The Philippine Online Chronicles

The POC
Saturday
Feb 04
Home Features Buhay Pinoy Features Balagtasan sa banyo: Pag-ibig sa wika, sa panulat, sa pagkatha

Balagtasan sa banyo: Pag-ibig sa wika, sa panulat, sa pagkatha

urinals_balagtasanNakasabay ko sa banyo si Ser V nitong nakaraang Biyernes. Dalawa ang urinal sa banyo ng 4th floor ng college building namin, naroon siya sa bandang kaliwa. Gaya ng ginagawa kong pangtitrip noon pa, tatabi ako sa isa pang urinal, magbo-boses babae at paungol na tatawag ng “Sirrrrrr….” Gaya ng mga nakaraang engkuwentro, mapapatingin siya, matatawa, at mangangamusta tungkol sa pagsusulat, sa panitikan, sa mga nakaraang proyektong nasa ganitong linya. Ganitong tipo ng tao si Ser V, kesyo dumadaloy pa ang ihi mula sa inyong mga ari, kakausapin ka niya tungkol sa pagsusulat at panitikan, at hindi ka mahihiyang makipagdaldalan ng mga pinakahuli mong kuwento tungkol dito.

Sa aking hindi pa mahabang buhay-manunulat, sinuwerte ako’t nagkaroon ako ng ilang mga Ser V na naging gabay sa aking mga pananaw at adbokasiya sa pagsusulat.

Ang unang Ser V, isang sikat na mandudula’t kuwentista para sa mga bata. Masungit ang taong iyon, palalabasin kami ng classroom kapag late kaming dumating sa klaseng nagsisimula eksaktong alas siyete ng umaga, o kaya’y kapag pumapasok nang hindi nabasa ang nakatakdang basahin, o kung simpleng natatangahan lang siya sa iyo (lalo’t pag bad mood siya). Ang biro nga namin, nabawasan lang ang kasungitang ito noong inatake siya sa puso’t na-multiple bypass. Nabawasan, pero hindi naman ganoon katindi. Natatandaan ko siya para sa mga matapat niyang puna, katulad ng may taglay akong husay pero masyado akong tamad, at sa mga payo niyang gaya ng “huwag kang sobrang makikinig sa mga gaya namin, magsulat ka lang nang magsulat.” Kahit lasing siya noong sinabi niya iyon, hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Sana’y masaya siya ngayon sa langit, sa pandaraot ng mga angel na late makapasok sa gate ng paraiso, o kaya’y pumapasok nang hindi nagbabasa.

Ang second Ser V ay nakilala ko sa writing workshop. Isa siyang kuwentista’t filmmaker, na kamukha ng dating TGIS star na si Bobby Andrews (sasapakin niya ako kapag nabasa niya ito). Sa totoo lang, hindi kami masyadong nagkausap sa writing workshop na iyon, nagkataon lang na may isa pang writing workshop na nasa kabilang isla pa ng Pilipinas, at nagkataong magkasabay kami sa biyahe sa barko. Mula doon, nagkakuwentuhan kami tungkol sa ano ba talaga ang ibig sabihin ng “ganache,” at dahil sa may matagal na sundo’y napilitang tumambay sa SM Cagayan nang halos kalahating araw. Kung hindi pa ba naman kayo maging close pagkatapos ninyong malibot ang lahat ng kasuluk-sulukan ng SM Cagayan at wala pa ring sundong dumarating ay ewan ko na lang. Marami kaming mga private joke nitong Ser V na ito, na ipinupuslit kapag walang nakatingin sa aming mga nagpopormal-pormalang writing workshop sessions.

Ang pangatlong Ser V, ang aking Banyo King, siya ang Balagtas ng Buhay Ko. Naging guro ko siya sa pagtula, tinuruan niya kami ng mga leksyon tungkol sa tugma’t sukat, tungkol sa imahen, tungkol sa lahat ng teknikalidad ng pagtula. Bukod doon, idiniin niya sa aking pre-twenties na sensibilidad ang halaga ng paggalang sa sining ng pagsusulat, sa wika, sa sariling paraan ng pamamahayag. Sa kanyang mga mata, lahat kami ay makata, o may potensyal maging makata. Kung ipapalarawan nga sa akin itong si Ser V, kung ano ang pakiramdam kapag guro mo siya, palagi kong nasasabi ang “parang palagi kang may mahusay na nalilikha.” Kasabay nito, siya rin ang isa sa mga gurong nagbato ng mga tanong na “what’s the fucking point?” kapag masyado naman kaming nalilihis sa paglalaro. Paminsan-minsan, hinihiling niya ang ganitong pagpapalalim nang may kasamang luha, palagi siyang nagiging emosyonal kapag hinahamon kaming mga nagsisimulang manunulat. Hanggang ngayon ay napapabilib ako sa intensidad ng enerhiya niya kapag panitikan na ang pinag-uusapan.

Tulad nitong nakaraang Biyernes, sa aming kuwentuhan sa may kasilyas. Nagkukumustahan kami, siya na dating guro ko, ako na dating estudyante na ngayon ay guro na rin. Kinakamusta niya ang napuntahan kong writing workshop, kung saan ako’y naimbitahan para maging panelist, katulad ng pagiging panelist din niya sa ilang mga writing workshop na ako ang nakasalang bilang writing fellow. Kinamusta niya ang mga bagong dugo ng manunulat, silang mga “bata” ng kasalukuyan. Nagkuwento ako, sa loob ng ilang minutong nakalaan para sa saglit na pag-ihi, sa saglit na patak ng oras na pumapagitan sa aming mga iba pang gawain, nagkuwento ako—tungkol kay ganito na tumutula tungkol sa bukid at mga naipunlang pangako, tungkol kay ganyan na kumatha ng tauhang takot sa tubig na kulay brown, kay ano na naglaro ng mga bersong inanod ng ulan o kaya’y tinangay ng mga patok na dyip sa may Katipunan-Aurora, kay kuwan na hindi mapigilang lumuha habang ihinahayag niyang posibleng ang lahat ng aming kinalalagyan ay nakatakda, may dahilan. Kinuwentuhan ko ang aking gurong si Ser V, at gaya ng dati, siya’y nakinig nang may tanglaw sa mata, na parang ang lahat ng kuwentong ito’y may bigat, may halaga.

 

***

Ngayon, ako rin ay tumatayo na bilang Ser V para sa marami-raming estudyante. Nakapagsulat na rin ng marami-raming akda, nakabisita na rin sa ilang mga pagtitipon na “ka-writer-an.” Paminsan-minsan, naibabato sa akin ang tanong, naibabato nilang mga nagsisimulang magsulat, o may interes sa hiwaga ng mga salita. Ano raw ang sikreto, ano raw ang pinakamagandang payo para sa kanilang mga nagsisimula pa lang? Sa ganitong mga pagkakataon, naaalala ko silang mga naging guro ko, naaalala ko ang mga nakaraang Ser V, naaalala ko ang pinakasimpleng tugon ng Balagtas na sa banyo ko na lang naaabutan paminsan-minsan: pag-ibig. Kapag may pag-ibig sa wika, sa panulat, sa pagkatha, siguradong ang pag-ibig na ito’y magbubunga’t palaging magpapabalik-balik.

 

Photo: “Urinarios” by Daniel Lobo, c/o Flickr. Some Rights Reserved

___


Si Vlad ay guro ng malikhaing pagsulat, panitikan, at kulturang popular sa UP Diliman.  Isa siyang kuwentista, blogger, at fan writer.  Ang pinakahuling libro niya ay ang "A-Side/ B-Side: ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo" na inilimbag ng Milflores Publishing.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

mixkaela 13 August 10, 01:39 PM
Meron din po akong guro, aba Sir V din pala siya! Sabi rin po niya sa akin, may taglay akong husay pero tamad.

Hm... :)

Na-miss ko po bigla ang mga tanderz na nabanggit sa akdang ito.
SiRVis 18 August 10, 10:47 PM
Lahat tayo ay may naging gurong Sir V. Nagkataon din na ang tawag sa akin ay SiR V o SIRVIs...
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer