Di ko tiyak kung kailan nagsimula ang pagkamuhi ko sa kanya. Sa totoong buhay, magkaibigan naman kami. Nag-uusap kami tungkol sa pop-culture at potograpiya. Masaya naman siyang kasama.
Pero simula nang naging “friends” kami sa Facebook, dahan-dahang nagbago ang pagtingin ko sa kanya. Nabasa ko ang mga status message niya tungkol sa mga rally ng estudyante laban sa nagtataasang tuition fee at natanto ko na bobo pala siya.“Di ko kailangan magrally, may kotse ako,” sabi niya minsan sa Facebook, at ilang tao rin ang nag-like sa status na iyon.
Sorry, Spectacles, kasama ka na sa hitlist ko.
Idagdag pa diyan si Liberty* na crush ko noong apat na taong gulang ako. Matagal na kaming hindi nagkikita. Nag-reconnect lang sa Facebook. Malaman-laman ko na malaki ang pinagbago niya. Maliban sa tumaba at nawalan ng leeg, naging utak-ulupong pa.
“Ang exciting! Parang sine lang!” sabi ni Liberty tungkol sa hostage crisis noong Agusto 23. Aba, 21 people like this daw.
Liberty, hitlist ka na rin.
Sa mga panahong ganito, pinagsisisihan ko na nag-sign up ako sa Facebook. Pero sabi nga ng yumaong Heath Ledger sa pelikulang Brokeback Mountain, “Why can’t I quit you?” Siguro dahil sa bawat masamang karanasan sa Facebook, meron din namang matitino. Dito ko nalalaman kung kamusta na ang anak ng kaibigang nagpunta sa Amerika, at kung may bagong labas na komiks na kailangan kong i-download. Pero nababawi ba ng mga ito ang namumuong inis at poot ko sa mga itinuturing kong “friends?”
Haay. Naaalala ko pa ang panahon bago ang Internet. Tuwing may masayang mangyayari sa buhay ko, itinatago ko ito sa baul ng aking memorya at ilalabas lang para ibida sa mga kaibigan tuwing nag-iinuman. Pero ngayong may blogs at microblogs tulad ng Facebook at Twitter, para bang kailangan malaman na ng mundo ang lahat ng nangyayari.
Sa masalimuot na mundo ng Web, lahat tayo’y may tinig. Ito ang pangako sa atin ng teknolohiya.
Sumigaw ka—shout out ang tawag dito—at maririnig na ng mundo. Malalaman ng lahat ng kaibigan mo kung ika’y masaya o malungkot, kung may bago kang boyfriend, kung nakipag-sex ka kagabi, kung ano ang almusal mo kanina. Para bang ngayon na may tinig na tayong lahat, ang kompetisyon ay palakasan ng boses.
Pasayahan! Palungkutan! Pa-witty-han ng iniisip! Pa-excitingan ng buhay!
Sabi ng kaibigan sa status message niya 15 seconds ago, “FUN-demonium!” kaya patatalbugin ko siya sa pag-post ng status message na “Pan-DEMON-ium!” na para bang may saysay ito, na para bang maaalala namin ito bukas kapag nabaon ng baha ng status updates ng ibang tao ang lahat ng aming pinagsasabi.
May tinig daw ang bawat tao dito sa Internet, pero ang Internet ay walang alaala o pakialam sa atin.
Ang katotohanan, tayo lang ang nagbibigay ng halaga sa bawat byte at pixel na bumabalandra sa ating computer screen. Dahil tila walang hangganan at malaya ang espasyo ng cyberspace, nais natin itong sakupin, angkinin, markahan ang sari-sarili nating birtwal na sulok na para bang mayroon talagang espasyo na atin lang sa World Wide Web.
Ang Wall ko sa Facebook ay akin lang. Espasyo ko. Ang bawat status update, photo, o video na ina-upload ko sa aking wall para makita ng ibang tao ay palatandaan ng aking identidad, ng mga bagay na bumubuo sa akin bilang tao. Mahahanap ninyo doon ang aking mga kaibigan, ang aking mga “likes” at interes, ang mga grupong sinalihan ko, etc.
Kaya naman nagagalit ako tuwing makikita ko sa aking Facebook News Feed ang mga opinyon ng kaibigan na salungat sa sarili kong opinyon at paniniwala. Dahil minarkahan na ng utak ko ang espasyong ito bilang akin, naiinis ako tuwing nakakakita ako na taliwas na opinyon sa aking espasyo. Naituturing ko itong panghihimasok sa aking birtwal na espasyo. Mabuti sana kung lalagyan ko ng tarangkahan ang espasyo ko na may babalang “keep out” o “beware of the dog.”
Sa ganitong lagay nagsisimula ang mga hidwaan at gyera sa Facebook. Ang nagbabanggaang pananaw ng iba’t ibang tao ay hindi lamang nasa pampublikong espasyo ng Internet, kundi nanghihimasok sa “personal” na espasyo mo. O marahil mas mainam na sabihin na inaangkin natin ang pampublikong espasyo ng Internet bilang pribadong espasyo, kaya naiinis tayo tuwing makakakita o makakabasa ng mga opinyon na ibang-iba kaysa sa atin.
“RH Bill is not about abortion! There’s a separation between church and state! My god, why are they so stupid?” sabi ng isang kaibigang pro-RH bill sa kanyang Facebook status message.
Wala pang isang minuto, nag-post naman ng status ang kaibigan kong anti-RH bill ng “There is a separation of Church and state, but there is no separation of morality and state. It is the State’s responsibility to protect the rights of its citizens, even the unborn!”
Nagpaparinig kaya sila sa isa’t isa? Marahil. Kung magkaharap siguro ang dalawa kong kaibigang, nagdidiskurso sila, nagpapalitan ng ideya. Pero dahil nasa espasyo ito ng Facebook, nag-aaway sila, nagpaparinigan. Dahil hindi sapat ang Facebook para magpaliwanag ng kani-kanilang posisyon tungkol sa isyu, walang diskursong nagaganap. Nagtatahulan lang sila, iniihian ang sari-sariling pader na para bang minamarkahan ang kani-kanilang teritoryo.
Ganito rin ang naganap noong sumabog ang isyu ng Jejemon. Tila nahati ang Facebook noon, nagsulputan ang iba’t ibang tribo na pro- o anti-Jejemon. Wala namang malalim na talakayan tungkol dito para mabatid ang ugat ng Jejemon phenomenon, para matimbang kung ito ba ay katanggap-tanggap na ebolusyon ng wikang Pilipino, o walang silbi. Sa halip, ang mahahanap mo lang ay “Sana mamatay lahat ng jejemon! Mabaho, skwater,” at “d p|-|0Wz Ky0 i|\|4@n0WzZ!” woof woof, aw aw, miaw miaw. Walang humpay na pagtatahol na ang iisang gustong patunayan ay paramihan ng mahahanap na kakampi.
Ito pa pala, sa Facebook, lagi kang makakahanap ng kakampi.
Halos magkasing-dami lang ng fans ang mga Facebook page na para sa o laban sa kasalukuyang administrasyong Aquino. Muli, walang talakayan dito na aabot sa resolusyon. Palakasan lang ng tinig, paramihan ng kakampi. Dahil sa ganitong katangian ng Facebook, lalong tumitibay ang ating palagay na tama ako! Tama kami! Mali kayo! Ang dami namin, o! Espasyo namin itong Internet, at kayo ang nakiki-singit!
Haay. Buti na lang daw may "hide" option ang Facebook kung saan pwedeng itago ang mga “friends” na ayaw mong mabasa (e bakit mo pa siya ginawang Facebook friend?). Sana raw may "dislike" button ang Facebook para maipakita na natin kung gaano natin kinaiinisan ang sinasabi ng isa’t isa.
Nge. E di mas lalo lang natin pinalalakas na ang Internet ay dominyon ng sarili, monopolyo ng ikaw, at bawal manghimasok dito.
*Itinago ang mga pangalan para sa kanilang kapakanan.
Photo: “facebook” by benstein, c/o Flickr. Some Rights Reserved
___
Si Mixkaela Villalon ay nagtapos ng kursong Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas. Galing sa angkan ng mga piratang Cebuano ang nanay niya at nagmula naman sa tribu ng mga headhunters sa Ilokos ang tatay niya. Kaya para sa ikababalanse ng cosmos, naisipan niyang magsulat. Madalas siyang naliligaw sa mga suluk-sulok ng lunsod.) (I-add ninyo ang emailnimixkaela@yahoo.com bilang Facebook friend para mainis din siya sa inyo. ^_^)
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









