O, nakaalis na pala si Gus! Parang kelan lang, ipinagtatanggol ko pa siya kasi kung ikaw ang masusunod, sana di na lang siya dumating. Parang di ko naman siya naramdaman, kaya sigurado akong di mo rin namalayang dumaan na pala siya.
Jingle bells, jingle bells… jingle all the way…
Aba, at bakit may jumi-jingle bells na? Ahhhh… oo nga pala. Nandito na kasi si Seppy, ang pinakamatanda sa “ber” siblings. Sigurado ako me narinig ka nang Christmas song sa araw na ito, no. Kung wala pa, sigurado rin akong tumutugtog na ang Jingle Bells sa ulo mo ngayon.
Simula nang magkaroon ako ng kamalayan sa mundo, iba na ang dalang damdamin sa unang araw pa lang ng pagpasok ni Seppy. Noong ako’y nasa grade school pa, tandang-tanda ko na sa unang araw pa lang ni Seppy, ang gumigising na sa akin sa madaling araw ay ang mga awiting pam-Pasko na pinatutugtog ng yumaong broadcaster na si Rafael Yabut. Taon-taon yan, hanggang sa panahong hindi ko na kailangang gumising nang ganoon kaaga, si Ginoong Yabut ang unang-unang nagpaparamdam sa akin ng pagdating ni Seppy.
Masigasig din ang nanay ko na magpatugtog ng Christmas songs pag nandiyan na si Seppy. Noong uso pa ang plaka o vinyl records, malinis na at nakahilera sa unahan ng rack ang mga Christmas albums ng Four Aces, Ray Connif, at The Chipmunks.
Marahil katulad ko, halo-halong emosyon din ang dulot ng pagpasok ni Seppy sa bawat taon sa marami sa inyo. Noong ako’y musmos pa, excited na ako pag nakarinig na ako ng Christmas songs. Ibig sabihin nito, sa konting panahon na lang, magkakaroon na muli ako ng bagong damit, bagong sapatos at maraming regalo.
Noong ako’y magdalaga, doon na pumasok ang kakaibang pakiramdam. Tila ba di kumpleto ang pagparada ng “ber” siblings kung wala akong kasamang boyfriend. At doon sa mga taong wala akong ka-holding hands, parang ayoko nang makita pa sina Seppy, Oki, Nova at Deck.
Nang naging ina naman ako, panic na ang nangingibabaw pag dumating na si Seppy. Baka hindi ako makaipon nang sapat para maging masaya at memorable ang Pasko para sa anak ko.
Mayroon ding mga taong lungkot ang dala ni Seppy at ng kanyang mga kapatid na “ber”. Sabi nga nila, hindi araw-araw, Pasko. Damang-dama ko ito nung unang taong di namin kasama ang tatay ko pagkatapos niyang mag-abroad. Inisip ko noon, paano kami makikipag-inuman ng tatay ko kay Deck, ngayong napakalayo na niya?
Ano nga ba ang pinakamagandang gawin ngayong kasama na natin si Seppy at sa di kalayuan, kasunod na niya sina Oki, Nova at Deck? Dalawang schools of thought lang siguro yan.
Una, magkaroon tayo ng focus: ang pagbuo sa ating isip ng isang bagay o estado na gusto nating makamit. Kasama na rin dito ang pagde-desisyon kung kailan natin ito gustong makamit. Malamang yan din ang maari nating gawin: tutukan si Deck at simulan na, kasama si Seppy, ang paghahanda sa pagpasok ni Deck. Ito na marahil ang nakagawian ng marami sa inyo, na si Seppy ang kasama sa Christmas shopping. Si Seppy na rin ang naghuhudyat na unti-unti nang magtabi ng pera para paghandaan ang paggastos kay Deck.
Aaminin ko na kahit taon-taon ko itong binabalak gawin, minsan lang ako nagtagumpay. Siguro hindi lang talaga swak ang ganyang kasanayan para sa akin. Kahit na feel na feel ko na ang presence ng “ber” siblings, dahil na rin siguro sa kasalatan sa sapat na pondo, di ko magawang agahan ang pagpa-plano sa pagpasok ni Deck.
O baka naman mas mainam na, para maiba naman, subukan nating wag maging masyadong excited. Kumbaga, take it a day at a time. Minsan kasi sa sobrang kaiisip natin sa pagdating ni Deck, nagkakaroon tayo ng sakit sa nerbiyos. Paano ba naman, dahil maaga mong sinimulan ang iyong listahan ng mga reregaluhan, pahaba na ito nang pahaba habang papalapit na si Deck. Kaya iniisip mo pa lang, pulubi ka na. Kung kakalimutan mo muna si Deck dahil sa totoo naman si Seppy pa lang ang kasama mo, pag nandiyan na siya at Pasko na, yung tunay na malalapit na lang sa iyo ang maaalala mong regaluhan. O di naka-menos ka pa sa gastos.
Pag pumarada na ang “ber” siblings, sa panahong ito rin natin laging napapatunayan na napakabilis ng panahon. Taon-taon yan, tiyak na pag pasok ni Seppy, sariwang-sariwa pa sa alaala natin nung huling nakasama natin ang magkakapatid na “ber” na ito. At saka natin maiisip, saan na nga ba napunta ang mga lumipas na araw at buwan? May mahalaga ba akong na-accomplish nung mga panahong iyon? Kaya mainam rin sigurong subukan naman nating namnamin muna ang bawat araw sa piling nina Seppy, Oki, Nova at Deck. Huwag nating hayaang liparin lang sila ng hangin nang wala tayong nagawang tatatak talaga di lang sa puso’t isip natin kundi sa kamalayan din ng mga taong makabuluhan sa atin.
Ano man ang dalang kahulugan ng unang araw na ito ni Seppy sa inyo, sa palagay ko ang pinakamahalaga ay ang pagaalaala natin sa pinakaimportanteng araw habang nandiyan si Deck. Ang lahat namang ng hullaballoo na ito ay ang pag-aabang natin sa papalapit nang araw ng Pasko. Ang kahulugan ng araw na ito ay hindi dapat nalulunod sa materyalismo at pagpapakasasa sa mga aliw ng mundo. At kahit na sabihin pa ninyong baduy, ipagdidiinan ko pa rin na ang pinakamahalaga ay ang pagaalaala natin na mayroong isang nilalang na minsan sa kasaysayan ng tao ay isinilang para mamatay upang mailigtas tayo sa ating kasalanan. Nitong mga nakaraang ilang taon, yan ang lagi kong pinipilit isa-isip at isa-puso sa tuwing papasok si Seppy. Higit sa magagandang alaala ng masasayang “ber” months ng ating buhay, naliwanagan ang aking puso at isip na mas mahalagang alalahanin ang pinagmulan ng salitang Christmas. Subukan nyo rin kaya? Baka yun lang ang makakapag-pagaan ng anxieties ninyo pag dumarating na si Seppy at ang kanyang mga nakababatang kapatid.
Photo: “IMG_0928” by Paulo Ordoveza, c/o Flickr. Some Rights Reserved
___
* Ang may-akda ay isang propesyonal sa larangan ng broadcast communication na kailan lang napagbigyan ang kanyang hilig sa malikhaing pagsusulat. Siya ay isang single mother na mahilig maghanap ng iba’t ibang raket para maitawid nang matiwasay ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









