ng bagyo ang aming bahay na inuupahan sa Pilipinas -- nag-iba ang paningin ko sa mga pag-i-stock ng supplies na ‘yan. Ang dami kasing nasayang noong tumaas ang tubig at lalo na nang pinasok na ng tubig ang kusina.

Nabasa siyempre ang mga naka-stock na mga pagkain. Hindi na pwedeng kainin. Pati yung laman ng ref na tinumba ng baha, hindi rin sigurado kung pwede pang kainin. Yung mga nabasang kagamitan sa bahay, itinapon o kaya naman pinamigay na lamang. Sa ganitong pagkakataon parang… hindi din nakatipid kasi nasira lang din ang mga binili.

Kaya naman medyo nawalan na rin ako ng gana na mag-ipon ng gamit at kapag sale. Kasi hindi natin alam kung ano mangyayari kinabukasan! Kaya nang bumalik kami ng Alemanya, yung mga gamit at damit namin na hindi naman namin nagalaw at nakalagay pa sa karton ay ibinenta, pinamigay namin at itinapon ang iba. Bakit nga naman bitbitbitin pa pabalik e hindi naman gagamitin ang mga ito, di ba?

Pero noong napanood naming ng live yung lindol at tsunami sa Japan, medyo nalito ako. Unang-una, tama nga yung sinabi ko na gamit lang yan. Kapag hindi naman kailangan, bakit kailangang ipunin di ba? Nabubulok lang naman at nakakadagdag lang ng kalat. Ayan na nga, sa mga ganyang sitwasyon, ang buhay ang dapat na unang isalba. Walang sayanging segundo para iakyat ang mga pwedeng iakyat. Iwan ang lahat ng gamit.

Pero habang nakatutok ako sa mga pangyayari sa Japan noong mga sumunod na araw pagkatapos ng disaster; at nakita kong nakapila na yung mga survivors para sa pagkain, inumin at pati na sa damit at sapatos – parang kinabahan ako. Lalo na nang pinapakita sa telebisyon na wala ng laman yung mga tindahan at kay haba ng pila sa gasolina. Ang mga bagay na akala natin parating nandiyan ay puedeng biglang maglaho at maging mailap para sa pang-araw-araw na gamit.

Kawawa naman yata yung mga anak ko kapag may ganyang nangyari at wala silang makain. Akalain ba naman nating sa isang mayaman na bansa ay may araw na mauubos din ang supply lalo pa nga at hindi pa tapos ang problema sa kanilang nuclear power plants? At kahit malayo ang Alemanya sa Japan, dahil sa dagat na na-contaminate na rin, baka wala nang makaing isda. Baka magdumi na rin ang tubig.

Napag-isip ako. Habang meron pa, dapat yatang magsimula na ulit akong mag-ipon. Naglista ako sa aking isip. Ang mga pagkain na nasa listahan ko ay hindi simple, dahil merong mga importanteng bagay na kailangan:

Pagkain na puwedeng i-stock ng pangmatagalan at hindi agad nabubulok.

Pagkain na pwedeng buksan ng hindi kailangan ng can opener at ng kutsilyo -- ah basta, yung simple lang buksan.

Pagkain na kahit na hindi lutuin ay pwede nang kainin agad.

Pagkain na may nutrisyon na magbibigay lakas kung sakaling magkulang at magkaubusan na.

Nangunguna dito ang mga de lata at mga fruit preserves at high-nutrition candy bars pati na tsokolate. Kasunod siyempre ang bottled water at juice. Kahit na nga yung mga frozen foods tiningnan ko rin kung pwede silang kainin nang hindi niluluto. Isang malaking supresa dahil ang ilan sa kanila ay pwedeng kainin ng walang luto, basta lamang na-thaw na ang mga ito.

Tapos siyempre ang mga importanteng bagay na dapat kasali sa survival kits:

Kandila

Flashlights

Battery

Papel at panulat

First aid kits na puno ng bandages at alkohol

Posporo

Makapal na kumot

Swiss knife o kahit na anong multi-tool gear

Yan ang important sa paningin ko dahil kailangan kaya ko ding buhatin ang mga iyan, sakaling kailangang mag-evacuate.

At dahil nagkaron din ng mga e-mails na nagpapatungkol sa paglalabas ng sikreto sa Fatima, at dahil isa akong Katoliko, nag-isip rin ako kung ipapa-bless ko rin ba ang lahat ng kandila namin; nagtalo rin sa aking isip kung kailangan ko nang magpunta sa pinakamalapit na simbahan para sumalok ng holy water at ibuhos sa ilang maliliit na lalagyan.

Bigla ring pumasok sa isip ko na meron akong isang bote ng tubig na galing sa balon ng Lourdes, France. Hindi ko alam kung pareho ito ng kahalagahan ng holy water pero dahil mapaghimala daw ito, puwede na rin. Ngayon ang susunod na dapat kong gawin ay isalin ito sa ibat-ibang lalagyan at ikalat sa buong bahay dahil hindi natin alam kung saang parte ng bahay tayo aabutin kapag nagkataon.

Ay ano ba, ang morbid na talaga ng takbo ng utak ko pero naging ganyan ang pagiisip ko noong mga araw na iyon.

Mabuti na lang, ang utak ko lang ang tumatakbo at ang kamay ko lang ang naglilista. Dahil noong mga araw na iyon, hindi ako gumagamit ng kotse. Ang mga anak ko ay sumali sa programa nila sa eskwelahan na magkakaroon sila ng points kapag naglalakad sila papunta ng eskwelahan at pauwi ng bahay. At dahil ang pinakamalapit na supermarket ay malapit sa eskwelahan nila, bumibili ako ng mangilan-ngilan na grocery items halos araw-araw. Pakonti-konti dahil ang bahay namin ay nasa taas ng bundok at inaabot ng sampung minuto ang lakad pababa; at mga 15 hanggang 20 minuto naman paakyat. Hindi ko kayang bitbitin ang mga pinamili ko kapag nagkataon.

Kaya naman hindi natuloy ang aking hoarding o panic-buying impulse. Yung sapat lamang ang binibili ko. At nakarating man ako sa simbahan ay hindi ako nagdala ng bote para mag-uwi ng holy water. Pero sinigurado ko na meron kami at alam ko kung nasaan ang mga kandila, ang mga posporo, baterya at flashlights.

Ang mahalaga, inayos namin ang aming bakuran. Imbes na mga bulaklak at mga kung anu-anong halaman lamang ang nasa hardin, nagtalaga kami ng isang sulok para sa pangaraw-araw na pangsahog tulad ng kamatis, petsay, basil, thyme, dill, kinchay, karot, labanos, spinach, at iba pa. Tapos dinagdagan pa namin ng strawberries at inayos ang mga puno at halaman na nagbubunga ng prutas tulad ng cherry, currants, at ibat-ibang klase ng wild berries.cherry_picking

Binisita rin naming ang aming hardin sa bundok na may mga halaman at puno ng namumunga nang mga prutas tulad ng mansanas, ubas at mga gulay tulad ng kalabasa, talong, sigarilyas at patatas. Kung sakali mang magkaubusan ng pagkain, siguradong meron kaming makukuha sa aming bakuran. At alam naman natin, na sa ibang prutas at gulay ay meron ding sabaw na makukuha.

Sige na nga, aamin ako -- sinisigurado ko din na meron kaming supply ng pagkain na magtatagal nang isang lingo. Kapag kulang na, ito ay parati kong pinupuno sa bawat pagbisita sa grocery store. Bakit? Wala lang, practical reasons. Dahil isang beses isang linggo lang ako namamalengke, parating sariwa ang prutas at gulay at nakakatipid pa ako sa gasolina. At dahil sa aming hardin, hindi kami nauubusan ng pagkain; may dagdag pa nga.

 


Top photo:  “Vaciando el supermercado” by Eneas De Troya, c/o Flickr. Some Rights Reserved

Bottom photo:  by the author



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer