The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Panukalang P125- dagdag sueldo atbpng samut-saring balita

Panukalang P125- dagdag sueldo atbpng samut-saring balita

newsapaper stack the week that was

Si Sarah Balabagan ngayon: Kilala si Kristo at tutulong sa mga OFW na na-trauma

May panibagong papel ngayon si Sarah Balagbagan, ang dating 15 anyos na Muslim na OFW sa United Arab Republic (UAE) na muntik nang mapatawan ng parusang kamatayan matapos niyang mapatay sa pagtatanggol sa sarili ang kanyang Arabyanong among nagtangkang gumahasa sa kanya.

Nang bumalik siya sa Pilipinas matapos makulong at maparusahan ng 100 beses na paglatigo, naging masalimuot ang kanyang buhay. Nag-aral siyang muli ngunit hindi nakatapos. Nagsubok siyang maging propesyonal na manganganta ngunit hindi naglaon ay naging dalagang ina. Nag-asawa siya ng isang musikero ngunit ang kasal na ito ay nagtapos sa diborsyo.

Ngayon si Sarah, 31, ay naglalalakbay sa maraming lugar sa Amerika bilang isang Christian inspirational speaker upang ibahagi ang kanyang mga naging karanasan.

Sa kanyang speaking tour, sinasalaysay nya kung paanong ilang beses niyang naisip magpakamatay ng panahong nasa bilangguan siya at ang sakit na tinamo nang hatawin ang kanyang likod ng isang daang ulit.

Sa Pilipinas, kahit pinilit niyang magpakasaya at makalimot, madalas pa ring bumabalik ang mapait na nakaraan at nakakaramdam siya ng matinding galit. Ang mang-aawit na si Dulce, na naging kaibigan niya, ang nagpakilala sa kanya kay Pastor Augusto Cesar Maribujoc na siya naming nagpakilala sa kanya kay Hesukristo na tulad niya ay hinataw sa likod at pinarusahan kahit walang kasalanan. Yun daw ang kanyang naging “turning point.” Pinanuod niya pagkatapos ang pelikulang “The Passion of Christ” na nagpadaloy ng kanyang luha. Pagkatapos ay sumama siya sa group counseling at unti-unting nawala ang kanyang galit.

Lininaw ni Sarah na hindi siya nagpapalit ng simbahan at hindi sumasamba sa mga rebulto.

Sa isang interbyu sa kanya kamakailan, sinabi ni Sarah na kasalakuyan siyang nagtatayo ng sarili niyang foundation na tutulong sa mga OFW na tulad niyang na-trauma. Sana daw ay makabalik siya sa Arabia, dagdag pa niya.

(Philippine Daily Inquirer, August 22)

 

Venus Raj: Malaki ang pag-asang maging Miss Universe

Maaring tapusin na ni Bb. Pilipinas Ma. Venus Raj ang tagtuyot ng Pilipinas sa timpalak na Miss Universe.

Maraming naniniwalang malaki ang pag-asa na sa wakas, itong taong ito, ay muling may maitanghal na Pilipina bilang pinakamaganda sa daigdig.

Nangunguna si Raj sa onlayn na botohan o polling sa Miss Universe beauty pageant website. Siya rin ang lumalabas na paborito o “llamado” sa dalawang international betting sites – ang Boyelsports at Paddypower.

Iba raw ang ganda at dating ni Raj – napakaliit ng baywang ngunit masagana ang dibdib at balakang. Isang propesyonal na modelo, mahusay siyang tumindig, maglakad, rumampa at mag-project. Kahalihalina din ang paghahalo ng Indyan at Pinay sa kanyang mukha at balat.

Punong-puno din ng tiwala sa sarili si Raj. Sa isang interbyu, sinabi niya na “mananalo ako” dahil naniniwala siyang ibibigay sa isang tao ang isang bagay na gustong-gusto niya.

(Philippine Daily Inquirer, August 21)

 

P125 dagdag-suweldo isusulong sa Senado

Ang panukalang batas na magdagdag ng P125 sa pang-araw-araw na sueldo sa pribadong sector ay muling isasalang sa Senado.

Ang Senate Bill No. 812 ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada na pinamagatang “The 125 Daily-Across-the Board Wage Increase Act,” ay naaayon umano sa nakasaad sa Konstitusyon na karapatan ng mga manggagawa na sumahod ng disenteng halaga -- isang karapatang mailap sa kanila dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng Piso at walang tigil na pagtaas ng halaga ng mga bilihin.

Mabagal umano ang pagkilos sa mga National Wages and Producti­vity Board Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Board na dapat ay siyang nagtatakda kung magkano ang dapat na minimum wage sa isang partikular na lugar o rehiyon.

Mas nais na umano ngayon ng sektor ng mga manggagawa na bumalik sa dating sistema kung saan isinasabatas ng Kongreso ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Ayon sa panukalang batas ni Estrada, ang P125 na umento ay hahatiin sa tatlong bigayan: P45 sa unang taon, na susundan ng P40 sa kasunod na taon, at isa pang P40 sa ikatlong taon.

(Philippine Star, August 21)

 

Rosa Rosal magbibitiw na sa Red Cross

Ang “institusyon” sa Red Cross na si Rosa Rosal ay magpapahinga na daw sa kanyang pagka-pinuno sa organisasyon na ito na ilang dekada din niyang pinaglingkuran.

Ang nababalitang ihahalili sa kanya ay ang sikat na radio brodkaster na si Korina Sanchez Roxas, na ginang ng dating Senador na si Mar Roxas.

Kung masusunod lang si Rosa Rosal, ang kanyang anak na si Toni Rose Gayda ang gusto niyang pumalit sa kanya, ngunit tumanggi naman si Gayda dahil mahirap daw pantayan ang nagawa ng kanyang inang paglilingkod sa Red Cross.

Hindi pa malinaw kung bakit tatalikuran na ni Rosal Rosal ang organisasyong naging halos kakambal na ng kanyang pangalan.

(Abante Online, August 19)

 

PNoy ayaw sa divorce, payag sa legal separation

Sa isang ambush interview, sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino na hindi siya ayon sa diborsyo bilang paraan ng paglusaw sa isang kasal. Sa halip, mas kinikilingan niya ang umiiral na batas sa legal na paghihiwalay (legal separation) na sa bandang huli ay mapapahintulutang muling ikasal ang isa o pareho sa dating mag-asawa.

Sa legal separation, mas mabusisi ang proseso ng pagsusuri ng mga kadahilanan sa paghihiwalay at hindi basta-basta mapapatid ang isang pagsasama sa isang mababaw na dahilan, hindi katulad ng divorce na “Las Vegas style” na puwedeng ikasal sa umaga at magdiborsyo sa gabi ang dalawang tao, dagdag pa niya.

Sinabi din niya na nauunawaan naman niya na sinumang magkahiwalay na mag-asawa ay dapat na muling mabigyan ng pagkakataong umibig at magpakasal muli sa iba.

Tumanggi ang Pangulong magkomentaryo tungkol sa paghihiwalay ng kapatid niyang si Kris Aquino sa basketbolistang si James Yap, upang hindi daw maimpluwensiyahan ang desisyon ng korte kung saan ang kaso ng paghihiwalay ng dalawa ay naisampa na.

Samantala, ikinukonsidera ng ilang mambabatas na maging halimbawa ang diborsyo na pinapayagan sa mga Muslim communities para maipatupad din ito sa mga Katoliko sa buong bansa.

(Abante Online, August 19)

 

Parusa ng Diyos ang mga kalamidad, paniwala ng maraming Pinoy

Galit ang Diyos kaya nangyayari ang mga baha, lindol, landslayd, at iba pang mga kalamidad, ito ang paniniwala ng marami-rami din namang Pilipino, ayon sa isang survey report na linabas kahapon ng Pulse Asia.

May 21 porsyento ng mga nasa-edad nang Pinoy ang naniniwala na ang mga di-magagandang nangyayari sa kalikasan sa bayan at sa mundo ay parusang galing sa langit, samantalang 14 porsyento ang nagsasabing ang mga kalamidad ay natural na proseso lamang.

Ngunit higit na nakararami ang naniwalang ang mga hindi magandang pangyayari ay resulta ng pang-aabuso ng mga tao sa kalikasan at sa kapaligiran.

Samantala, dalawang porsyento ang nagsabing hindi nila alam ang dahilan ng mga kalamidad.

Ginawa ang survey sa 1,200 na katao mula ika-1 hanggang ika-11 ng Hulyo.

(Philippine Daily Inquirer, August 17)

 

Panukala tungkol sa National ID, binuhay uli

Ang House Bill 131, na sinampa ni Rep. Al Francis Bichara ng Albay kamakailan, ay nagpapanukala ng pag-isyu ng tinatawag na VIP card na magsasaad ng lahat ng mahalagang impormasyon tungkol sa isang nakatira sa Pilipinas. Ang pag-isyu nito ay hindi sapilitan kundi para lang sa mga may nais, sabi ni Bichara.

Ayon sa mambabatas, ang card na ito ay magpapabilis ng lahat ng anumang transakyon ng isang mamamayan sa maraming sangay ng gobyerno gaya ng pagkuha ng pasaporte at drivers license. Makakatulong itong mabawasan ang abala at pang-aabuso sa mga may pakay sa gobyerno.

Magagamit din ito sa pag-apply sa serbisyo at benepisyong binibigay ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HMDF).

And card ay magsasaad ng mga sumusunod: pangalan ng mamamayan, permanenteng serial number, tirahan, araw ng kapanganakan, kasarian, taas at timbang, tipo ng dugo, presinto ng pagboto, barangay/bayan/lungsod/probinsya, at mga “special medical needs” ng isang naninirahan sa Pilipinas.

Noong panahon ng dating Pangulo Fidel Ramos unang napag-usapan ang pagkakaroon ng National Identification Card para sa lahat ng nakatira sa Pilipinas.

(Philippine Star, August 17)

 

Bukas na ang website ng ugnayang mamamayan-pamahalaan

Linunsad ngayong araw na ito, Agosto 16, ang Phase 1 ng Benigno S. Aquino III website kung saan ang kahit sinong mamamayang Pilipino ay maaring makipag-ugnayan sa mga opisyal ng pamahalaan, ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Head Herminio Coloma.

May link ang nasabing website, ang www.president.gov.ph, sa Facebook, Twitter, YouTube, Friendster at Multiply.

Itinatag ang website upang madaling makapagsabi ng kanyang puna o panukala ang isang Pilipino tungkol sa pamamalakad ng gobyerno. Sinasabing 16,000 na ang tumingin o bumisita sa naturang website mula nang ito’y binuksan.

Ang lahat ay inaanyayahang ilabas ang kanilang nasa isip tungkol sa pamamahala sa pamamagitan ng mga comment sa website.

Inaasahang ang Phase 2 ng website ay matatapos sa Oktubre at ang Phase 1 ay sa Enero 2011.

(Philippine Star, August 16)



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer