The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
Feb 09
Home Features Buhay Pinoy Features So they'd know whether to plug or unplug: buhay na habilin

So they'd know whether to plug or unplug: buhay na habilin

intravenous_injectionNang mamatay ang aking best friend na si Arthur, nang madama ko kung paanong nagdusa ang kanyang pamilya noong kanyang mga huling araw, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko papayagang mangyari ito sa aking mga mahal sa buhay pag ako'y nakapila na sa dakilang pre-departure area ng buhay. 

Si Arthur ay mahigit na kuwarenta anyos lamang nang dalhin sa ospital na agaw-buhay, biktima ng traydor na hemorrhagic stroke. Massive daw ito -- ang mula sa utak na pagdudugo ay umabot hanggang batok. Tatlong araw na walang malay o nasa coma si Arthur; ang humihinga para sa kanya ay isang artificial respirator.

Ikalawang araw nang magsimulang magtalo ang kanyang asawang si Beth at ang mga kapatid niyang babae kung tatanggalin o pababayaang nakakabit si Arthur sa makinang siya lang nagpapatibok ng kanyang puso.  Hindi sila nagkasundo, kahit binalaan na sila ng mga doktor na kung sakaling mabuhay pa siya, hinding hindi na babalik ang dating si Arthur na matalino, mapagisip, mapagbiro, masiste, malambing, masipag, maaalalahanin-- bagkus mananatili lang sa isang estadong walang malay at hindi kayang tulungan ang sarili.  Sa Ingles, "vegetative state."  Mala-gulay.

Lihim ko siyang pinalakpakan nang si Arthur na mismo ang nag-desisyon para sa sarili niya.  Huminto siya sa paghinga kahit nakaplug-in pa din sya sa breathing machine sa ospital.  "You go, boy," bulong ko sa kanya.  Ikatlong araw noon ng kanyang pagkalugmok. 

Matagal ko ding pinagluksa si Arthur.  Wala na akong makikitang kaibigang lalaki na kasing-bait at kasing-sensitibo niya.   Pambato siyang lecturer sa opisinang pinapasukan namin kapwa, ngunit wala lang sa kanya ang papuri, walang ere, walang yabang.   

Napraning ako para sa sarili ko dahil sa nangyari sa aking best friend.  Lumuhod,  nagnobena, nagdasal, umiyak.  Sinabi ko sa Kanya na handa akong gawin ang kahit ano, ipamigay ang lahat ko, “basta, Lord, pag time is up na para sa akin, bawiin mo ako nang mabilis at kung maari’y walang gaanong kirot at kuskos-balungos. At pinaka-mahalaga, Lord, huwag mong pahirapan ang aking mga anak at asawa.” Gusto kong makipag-negosasyon, makipagareglo sa aking Diyos -- x-deal kung maari. Ngunit, pwede ba talagang makipag-bargain sa Lumikha?

Tutuo ngang binibigay ni God ang lahat ng ating pangangailangan, dahil hindi nagtagal, napag-alaman ko na meron palang tinatawag na living will.

Buhay na habilin. O habilin ng isang buhay. 

Maraming katulad ko. Mga taong hindi naman talaga kailangang magpagawa sa abogado ng huling habilin  tungkol sa kanilang ari-ariang maiiwan, dahil halos wala namang yamang naipundar.

Ni isang pirasong alahas nga wala ako … yung tunay, ha, na tinatanggap sa bahay-sanglaan. Puwera biro, ako lamang ang babaeng kakilala ko na hindi mahilig sa pakislap. Noong una, sinasabi ko lang iyon, na hindi ko “type” – para bagang may pailalim na mayabang at esentrikong dahilan bakit wala akong brilyantitos at dyamantitos na sa tunay lang ay di ko lang naman talaga “afford.” Ngunit, tutuo yata yung “fake it fake it till you make it,” dahil sa ngayon wala na talagang halina sa akin ang mga hardware na may karat, kahit na nga may puwede nang magregalong anak na lumago ang kabuhayan.

Ang alam ko lamang na  maaring paghatian ng aking mga naiwan ay isang dosenang daily journal na wala namang halaga kundi marahil sa kanilang puso at alaala. Pero teka, wala na din pala, dahil lahat ng aklat at kuaderno sa bahay, inanod na ni Ondoy na noong isang taon ay binasa, binaha, pinutikan, at pinadilim ang buhay namin.

