The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Choose your adventure: Good (?) things come to those who wait

Choose your adventure: Good (?) things come to those who wait

waiting_-_sculpture[Sabado, 2:03 ng hapon, MRT Shaw Blvd. Station]

Sariwang-sariwa kang dumating sa napag-usapang niyong lugar ng iyong katatagpuin. Dahil may kalayuan ang istasyon, maaga kang nananghalian, naligo, at nakaalis ng bahay para maaga-aga ka ring makasakay ng MRT. Ayaw mo nang nagmamadali. Ayaw mo nang natataranta.

Kung magiging eksakto, huli ka pa lamang ng tatlong minuto sa itinakdang oras ng pagkikita. Chillax lang, ang sabi mo sarili habang umaakyat ng escalator. Halos isang hikab lang naman ang tatlong minuto. Malayo pa ito sa kinse minutos na personal mong limit para sa katanggap-tanggap na pagkahuli.

(Tumuloy sa *2)

*2 [2:06 ng hapon]

Iginala mo ang paningin sa paligid. Hindi mo makita ang iyong katatagpuin. “D2 n ako,” ang text mo sa kanya. Naghintay ka pa ng ilang sandali. “W8, on d way n na trapik me,” ang sagot niya sa iyo. Lumingon ka sa orasan. “Oks, antay ako d2,” ang muling text mo sa kanya, kahit na may kutob kang tinanghali siya ng gising at kaaalis pa lang niya ng kanilang bahay. Pero magkaibigan kayo, o may kailangan ka sa kanya, kaya nagdesisyon kang maghintay.

Sa isang oras, darating na siguro iyon, ang tantya mo sa sarili. Ito na rin ang ibinigay mo sa kanyang sagad na palugit. Tutunganga ka sandali, at saka mag-iisip ng maaaring gawin upang palipasin ang oras.

Kung ang ginamit mong MRT ticket papunta rito ay:

(alinman sa walo mong STORED VALUE CARD, tumuloy sa *3)

(isang regular SINGLE JOURNEY TICKET, tumuloy sa *4)

(maglalakad ka sana pero NAKAPULOT KA NG TICKET, tumuloy sa *5)

*3 [2:19 ng hapon]

Pinagpapawisan ka na kanina sa istasyon kaya’t naisip mong magpalamig sa Shangri-la Mall habang naghihintay. Mabigat ang backpack mong bitbit ang iyong laptop, PSP, at iPad. Kanina ka pa paikot-ikot, hindi makapagdesisyon kung saan tatambay para gumamit ng Wifi. Malas at down kasi ang libreng service ng mall. Basta’t naisip mong kailangan mong makaconnect sa Internet para hindi ka mabagot. Kung tutuusin, maiksi lang ang sisenta minutos para mag YouTube, i-check ang iyong Facebook account, at gantihan ang hindot na umatake sa iyo sa Mafia Wars, kaya’t halos hindi mo mararamdaman ang oras na lilipas.

Sa wakas ay natumbok mo ang Starbucks malapit sa lagusan. Dito na muna ako, ang pasya mo sa sarili. Cozy, tahimik, at may iced espresso – wala ka nang hahanapin pa para tunay na maging relaxing ang paghihintay. Marami-rami rin ang tao sa loob, weekend kasi. May ilang nagmi-meeting, pero karamiha’y mga katulad mong pinapatay ang oras (habang nagsusunog ng pera).

Inilapag mo ang PSP, laptop at iPad sa mesa. Inuna mong gamitin ang iyong laptop, at binuksan mo muna ang twitter bago ang facebook: “Patiently waiting for someone @ starbucks shang. Good thing daming cute d2.”

(Tumuloy sa *6)

*4 [2:28 ng hapon]

Matatapos mo na sana ang isang chapter ng binabasang mong librong sinulat ni Bob Ong nang bigla mong naalalang kailangan mong bayaran ang bill ng kuryente na inutos sa iyo ng nanay mo. Mula sa istasyon, nagmamadali kang nagpunta sa Megamall. Hindi ka sigurado, pero ipinagpalagay mong maiksi lang ang pila sa Bills Payment sa department store. Sino naman ang magbabayad ng kuryente ng Sabado, ang pagtitiyak mo sa sarili. Kaya’t naglamyerda ka muna ng kaunti at nag window-shopping sa mga paborito mong boutique. Para sa bawat nakita mong gustong gamit, isinumpa mo sa langit na pag-iipunan mo ang mga ito.

Pagkatapos mong paglawayan ang matagal nang pinagnanasahang bagong labas na PSP, dumiretso ka na sa department store dahil wala ka nang ibang magawa. Mabuti na rin at hindi ka na naglakwatsa pa dahil sa haba ng pila sa cashier. Sakto lang, ang sabi mo sa sarili nang kalkulahin mo ang kakaining oras ng pila at ang natitirang oras bago dumating ang iyong hinihintay.

Muli mong binuklat ang libro mo gamit ang kaliwa mong kamay, habang ginamit mo namang pang text ang kanan. Nagsalitan ang dalawa mong mata sa pag-usad ng pila, sa mga pahina ni Bob Ong, at sa screen ng iyong cellphone.

(Tumuloy sa *6)

*5 [2:45 ng hapon]

Kanina pa kumakalam ang tiyan mo habang nakaupo’t naghihintay sa hagdanan ng istasyon. Maaga kang kumain ng pinag-isang almusal at pananghalian – kanin na may kaunting ampalaya’t sardinas – kaya’t binubutas na ang tiyan mo ng matinding gutom. Wala kang mabiling pagkain, walang malapit na simpleng bakery at masyadong mahal para sa iyo ang mga ibinibenta sa mga cart at kiosk.

Ayaw mong magpunta sa mall dahil baka dumating bigla ang iyong katagpo. Hindi mo na siya ma text dahil nag-expire na ang iyong sulitxt. Nababato ka na, at hindi na tumatalab ang kanina mo pang ginagawang pang-aliw sa sarili na pagmamasid sa paligid. Parang masama na ang tingin ng mga taong iyong nililingon. Nagmistula ka na ring sirang plaka sa paulit-ulit na pagsipol ng mga kantang narinig mo sa radyo kanina.

Ilang sandali pa, lumapit sa iyo ang isang sikyu na kanina ka pa napapansin. “May hinihintay ka?” ang nakakunot niyang pag-uusig. “Oho,” ang mapagkumbaba mong sagot. Naiirita ka niyang sinuway, “Bawal umupo dyan sa hagdan.” Tumayo ka mula sa pinagkakaupuan at pinagmasdan ang sikyung naglakad palayo habang nakahawak sa kanyang sinturon. Kaunting tiis na lang, ang pagsusumamo mo sa sarili.

(Tumuloy sa *6)

*6 [3:41 ng hapon]

Naramdaman mong pumipintig na ang ugat mo sa utak. “Uy galet k b? Lapit na me, sori w8 moko”, ang huling text sa iyo ng iyong hinihintay. Sagad na sagad na ang iyong pasensya. Hindi mo inakalang aabutin ng ganoon katagal ang lintek na diyablong iyon.

Naubos na ang lahat ng iyong naisipang pangpatay ng oras simula kanina. Huminto ka saglit sa pagmumura, at muling nagplano sa susunod mong gagawin.

Kung nagdesisyon kang:

(umalis na’t umuwi, tumuloy sa *7 )

(hintayin siya ng sampu pang minuto, tumuloy sa *8)

(hintayin siya hanggang makarating, tumuloy sa *9)


*7 [3:42 ng hapon]

Isinumpa mong maghihiganti sa ngarat na nagpahintay sa iyo. Bukod sa oras na nawala, naghihimutok ka rin sa nasayang na pera’t paghahanda. Marami ka pang aasikasuhing trabaho pag-uwi. Nagngingitngit kang naglakad pabalik ng MRT. Wala kang alinlangang kakainin mo ng buo ang sinumang humarang sa iyo.

*END*

*8 [4:08 ng hapon]

Labingpitong minuto na ang lumipas mula nang itinakda mo ang huling sampung minutong paghihintay. Mainit na mainit na ang iyong ulo sa nangyari, pero nananaig ang isang bahagi ng isip mong nagsasabing sayang naman ang lahat ng paghihirap mo sa buong araw. Pumikit ka ng dahan-dahan at hiniling sa langit na tamaan ka na lang sana ng kidlat.

(Tumuloy sa *9)

*9

Kung hindi buhay o pag-ibig ang nakataya sa inyong pagkikita, ipinaglihi ka ng nanay mo sa butihing si Santa Monica. Naisip mong ipagpatuloy ang paghihintay at pagtitiis dahil wala ka namang ibang gagawin. Babawian ko na lang ang kumag, ang sabi mo sa sarili. Kailangan lang mailibre ka nang malupit para mawala ang atraso at matumbasan ang pinagdaanan mong paghihirap. Nagpatuloy ang oras at ang iyong paghihintay.

*END*

 

Photo: “Waiting on a Friend” by Tony, c/o Flickr. Some Rights Reserved

___

Bagaman tubong Baguio, ipinanganak si Om sa Maynila at hindi niya sigurado kung anong isasagot tuwing itatanong sa kanya ang pinagmulang probinsya sa dami ng kanyang nilipatan at pinamalagian na lugar sa Pilipinas. Bukod sa pagsusulat, mahilig si Om kumuha ng mga litrato at magbutingting sa kanyang computer, at nagkamit na siya ng ilang gantimpala sa loob at labas ng bansa para sa kanyang mga litrato at web design. Magtatapos na siya ngayong taon sa UP Diliman kung saan kumukuha siya ng kurso sa Araling Pilipino. Maaari siyang bisitahin sa http://www.omnarayan.net.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer