Ako, bilang isang deboto ng Nazareno, ay nagsisimba tuwing Biyernes sa Quiapo. Kakatwa talaga dahil hindi naman ako relihiyosong tao. Ako'y naging isang deboto dahil lang sa pakiusap ng aking ama na isang totoong deboto ng Nazareno na sundin ko din ang kanyang debosyon. Kaya nga pag pumapasok ako sa simbahan, ang ginagawa ko lang ay magpahid ng bendita sa aking noo, lumuhod ng ilang minuto, magdasal ng isang Ama Namin, isang Aba Ginoong Maria, at Isang Luwalhati. Pagkuwa'y uupo ako sa isa sa mahahabang upuan, titingin kunwari sa altar, subalit ang talagang tinitignan ko ay ang mga kapwa ko nagsisimba, at baka may kakilala ako sa kanila. Palagay ko ay ganito rin ang ginagawa ng mga pangkaraniwang Katoliko. Ang mga babae ay nagdarasal ng mataimtim habang nakaluhod, samantalang ang kanilang mga asawa ay ay nasa labas ng simbahan at humihitit ng sigarilyo.
Paglabas ko ng simbahan ay sinasalubong ako ng mga pulubi na nakahandusay sa entrada ng simbahan. Karaniwan na akong nagbibigay ng mga mamisong abuloy sa kanila. Para sa akin ay barya lamang ito subalit para sa kanila ito’y pampagaan ng hirap. Nakakatuwang isipin na ang isang maliit na bagay para sa isang tao ay napakahalaga naman sa iba. Pagkuwa'y dumaan ako sa may Plaza Miranda at ang nakita ko naman ay ang mga nakahilerang mga pamosong “Manghuhula ng Quiapo” sa kani-kanilang maliliit na lamesa. Ako’y hindi naniniwala sa mga hula dahil sa palagay ko ay isa lang itong hanapbuhay, datapwat masasabi kong marami ang naniniwala sa kanila.
Pagkatapos kong mapadaan sa mga manghuhula ay pumunta ako sa may palengke ng Quinta, dahil bibili ako dito ng paborito kong “Hamon Excellente.” Ang hamong ito ay “smoked old-style ham” at napakasarap ipalaman sa mainit na pandesal sa almusal. Pagkatapos ay ipareha mo pa ang isang malasadong itlog at mainit na kape at siguradong magiging maganda ang boong araw mo.
Pagkagaling sa Excellente ay naglakad na ako sa mga maliliit na kalye ng Quiapo. Dito ay may mga nakahilerang nagtitinda ng mga anting-anting, mga rosaryo, mga bendita, at istampita. Kapagkuwa'y dinaanan ko din yaong mga nagtitinda ng mga sari-saring halamang gamot, mga sari-saring langis, mga gamot tungkol sa pagka-baog, pamparegla, at mga gayuma. Hmmm....ano kaya itong gayuma? Ito’y isang maliit na bote ng mertayoleyt na may lamang kaunting langis. Tinanong ko ang tindera kung paano ginagamit ito. Ang sagot niya ay lagyan ko daw ng papel na may nakasulat na pangalan ng iniibig ko ang loob ng bote at walang salang sa loob ng dalawang linggo ay mamahalin na ako ng iniibig ko. Napakatagal na panahon naman yan, ang wika ko sa sarili ko. Napakamainipin kong tao at ang dalawang linggong paghihintay sa bisa ng gayuma ay lubhang napakatagal para sa akin. Kaya bumili na lang ako ng isa upang iregalo sa aking tiyahing matandang dalaga. Hehehe.
Habang naglalakad patungo sa MRT(para aking sakyan pabalik ng Cubao) kumuha ako ng iba’t-ibang larawan sa aking munting kamera. Ang aking kamera ay maliit lamang, halos kasing laki lang ng isang credit card, kaya simpleng ibulsa sa loob ng aking polo shirt. Ang kamera na ito ay magaan at napakadaling itago sa mga mata ng mausyosong tao. Alam kong maraming snatchers sa Quiapo na naghihintay ng tamang pagkakataon, at may di iilang beses na rin na nagkaroon ng pang-aagaw ng cellphone at kamera dito, subalit ako ay isang "adventurous" na tao. Mas marami pang delikadong bagay ang nagawa ko na kaysa dito. Tulad na lang noong ako'y magpakasal noong nakaraang taon....
Ang pagkuha ng larawan ay isa sa mga paborito kong gawain. Nakapagbibigay saya sa akin ang tingnan ang mga larawan sa mga sandaling nag-iisa ako. Lalo pa at ang mga larawang kuha ay mga bahagi ng kalye, mga tao habang naglalakad, mga makasaysayang gusali, at iba’t-ibang tagpo ng Maynila.
Kung ikaw ay mamamasyal sa Quiapo ay tiyak na mapapadaan ka sa Quiapo Underpass. Ang underpass na ito ay ipinagawa pa noong dekada sisenta. Mayroong mga lagusan ito patungo sa Kalye Hidalgo, Quezon Boulevard, Plaza Miranda, Kalye Echague, at sa harap mismo ng simbahan.
Ang Quiapo sa pagsapit ng gabi ay tulad din ng Cubao….pumupustura…nagme-mek-ap. Makikita sa ilang larawan sa itaas ang mukha ng Quiapo pag bandang alas-nuwebe ng gabi, kung kailan nagkikislapan na ang kanyang mga ilaw.
Gusto mo bang manood ng sine? Walang matinong palabas kang makikita sa Quiapo. Ang mga pelikula ay yaong may pagkasekswal ang dating at nararapat lamang sa mga naghahanap ng init sa katawan. Ang dalawang pamosong sinehan na nagpapalabas ng malaswa ay ipinasara na tulad ng Center at Gala Theater.
Sa mga lansangan sa Quiapo, maraming tao ang nagdaraan umaga man o gabi. May mga nag-oopisina, may mga estudyante, at mayroon ding mga namamasyal lang tulad ko. Mayroon ding mga manggagantso, mangdurukot, at mga halang ang kaluluwa. Kungsabagay mas kaunti ang ninanakaw nilang pera kaysa sa mga pulitikong naka-barong tagalog pa, mga pulitikong dapat barilin sa Bagumbayan.
Ang larawang ito ay kuha sa Abenida Rizal dakong mga alas-nuwebe ng gabi. Napakamaaliwalas tingnan nito. Ang dating pangalan pala ng Abenida Rizal noong panahon ng kastila ay Plaza Cervantes. Yan ay nabasa ko sa isang munting marker na inilagay dito ng pamahalaang lungsod.
Alas nuwebe ng gabi sa Abenida Rizal ay pwede kang humigop ng mainit na taho. Sampung piso para sa malaking baso. Limang piso para sa maliit na baso. Tatlong piso para sa basong pangdwende.

Sa kanto ng daang Recto at F. Torres, nandoon ang Three Stars Cafe. Masarap ang mainit na tsokolate dito, na may presyong kinse pesos bawat tasa. Habang humihigop ako ng mainit na tsokolate ay biglang may dalawang babaeng nag-away sa katabing kalsada. Ang lalakas ng mga sigawan nila at halos nagpang-abot na kundi lamang inawat ng ilang tao. Ako naman ay umusyoso din dahil wala na akong ibang hinahangaan kundi ang makakita ng mga taong nag-aaway. Ito sa palagay ko ay isa sa mga katangian kong pantao. Dahil dumating ang mga pulis, unti-unti namang umalis ang mga taong nanood, nanghihinayang na hindi natuloy ang pagbabag.
Maraming karinderya sa Quiapo para sa biglang susumpungin ng gutom at maliit lamang ang badyet. Sa isang karinderya sa kalye Recto (sa tapat ng sinehang Odeon, na ngayon ay kasalukuyang kinukumpuni), bente pesos isang order ng ulam at limampiso naman sa kanin. Pwede magkamay kung di sanay kumain ng naka-kutsara.

Ang mga pagkaing lansangan na katulad nito ay matatagpuan hindi lang sa Quiapo kundi sa lahat ng sulok ng Maynila. Sa kaliwa ay ang kwek-kwek, itlog ng pato na binalutan ng harina(kwatro pesos), at sa kanan naman ay ang tukneneng, itlog ng pugo na binalutan din ng harina(dos pesos ang isa).
Ang batang tinderong ito ng bola-bola ay naghihintay na sa paglabas ng mga suki niyang mga panggabing manggagawa. Singkwenta sentimos ang isang piraso ng bola-bola o fishball, ang kikyam naman ay dalawang piso ang piraso. Ang sarsa nito ay nakabukas palagi at nilalangaw pa. Kungsabagay mura naman kaya puwedeng nang pagpasensyahan ang langaw.
Photos: by Dennis Villegas, Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