Aaminin ko.  Hindi naman masyadong tutuong wala akong maiiwan -- may maliit na bahay at lupang kinatitirikan ng bahay, platong Pyrex, kubyertos na pilak, silya’t aparador, ngunit, pasensya na, walang piyano (with apologies to Jose Corazon de Jesus, ang makatang lumikha ng walang-kamatayang Ang Pamana).  Pero, alam na alam ko, wala sa aking mga anak ang mag-aagawan o maglalamangan, bagkus mahihiya pa ang ibang makisali o makipagsiksikan.

Pero kaiba ang living will. Hindi ito tungkol sa lupa, bahay, piyano, alahas, at iba pang puwedeng ipagbili o isanla.

Ang living will ay isang habilin, habang ang isang tao ay malakas pa at nasa tamang pag-iisip, kung ano ang tanggapin niya o tatanggihan kung sakaling siya ay magkasakit nang malubha at mawalan ng malay at ng kapangyarihang magsabi ng "sige" o "ayoko" sa mga gamutang mangyayari sa loob ng ospital. 

Sa wikang Ingles: a living will is a legal document that a person uses to make known his or her wishes regarding life- prolonging medical treatments. It can also be referred to as an advance directive, health care directive, or a physician's directive. It is important to have a living will as it informs your health care providers and your family about your desire for medical treatment in the event you are not able to speak for yourself.

A living will does not become effective unless you are incapacitated simply because until then you'll be able to say what treatments you do or do not want.

(Sa mga interesado, makikita onlayn ang isang halimbawa o template ng living will.)

Sinulat-kamay ko ang aking living will. Dito sinabi ko na:

  • Ayaw ko ng artificial respirator, force-feeding tube, at iba pang makina o device na pipilitin lang akong huminga ngunit hindi naman ako kayang hanguin mula sa “vegetative state.”
  • Gusto ko ng oxygen intervention, blood transfusion, intravenous medication at iba pang sustenance ngunit hanggang lamang malinaw pa na maari akong gumaling at magbalik sa normal.
  • Ayaw ko ng mga bisita sa ospital o sa bahay, maliban sa aking tunay na malalapit na kamaganak at  kaibigan, kung ako ay walang malay o “comatose.”
  • Ayaw ko ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) kung sakaling tumigil nang tumibok ang puso ko kung pagkatapos nito ay hindi ko naman mababawi ang dati kong pag-iisip at kakayahang pisikal.

Pinanganlan ko ang isang proxy na mamamahala ng gamutan para sa akin habang ako’y walang malay. Ito ang aking anak na babae na doktora na ngayon. Hindi ko pa lang siya nabibigyan ng power of attorney.

Sinabi ko din sa aking living will ang aking mga bilin tungkol sa cremation, funeral service at wake, organ donation, at iba pa.

Sabi ng abogadong nakausap ko, mas maganda kung naka-notarize ang living will. Ngunit, may bisa daw ng batas kahit walang notarial stamp kung ito'y sinulat kamay.

Sinabi din niya na dapat bigyan ng kopya ang dalawang taong lubos kong pinagkakatiwalaan upang mas makatiyak na susundin ito.

Isang mahalagang dokumento ang living will na dapat ay igalang ng kahit sinong pamilya at doktor, ang sabi pa niya.

Nguni’t ang hirap … dito sa atin, sa pamilyang Pinoy, papansinin ba ang buhay na habilin?

Hindi ba malamang, mas gugustuhin nating pahabain ang buhay ng ating mahal sa buhay na maysakit, pikit mata,  sa anumang paraan at anumang kahihinatnan (mala-gulay man o normal o tsugi din)  – kahit tayo'y masaid sa pagod, sa pasakit, sa gastos? Gusto man niya o hindi. 

Hay, naku!

 


Photo: “点滴” by Ryo, c/o Flickr. Some Rights Reserved

___

Anna Manila, two years retired from government service, edits POC’s Buhay Pinoy Channel.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

merck 06 September 10, 08:39 AM
This article is creepy but written lightly.

Basta, let's just live each day to the fullest. Yun lang masasabi ko. :D
ever 06 September 10, 08:46 AM
yun lang ang pinakamahirap na desisyon...kahit na may kasulatan kung anu ang pwede, meron parin dapat!

wala nang hihigit pa na gawin ang lahat, anu man ang hirap nito, hanggat maari, kung pwede pa.siguro gagawin ko. at hindi ako susunod sa living will. pero pipilitin ko itong tanggapin.

bagkus, nasa Panginoon ang desisyon na sinangayunan ni Arthur ang iyong kaibigan.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer