noong kami'y na-teargas
buti nakaiwas
sa mga ahas, mga hudas
ako at aking tsinelas.” --Yano, Tsinelas
Sa mga gabing ito na humahalili ang lungkot sa antok, gusto kong maglakad.
Kahit saan, kahit di ko alam ang daan, pupuntahan ko. Hindi nagmamadali o nagmamabagal ang lakad, sa halip ay sumasabay sa pintig sa dibdib. Opsyonal ang pag-iisip. Hindi kailangan may kasama. Ako lang, at aking tsine—uh. Sapatos.
Pasintabi kay Abay at Gancio pero mas madalas akong makapudpod ng sapatos dahil hindi nagtatagal sa akin ang tsinelas. Kung hindi napipigtas, nananakaw ito sa dalampasigan. Kumbaga sa pag-ibig, ang tsinelas ang one-night stand. Maiiwan kang bitin pero hindi mo iiyakan.
Kabaliktaran naman ang sapatos. Bago bumili, pag-iisipang mabuti. Matibay ba, mukhang magtatagal? Maganda dahil uso, o maganda talaga? O panget pero mura. O mukhang aksayang ng pera. Aabot ka sa kompromiso—medyo mahal pero classic ang dating kaya laging uso. Matibay. Hindi masyadong masikip, hindi rin maluwag. Tamang higpit lang ang kapit. Alam mong hindi maiiwan o aalis kapag bigla kang tumalilis.
Bibilhin mo ang sapatos. Aalagan mo dahil pinag-ipunan mo, pero gusto mo ring ilabas ng ilabas para makita kayong magkasama. May kagat sa sakong pero masasanay ka rin. Masasanay rin ang sapatos sa paa mo, sa iyong bigat, sa kurba ng hinlalaki mong bumabaon sa swelas tuwing kumakaliwa ka.
Nalilihis ang usapan.
Tuwing humahalili ang lungkot sa antok, katulad ng gabing ito, gusto kong maglakad.
Kung saan man, para magtago, para makatakas. Pumapatay ng oras para makalimot o maka-alala. Naglalakad para mapagod, para pagbalik ko sa bahay, saktong dadalaw na ang tulog. Sa lahat ng ito, iisa lang ang kasangga ko. Kasa-kasamang madalas, ilang taong lumipas—ako at aking tsine—uh. Sapatos.
Kung makikita mo ito ngayon, hindi ka siguro mapapalingon. Bulok na ang sapatos ko, Nagnisnis na ang tahi sa gilid, may butas sa may sakong at bumubuka ang swelas. Kahit ilang ulit labhan, hindi na magmumukhang matino. Nakakahiya na raw suotin, sabi ng nanay ko.
Pero kung nakita mo ito noong bagong bili? Hindi ka pa rin siguro mabibilib. Walang pinag-iba sa libu-libong itim na Chuck Taylor na nakalat sa lansangan, maliban sa ilang maliit na detalye—ang kulay-pilak na munting pirma ni Kurt Cobain sa sakong at ang simbolo ni Batman na ginuhit ko sa uppers ng sapatos-- marka ng pagiging akin, ekstensyon ng pagkatao ko.
Dahil iyon naman talaga, hindi ba? Sa lahat ng pwedeng suotin—blouse, polo, t-shirt, jacket, pantalon, palda, make-up, hair gel—ang sapatos lang ang nagsasabi ng totoo. Kung bagong bili o hiniram lang, makikita agad sa lakad mo. Kung sanay ka na at sanay na rin ang sapatos sa iyo, kaya mong tumakbo kahit naka-stiletto.
May isang kwento, hindi ko alam kung totoo, tungkol sa mga botang pang-sundalo. Makapal raw at madalas sobra sa laki ng paa ang swelas ng bota para sakaling madestino ang sundalo sa liblib na lugar at mamulupot siya sa gutom, hihiwain lang niya ang labis ng swelas at iyon ang kakainin.
May isa pang kwento, ito alam kong totoo, tungkol sa Doc Martens na bota. Ang magkaroon ng Doc Martens, parang nagpa-amo ka ng dragon. Kapag pareho kayong nasanay sa isa’t isa, wala nang mas kumportable at maaasahang sapatos kaysa dito. Pero ang unang mga linggo ang pinakamahirap. Mamumulaklak ng paltos ang mga paa mo. Kailangan mo munang suotin ang DMs habang nagtatrabaho sa bahay—habang nagwawalis at nagmo-mop, habang nagbubunot. Habang nagpapaligo ng aso o hihuhugasan ang kotse. Kailangan mabanat ang leather sa kurba ng paa mo.
Ang sapatos ang isa sa mga palatandaan kung gaano na kalayo ang narating natin bilang mga tao. Pansinin ang posibleng pinakalumang sapatos sa kasaysayan ng tao, ang sandalyas na nahanap sa Oregon, US: may bahid ng pag-uuling sa kalingkingan— dulot marahil ng tao na lumapit sa apoy ng kanilang kweba para labanan ang ginaw o kaya para mapalapit sa ibang mga tao.
Luma man at bulok na ang sapatos ko, isinasalaysay ng bawat gasgas at butas nito ang kwento ng aking paglalakbay. Ang mansta sa gilid na hindi matanggal—galing sa dugong sumirit mula sa baboy na kinatay sa kasal ng kaibigan kong Igorot. Ang punit sa may lupi— sumabit sa basag na boteng nakatanim sa bakod ng bahay namin nang minsang kinandaduhan ako ng nanay ko. Ang naninipis na swelas sa sakong—marka na hindi madali para sa akin ang tumigil kapag tinutulak na ako ng momentum na tumakbo.
Pero tumatanda na ako. Dikta ng lipunan na hindi na pwede sa akin ang laging humahagibis. Tapos na ang kolehiyo, kailangan ko nang magtrabaho. Lipas na rin yata ang panahon ng bulok na sapatos ko. Hindi ko ito masuot tuwing may job interview dahil nakakahiya. Hindi rin ito papasa sa dress code ng opisina.
Pero hindi nagsisinungaling ang sapatos. Palihim kong pinapansin ang sapatos ng mga ka-opisina ko at ng importanteng mga tao na kailangan kong makilala sa aking trabaho. Makikinang at mukhang mamahalin. Walang gasgas at makakapal pa ang swelas. Mga Jimmy Choo at Manolo Blahnik—mga pangalang masyadong importante para humalik sa aspalto. Mga sapatos na hindi nilalakad, sa halip ay naghihintay sa bangketa para sunduin ng driver nila, o kaya mas sanay dumampi sa silinyador kaysa tumakbo. Mga sapatos na hindi ka sasamahang maglakad sa mga gabing tulad nito, kung kalian humahalili ang lungkot sa antok.
Kung may masasabi man ako tungkol sa sapatos ko, hinding-hindi niya ako binigong maiuwi ng ligtas kahit sumisirko na ang mga mata ko sa kalasingan.
Naisip ko minsan, paano kung isusuot ko ang bulok kong Chuck Taylors na may pirma ni Kurt Cobain sa sakong at natutuklap na ang swelas sa opisina kong may marmol na sahig? Papapasukin pa kaya ako? Matatanggap kaya nila ako? Maiintindihan kaya nila na hindi lang bulok ang sapatos ko, na marami na itong napagdaanan, na marami na akong napagdaanan? Di hamak mas marami kaming landas na nabaybay, at kung kwento ang bibilangin, mas mayaman kami kaysa sa kumikinang at mamahalin nilang sapatilya.
Ako, at aking tsine—uh. Sapatos.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









