BABALA SA DENGUE TINAAS SA 9 NA BARANGAY
Sinusubaybayang mabuti ng Department of Health (DOH) and siyam na barangay kung saan may mga kaso ng dengue na naka-"cluster."
Tinuturing na may "clustering" kung may tatlo o higit pang nagkasakit ng dengue sa isang barangay sa loob ng apat na linggo.
Ang mga natukoy na barangay ay: ang Marawoy sa Lipa City at Balagtasin I sa San Jose, Batangas; San Pedro sa Puerto Princesa, Palawan; Andagao sa Kalibo, Aklan; Cogon sa Tagbilaran city, Bohol; Cabatacan sa Pudtol, Apayao; Balangkas sa Valenzuela City; at Barangay 176 at Camarin sa Caloocan.
Mula Enero 1 hanggang Agosto 21, tinatayang nagkaroon ng 62,503 kaso ng dengue sa bansa, na mas mataas ng 88.8 % kaysa sa 33,102 kasong naitala sa ganoon ding mga petsa noong isang taon. Sa taong ito, 465 na ang naitalang namatay at 350 noong isang taon dahil sa dengue.
(Philippine Star, Sunday, September 5)
‘REINSTATEMENT’ PARA KAY MENDOZA HINDI NAPADALA
Sa mga huling oras ng hostage crisis sa Luneta, sa matinding pagnanais ng mga opisyal ng gobyerno na maagapan ang napipintong pagdanak ng dugo, naisipang sumulat ni DILG Undersecretary Rico E.Puno ng liham sa bus hijacker at hostage taker na si Senior Insp. Rolando Mendoza na nagsasaad na ibabalik siya sa dating puwesto sa Kapulisan.
Ito ay napag-alaman sa hearing kahapon ng fact-finding committee na pina-mumunuan ni Justice Secretary Leila de Lima.
Hindi naituloy ang balak na ito na naisip bilang paglansi kay Mendoza upang kumalma at palayain ang mga lulan ng bus.
Isa ito sa mga istratehiyang napag-usapan sa mga oras ng krisis noong Agosto 23. Binalak din daw ni Pangulong Aquino na siya mismo ang humarap kay Mendoza, ngunit ito ay hindi pinayagan na kanyang mga advisers.
Dinagdag ni Puno na gumawa ng hiwalay na reinstatement order para kay Mendoza si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Leocadio Santiago, ngunit hindi rin ito natanggap ni Mendoza dahil pabagsak na ang mga negosasyon noong mga oras na iyon.
(Philippine Daily Inquirer, Saturday, September 4)
TATANGGAP ANG MAHIHIRAP NG BUWANANG CASH AID
Salamat sa $400 million na pagpapa-utang ng Asian Development Bank, humigit-kumulang na isang milyong mahirap na pamilyang Pilipino ang tatanggap ng buwanang P1,400 na tulong sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ayon kay Social Welfare Secretary Dinky Soliman.
Inaasahang darami ang mga pamilyang matutulungan – hanggang mahigit na dalawang milyon – pagsapit ng taong 2011.
Ang programang 4P, na sinimulan ng gobyerno ni Pangulang Arroyo, ay para sa mga tahanang kasama sa tinatawag na “poorest of the poor” at sila ay pinili sa pamamagitan ng 2006 National Census and Statistics data.
Upang mapasama sa programa, ang isang pamilya ay dapat makasunod sa mga sumusunod na criteria: (1) ang mga batang idad 6-14 ay nagaaral at kadalasang nakakapasok sa paaralan; (2) ang mga buntis na babae ay tumatanggap ng pre at post-natal medical care; (3) ang mga magulang ay kasali sa Family Development sessions; (4) ang mga batang apat na taon pababa ay sumasailalim sa pagpapabakuna at iba pang preventive health check-up.
(Philippine Daily Inquirer, Friday, September 3)
NAIS TAAS SINGIL NG MERALCO, TAUN-TAON MULA 2011-2015
Simula sa taong 2011, kailangang maghanda na naman sa panibagong pagtataas ng kanilang bayad sa koryente ang mamamayang Pilipino, ito ay kung masusunod ang petisyon ng Manila Electric Company (Meralco) tungkol dito. Umano’y hanggang 2015 ang schedule ng pagtataas.
Sinabi ni Ivanna dela Pena, first vice president ng Meralco, ang dagdag-singil ay kailangan upang mabawi ng kumpanya ang kanilang mga “under recovery” mula 2008 na umaabot umano sa P18 billion.
Matagal na daw dapat ipinatupad ang rate adjustment, ngunit ito’y kanilang pinagpaliban.
Sa petisyon, nais ng Meralco na itaas ang kanilang distribution, supply at metering charges sa average na P1.7056 kada kilowatt hour (kwh) para sa taong 2012 mula sa average na P1.6464 kada kwh para taong 2011.
Habang sa taong 2013 nais ng kumpanya na itaas din ang kanilang distribution, supply at metering charges sa P1.7686 kada kwh habang P1.8349 kada kwh sa taong 2014 at P1.9036 kada kwh naman sa taong 2015.
(Abante Online, Friday, September 3)
PINAY PINATAY NG ASAWANG KANO SA IDAHO
Namatay ang Pilipinang si Florence Madrinan-Stone matapos barilin ng kanyang asawang si Chris Allen Stone.
Si Stone ay dinakip na at sinampahan ng kasong second-degree murder.
Nakita ng mga nagrespondeng pulis ang duguang katawan ni Madrinan-Stone na nakasalampak sa likod ng isang mini-van sa driveway ng kanilang tirahan.
Napagalaman na nangyari ang pagbaril habang matinding nag-aaway ang magasawa . Pinahayag ni Stone na nabaril niya ang esposa sa pagtatanggol sa sarili dahil una daw itong nagtangkang saksakin siya.
Ayon sa mga kamaganak ay hiwalay na ang mag-asawa at kasalukuyang kumukuha ng divorce nang mangyari ang pagpatay.
Sinasabing umigting daw ang galit ni Stone ng sabihan siya ni Florence na kagustuhan lang makakuha ng green card and nagbunsod sa kanyang pakasalan ang lalaki.
Sampung taon na silang magasawa at may dalawang anak.
Si Florenca ay tubong Zamboanga del Norte.
(Pilipino Star, Thursday, September 2)
MGA ‘REPERCUSSIONS’ NG LUNETA HOSTAGE TAKING
Maari daw sampahan ng administrative case ang mga pulis na nagpakuha ng souvenir na larawan sa harap ng tourist bus na na-hijack nuong Agosto 23 --isang pangyayayaring nauwi sa malaking trahedya -- at matapos magpakuha ay pinalabas pa ang mga larawan sa Facebook.
Sinabi ni NCRPO Chief P/Director Leocadio Santiago na ang mga naturang pulis na ngayon ay tinatawag na “Facebook cops” ay posibleng makasuhan ng paglabag sa Code of Ethics ng PNP na may parusang pagkakasuspinde at demosyon kapag napatunayang may sala.
Samantala, sa Aklan, pinagbawal na ng Provincial Police Office (APPO) sa mga pulis ang maki-angkas sa mga tourist bus mula sa kapitolyo ng Kalibo patungong Caticlan Port na siyang daan patungong Boracay Islands.
Ang direktiba ay ipinalabas ni APPO Director Sr. Supt. Efipanio Bragais kung saan ipinarating na rin niya ang mensahe sa mga bus operators na huwag payagan ang mga pulis na maki-angkas sa mga tourist bus. Dapat din daw ay umiwas ang mga bus na magpasakay ng kahit sino upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga turistang nakasakay dito. Pinaalala pa din na ang mga police checkpoint lamang ang puwedeng makapagpahinto sa isang bus.
Nakagawian na daw ng mga pulis ang maki-angkas sa mga tourist bus upang makatipid sa pamasahe. (Pilipino Star, Thursday, September 2)
Sa kabilang dako, ang pagkumpirma sa Kongreso ng appointment ni DILG Secretary Jesse Robredo ay maaring manganib dahil din sa nangyaring trahedya sa Luneta. Sinabi ni Senador Francis Escudero, miyembro ng Commission on Appointments, na ipasasailalim si Robredo sa masusing pagtatanong tungkol sa kanyang papel sa hindi matagumpay na pagligtas sa mga turistang hostages na taga-Hongkong.
Dinagdag ni Escudero na pati ang mga miyembro ng Communications Group ni Pangulong Noynoy Aquino ay hihingan ng mga sagot sa maraming katanungan tungkol sa nangyari. Kabilang dito si Sekretaryo Edwin Lacierda, Sonny Coloma, at Ricky Carandang. Nakasalang din ang appointment ng tatlo sa Commission on Appointments. (Philippine Daily Inquirer, Friday, September 3)
NAGTATAMPISAW SA BONUS ANG MGA TAGA-MWSS, NAPAGALAMAN SA SENADO
Sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on finance na pinamumunuan ni Sen. Franklin Drilon, inamin ni MWSS OIC Engr. Macra Cruz na ang MWSS, mula sa rank and file hanggang sa chairman at miyembro ng board, ay nakakatanggap ng 25 iba’t ibang uri ng bonus isang taon, bukod pa sa buwanang sueldo.
Nariyan ang anniversary bonus na tinatawag nilang “Bigay-Pala;” midyear financial bonus; year-end financial bonus; productivity bonus; CNA bonus; performance bonus; GOCC incentive bonus; educational assistance bonus; rate rebasing bonus; privatization financial assistance; efficiency incentive benefit; performance enhancement incentive; corporate Christmas package; traditional Christmas bonus; calamity financial assistance; scholarship allowance at family week allowance. Bawat isa sa 25 bonus na ito ay katumbas ng isang buwang suweldo.
Sinabi pa ni Cruz na lahat ng bonus na ito ay aprubado ng board of trustee ng MWSS ngunit napagalam din na mismong mga miyembro ng board ay tumatanggap din ng kanilang inaprubahang bonus.
Ibinunyag naman ni Commission on Audit (COA) assistant commissioner Jaime Naranjo na “for the year 2009, of the P242 million bonus granted to MWSS personnel and employees and officers, P156 million has been disallowed in audit.”
(Abante Online, Wednesday September 1)
TUMAAS NA NAMAN ANG HALAGA NG LPG
Sinabi ng pangulo ng LPG Marketers Association (LPGMA) na si Arnel Ty na tumaas na, simula ngayon, ang halaga ng liquefied petroleum gas sa halagang P2 kada kilo.
Tumaas din daw kasi ang contract price ng LPG sa world market sa halagang $55 kada metric ton.
Kung tutuusin, sabi pa ni Sy, P2.70 dapat ang lokal na dagdag sa presyo ngunit minabuti na muna ng LPGMA na ilimita ito sa dalawang piso.
Gayunpaman, aminado si Ty na maari pang magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng gas na gamit sa pagluluto sa mga susunod na buwan.
(Abante Online, Tuesday, August 31)
“PILIPINAS, BANSA NG MGA BAYANI” – Pnoy
Sa kanyang talumpati sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, tinangka ni Pangulo Noynoy Aquino na palakasin ang loob at pag-igtingin ang pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino.
“Tayo ay bansa ng mga bayani,” sinabi niya habang inalala ang kabayanihan ng mga Pilipinong nag-alay ng buhay sa paglaban sa mga dayuhan ng panahon ng Kastila at Hapon. Binanggit din niya ang pagka-martir ng kanyang sariling amang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Hinimok niya ang mga kasalukuyang mamamayan ng Pilipinas na magpakabayani din – at magagawa ito nang hindi magdadanak ng dugo. Ang pagigiging isang mabuting mamamayan ay maituturing na ding pagpapakabayani, dagdag pa niya. Tigilan na daw ang pagmamaramot at ang isipang “kanya-kanya,” pati na din ang panininisi sa ibang tao sa mga nangyayaring masama sa bansa.
(Philippine Daily Inquirer, Monday, August 30)
80 LIBONG TAGA-HONGKONG NAGMARTSA, NAGPROTESTA
Tinatayang 80 libong mamamayan ng Hongkong ang nagmartsa sa kanilang lansangan kahapon, Agosto 29, upang parangalan at hingan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang walong kababayang turista sa Pilipinas sa isang pagha-hijack ng bus sa Maynila noong Agosto 23 na nagtapos sa trahedya.
Kinondena nila ang gobyernong Pilipinas sa tinanatawag nilang palpak at di propesyonal na pamamaraang ginamit upang maligtas ang mga turistang ito sa kamay ng hostage-taker, ang dating Senior Inspector Rolando Mendoza.
Ang dami daw ng nagmartsa ay nagpapatunay kung gaano kasidhi ang galit ng mga taga Hongkong sa nangyaring kapahamakan ng kanilang kababayan sa Pilipinas.
Sinabi ng isang survivor na turista, si Lee Ying-chuen, na naisip nilang maari nilang pagtulungan si Mendoza ngunit hindi nila ginawa, dahil sa umpisa diumano ay nagpakita ito ng kabaitan at nangakong pakakawalan sila kinahapunan. “Kung hindi namin hinintay ang mga pulis at nagsagawa ng lang kami ng aming sariling hakbang, maaring iba ang kinahinatnan.”
Ang mga nagorganisa ng protesta ay nakiusap na huwag idamay sa galit ng mga taga Hongkong ang mga Pilipinong nagtatrabaho at nakatira duon, lalo na ang mga domestic helpers.
Wala pa namang ulat na may mga nangyari nang hindi dapat sa mga Pinoy sa Hong Kong.
(Philippine Daily Inquirer, Monday, August 30, page 1)
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









