The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
Feb 09
Home Features Buhay Pinoy Features Buhay tambay: dapat munang maligaw bago mahanap ang tamang landas

Buhay tambay: dapat munang maligaw bago mahanap ang tamang landas

tambayan“SAN TYO NGAUN?” text ko sa kaibigan bago magtakipsilim ng Biyernes. All-caps para alam niyang kailangan ko agad ng sagot, at jejemon-speak dahil tinatamad akong mag-text nang matino.

“Anubaarz trip m?” sagot niyang may pagka-bekimon. Talagang kailangan ng ganitong tanong bago pumili ng lugar na pwedeng tambayan.

Ang artikel daw na ito ay tungkol sa mga lugar na madalas tambayan ng kabataan ngayon, pero hindi ito madaling isulat. Hindi iisa ang mukha at karakter ng kabataan. Sa Maynila pa lang, may libu-libong itsura at trip ang mga tao at doble siguro nito ang dami ng pagpipiliang pwedeng tambayan.

Ang pagpili sa lugar na pwedeng tambayan ay nakadepende sa oras ng pagtambay, kung sinu-sino ang kasama, kung magkano ang kayang gastusin, at kung ano ang trip.

UMAGA

Food Trip – Matakaw ang mga bata, mahilig kumain. Hindi pa uso ang diyeta-diyeta dahil lumalaki ka pa naman. Lamon lang, lalo na kung minor de edad ka pa at bawal pa ang yosi at alak. Bawiin na lang sa kain. Maliban sa masarap talaga chumibog, dahilan din ito para magkita-kita ang tropa, magkwentuhan at tawanan. Hindi kailangan sa mamahaling restaurant. Kahit karinderya, pwede na. Tipong, kahit sinkwenta pesos na lang ang nasa bulsa, pwede pa ring mabusog.

Kape-trip/porma-trip. Saan pa ba tumatambay ang kabataang gustong magpatalbugan ng kani-kanilang mga porma, nagkukunwaring walang pakialam sa mundo habang humihigop ng mamahaling kape? Saan pa kundi sa Starbucks (o sT4rRbUkcZz). Wala rin itong masyadong pinag-iba sa mga restaurant na tatambayan sa food trip. Ang pagkakaiba lang, mas mahal dito, pero mas ‘cool’ ang dating mo.

Shopping trip. Wala na sigurong mas masaya pa kaysa makahuthot ng pera mula sa mga magulang dahil wala ka pang trabaho at madalas ‘kapos’ ang baon mo kahit hindi naman talaga. Tipunin ang girlfriends at sumugod sa mall. Pasukin ang mga tindahan at sukatin ang mga damit kahit wala kang balak bilhin. Ang yugtong ito ng buhay mo ay panahon ng ‘discovery’ at ‘awakening’ – panahon ng pagsubok sa mga porma at imahe na balang araw ay aakuin at paninindigan mo bilang bahagi ng iyong identidad.

Girl/boy scouting trip. Sa mall din ito ginaganap, pero sabi sa akin nangyayari rin daw ito sa mga parke at liwasan. Kung saan madalas tumambay at mamasyal ang kabataan, tiyak doon din sila pwedeng panoorin. Ngitian ang mapapadaang pogi/cute at makipag-flirt gamit ang mga mata. Komplikado ang kagubatan ng kabataan, at sabi nga ng pelikulang Mean Girls, ang mall ang maituturing na ‘watering hole.’ Dito matututunan ang mga uso at hindi uso, at kung paano makibagay sa ibang tao. Tutal, ang pagiging bata/ teenager ay tungkol din sa rumaragasang libido kaya huwag nang ikahiya na ginawa/ginagawa/gagawin mo ito.

Laro-trip. Sa mga video game arcade ng mall, maraming mga bata. Hindi mga walang-muwang na bata, kundi mga barkada ng teenager, nagpapasiklaban sa Guitar Hero, Dance Dance Revolution, at Time Crisis. Tribu-tribu ang mga bata doon, kahit tuwing oras ng klase. Ingat lang dahil uso dito ang makupitan ng wallet o cellphone kapag masyado nang intense ang labanan sa Street Fighter.

Laro-trip (version 2). Hindi ko tiyak kung uso pa ang tumambay sa video game arcade, dahil noong huli akong bumisita doon, hindi pa rin nauuso ang computer shop. Ngayon na nagkalat na ang mga computer shop, dito na lang tumatambay ang kabataan para maglaro ng Left 4 Dead at Team Fortress. Mas masaya pa dahil kahit sampu kayo, makakapaglaro ang lahat nang sabay-sabay.

Laro-trip (version 3). Katulad ng trapik sa EDSA at ang paniniwala sa pasma, ipinamana ng naunang henerasyon ng kabataan ang pagtambay at paglalaro sa mga bilyaran. Bago ang video game arcade at computer shop, ang friendly neighborhood bilyaran ang pinupuntahan ng kabataan tuwing nagku-cutting classes. Mas mura pa dito at wala masyadong nakikialam kung naka-unipormeng pang-eskwela sa oras ng klase. Ang anumang kalokohang ginagawa ng mga bata ngayon ay napagdaanan na ng matatanda.  Laging tandaan: bago ang lahat, luma muna.

GABI

Nagbabagong-bihis ang lunsod tuwing gabi, at marahil nag-iiba rin ang trip ng kabataan. Nagsasara na ang mga mall, pero may ibang mga computer shop na bukas bente-kwatro oras. Gayon pa man, sa gabi lang nagbubukas ang ibang mga pwedeng tambayan ng kabataan sa dis-oras ng gabi hanggang madaling araw, habang naghihintay ang mga magulang sa bahay, handang bulyawan ang mga supling na hindi pa dumidiretso pauwi.

Inuman-trip. Ang pinaka-karaniwang trip ng kabataan pagkagat ng dilim. Karaniwang idinaraos sa mga bar na hindi masyadong mahal pero hindi rin masyadong mura. Kung may bucket promo, o buy-2-take-1, o may libreng pulutan kada anim na bote, malamang sa malamang dito dudumog ang kabataan. Huwag na masyadong masamain ang pag-iinom o paglabas lampas curfew. Hindi naman nangangahulugan na may ginagawang masama ang mga teenager—nagkakasayahan lang. Kung masobrahan sa inom, susuka din yan. Kung malasing habang kasama ang mga kaibigan, tiyak may magmamagandang-loob na iuwi siya. Di bale na ang sumuka, wag lang sumuko.

Inuman-trip version 2, plus artsy-trip. Pantay-pantay man ipinanganak ang tao, hindi nangangahulugan na pantay ang lahat ng trip. Maliban sa kwentuhan kasama ng barkada, may ibang kabataan na mas gustong makinig sa tula o tumingin sa mga painting habang tumutungga ng beer. Sakto naman na may mga bar para dito tulad ng Conspiracy bar sa Visayas at Mag:net Café sa Katipunan.

Inuman-trip version 3, plus porma/weirdo trip. Minsan, mahirap intindihin ang trip ng kabataan. Hindi mo alam kung galit ba sila sa mundo o sadyang weirdo. Rebelde ba o nagrerebelde lang? Anuman ang trip mo, basta hindi ka kumbensyonal o pangkaraniwan, baka makahanap ka ng sarili mong sulok sa Cubao X kung saan iba’t iba ang trip. Doon nagtitipon ang mga graffiti artist, ang mga mahilig sa komiks, ang mga musikero, ang mga filmmaker at mahilig manood ng film, ang mga emo, mga hippy, mga punk, mga hipster—iba’t ibang kulay at hugis ng kabataan. Sa gitna ng lahat ng ito matatagpuan ang Mogwai, lugar na pwedeng magtipon-tipon ang iba’t ibang klase ng kabataan para mag-inuman.

Inuman-trip version 4, plus sound trip. Kapag bata ka, napakahalaga ng musika. Mula sa cool na itsura ng mga banda, hanggang sa mga awiting soundtrack ng ating bawat heartbreak, malaki ang papel ng musika sa paghubog ng identidad ng kabataan. Sakto naman na may mga bar kung saan madalas tumutugtog ang iba’t ibang banda, anuman ang musikang trip mo.

Inuman-trip version 5, plus sound trip version 2. Baka naman hindi sapat ang makinig lang ng musika. Baka naman mas trip mong ikaw mismo ang bumirit sa mikropono. Para saan pa ang mga videoke bar na bukas hanggang madaling araw? Dito masaya magtipon-tipon ang barkada at magpakawala, sabay-sabay sa pagkanta ng mga anthem ng ating panahon.

Anu’t ano man ang trip at tambayan ng kabataan ngayon, tinatahi ito ng iisang hibla—halos lahat ng matatambayan ay malayo sa mga magulang. Hindi ito nagkataon, sadya talaga ito. Ang pagiging bata/ teenager ay panahon ng pag usbong bilang mga indibidwal. Panahon ito ng paghahanap ng kanya-kanyang trip o identidad, at mahalaga ang panandaliang paglayo mula sa pugad at sa mapagmatyag na mga mata ng mga magulang. Sa isang banda, alanganin ang yugtong ito ng buhay— papunta na sa tanda kaya pwede nang magloko, pero bata pa rin kaya pwede ring masaktan. Pero ganoon talaga yata ang buhay: kailangan munang maligaw para mahanap ang tamang landas.


Photo: “Go Fly Kite! Day” by Norhendra Ruslan, c/o Flickr. Some Rights Reserved


Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer