The Philippine Online Chronicles

The POC
Saturday
Feb 04
Home Features Buhay Pinoy Features Teka, teka muna: Ang sining ng paghihintay

Teka, teka muna: Ang sining ng paghihintay

waiting_at_sunrise“For a nation which has an almost evil reputation for bustle, bustle, bustle, and rush, rush, rush, we spend and enormous amount of time standing around in line in front of windows just waiting.” --Robert Benchley

“Teka, teka, teka muna sandali, mauunahan ka ng oras pag hindi ka nagmadali.” --Loonie, Dito sa Maynila


Hindi ako marunong maghintay.

Itong kurso ko sa kolehiyo, hindi ko hinintay matapos bago rumaket at magtrabaho. Itong trabaho ko ngayon, hindi ko hihintayin mag-isang buwan bago maghanap ng bago. Sa lahat ng ayaw ko, itong naghihintay ako na para bang nagsasayang ng oras, nagbibilang ng segundo. Ayoko talagang maubusan ng sandali.

Baka ganito ako dahil sa Maynila ako lumaki. Sa lungsod na ito, maiiwanan ka kung babagal-bagal ka. Ito ang itinuro sa akin ng tatay kong may pagka-hustler. Wala man siyang permanenteng trabaho, lagi siyang nagmamadali palabas ng bahay sa umaga at madaling araw na umuuwi, makahanap lang ng mapagkakakitaan.

Ako, pakiramdam ko na para akong nagliliyab na bahay, kung hihiramin ang mga salita ni Edgardo Reyes. Baka dahil bata pa ako, pero pakiramdam ko napakatanda ko na. Malapit na akong mamatay! Ang dami pang di ko nagagawa, ang dami pang hindi ko nalalaman! Kelan ko gagawin ang mga ito, kapag marupok na ang tuhod ko? Hindi ko na hihintayin iyon.

Pero may mga pagkakataon talaga na mapipilitan kang maghintay. Sa bayang ito pa naman, napaka-uso ang Filipino time. Walang pagkakaiba kung ang kaibigan mo ay karpintero o propesyonal-- kapag sinabi mong magkikita kayo ng alas-ocho, asahan na alas-dose pa rin kayo magkakatagpo.

At walang masama doon. Kinaiinisan ko ang mga taong nagsasabing kanser ng lipunang Pilipino ang Filipino time, na para bang ito ang puno't dulo ng ating krisis sa ekonomiya. Una sa lahat, hindi nila naiintidihan na kultural ito. Kailan lang ba nauso ang mga relo sa Pilipinas? 1970s lang, at big-time ka na noon kung may relo ka. Rolex pa siguro ang suot mo noon. Ang mga mumurahing plastik na relo naman, nitong 1990s lang dumating sa atin. Sapat na ba ang dalawampung taon para ma-synchronize ang lahat ng orasan sa Pilipinas? E kung ang kaso nga ng pagpaslang kay Ninoy Aquino, hindi pa nalulutas, ang relo mo pa kaya.

Labas pa doon, kailangan intindihin ang heograpiya ng bansa. Kapag sinabi ng kaibigan mo na dadalaw siya sa bahay mo bukas, kailangan maintindihan na baka dalawang bundok at isang ilog pa ang daraanan niya. Patawarin mo na siya kung late siya.

Isa pa, nakita ninyo na ba kung gaano ka-trapik sa Maynila? Kapag alas-ocho ang napagkasunduang oras na magkikita kayo, kailangan lumarga na ang kaibigan mo ng dalawang oras na mas maaga. Ano siya, walang trabaho, walang buhay maliban sa iyo? Kaya huwag ka na magmaganda. Intindihin mo na lang at matutong maghintay.

Ilang pro-tip para sa mga maghihintay:

Maghanda ng babasahin, o kung mayaman ka, handheld video game console. Hindi matatawaran ang kahalagahan nito. Kapag pinagsama-sama ang lahat ng oras na ginugugol ko sa kahihintay --  ng kaibigan, ng teller sa bangko, ng jeepney, ng trabaho -- natapos kong basahin ang Watchmen, Mga Ibong Mandaragit, at Brothers Karamazov. Mukha tuloy akong well-read, pero ang totoo, ilang beses nang napilitan maghintay.

Matutong mag-yosi. May teorya akong ilang beses nang napatunayan. Kung matagal ka nang naghihintay ng masasakyang jeepney, FX, o bus, magsindi ka lang ng yosi. Hindi ka pa nakakadalawang buga, darating na ang hinihintay mo para lalo kang ma-badtrip. Pero makinig din sa government warning. Cigarette smoking is dangerous to your health.

Mag-zen meditation. Ito, hindi ko pa napapatunayan. Nabanggit lang ng kaibigan ko. Sa gitna ng nagkakagulong lungsod, kung kaya mong hanapin ang kaibuturan ng kapayapaan sa sarili mo, tutukan mo ito. Subukang buksan ang iyong mga chakra para pagdating ng iyong hinihintay, good vibes ka na. Malay mo, ikaw pala ang susunod na Avatar.

Mag-people watching. Ito ang paborito kong gawin tuwing nababato sa kahihintay. Bukod sa makaka-ispat ka ng gwapo, napakaraming interesanteng tao sa lunsod. Binibigyan ko pa sila ng dialogue sa utak ko. Minsan, nakakita ako ng lalake na naka-hawaiian shirt, shorts, at fisherman's hat na lumabas ng Quezon City Hall ng alas-diyes ng umaga. Naka-suot din siya ng blue na rubber gloves, yung tipong ginagamit para maghugas ng pinggan. Pagkalabas niya sa City Hall, luminga-linga siya at dumiretso sa basurahan para itapon ang kanyang rubber gloves. Siguro ninja assasin siya.

Ibalik ang sigla sa larong Pendong Peace. Masaya ito kung may kasama ka, pero mas masaya kung wala. Tuwing makakakita ng classic na Volkswagen beetle o kalbo sa kalsada, batukan ang iyong kasama (o ang pinakamalapit na tao sayo) at sabihing “Pendong peace!” Pwede ring siyasatin kung sino ba talaga si Mang Pendong o kung kalbo ba talaga siya. Walang mas mainam na pamatay-oras habang naghihintay kaysa sa biglaang mapagbirong karahasan.

Magkunwaring nagtetext o nagbabasa ng text. Aminin mo, ginagawa mo ito. Salamat sa teknolohiya, hinding-hindi na talaga tayo nag-iisa. Kahit nasa lugar ka na walang kakilala o kausap, pwede mong ilabas ang cellphone para kunwari bising-busy ka sa social life mo. Tawa ka pa ng malakas habang "nagbabasa" ng text para may drama. Pwede ka ring magtext ng tunay, pero sayang ang load.

Kapag banat na banat na ang pasensya mong mapapatid sa kahihintay, iwanan mo ang hinihintay mo. Si Gandhi man ay may hangganan ang pagtitiis. Ang paghihintay ay kasunduan-- hihintayin kita kung darating ka. Bagaman kaya kong maghintay ng dalawang oras dahil maunawain ako, kapag tumayo at gumuho na ang mga kaharian sa aking paghihintay at bigla ka magtetext ng “Sorry, kagigising ko lang. Nandiyan ka pa ba?” sisibat na ako. Laging tandaan-- ang panangga sa late ay pag-iindyan.


Photo: “Waiting for the sun” by Nguyen Thanh Long, c/o Flickr. Some Rights Reserved


Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer