Labindalawa silang magkakapatid. Kilalang-kilala na natin sila. Taon-taon kasi nakakasama natin silang lahat. Ang tinutukoy ko ay sina Janny, Febbie, Mar, Avril, Mei-mei, Junie, Jules, Seppy, Oki, Nova at Deck. May kanya-kanya rin silang mga katangian kaya hinihintay natin ang pagdating nila taon-taon. Isa-isahin natin:
Si Janny malakas ang dating niyan, laging maingay at masaya. Pagpasok pa lang niya kakaiba na ang impact niya.
Si Febbie naman, sobrang romantic niyan, laging in-love. Kaya tuloy lahat din tayo nahahawa sa kanya pag nandyan na siya.
Si Mar naman, henyo yan. Ang dami na niyang natapos na kurso. At sa lahat ng pasukan niya, siguradong guma-graduate siya.
Si Avril, always blooming, lalo na pag nasa-abroad. At pag dumadating siya, sinisimbolo niya ang bagong pag-asa. Sa mga estudyante naman dito sa Pinas, kalayaan ang dala ni Avril… kalayaan mula sa “parusa” ng eskuwela.
Si Mei-mei, lagi namang Reyna Elena. Mahilig din yan sa party. Pag dumating na siya, lahat ng mga Pinoy, naka-fiesta mode na.
Si Junie naman, napakahilig mag-aral. Kaya pag dumadating na siya, ang mga estudyante naka-modang eskuwela na rin. Aktibista rin yan. Laging niyang ipinaglalaban ang kalayaan sa lahat ng bagay.
Si Jules naman ang pinakamalusog sa magkakapatid. Conscious lagi sa kinakain niya kaya naman pag dumarating siya, maraming tao sa buong mundo ang nagre-review kung tama ba ang kinakain nila.
Si Seppy, iba naman ang dating niyan. Pagpasok niya, biglang nagkukulay-Pasko na ang paligid. Siya kasi ang pinakamatanda sa tinatawag na "Ber siblings," na sadya namang holiday na holiday ang dating.
Si Oki naman ang goth sa magkakapatid. Laging emo at tila laging lalabas sa horror movie. Mahilig siyang manakot pero kahit mga bata inaabangan ang pagdating niya kasi pagkakataon na nilang gumawa at magsuot ng iba’t ibang malikhaing costumes.
Si Nova ang shopaholic sa magkakapatid. Sunod kay Deck, siya ang hinihintay ng maraming Pinoy kasi marami siyang perang dala. Kaya pagdating niya, lahat tayo napapa-shopping na rin.
At si Deck, ang bunso, yan ang pinaka-espesyal sa lahat ng magkakapatid. Galante si Deck, palabigay ng regalo. Iba rin ang simoy ng hanging dala niya at pati ang mood ng mga tao, nagbabago pagpasok niya. Yun nga lang, extremes ang moods na ito. May mga sobrang saya sa pagdating niya, meron din namang nade-depress. Pero ang mahalaga sa lahat, sa tuwing dadating si Deck, naalala natin ang birthday ni Jesus Christ.
O, di ba, tama ako na kilalang-kilala natin ang magkakapatid na yan? Pero, teka sandali. Parang me nalimutan ako ... parang kulang sila. Bilangin nga natin…. me nalimutan nga ako, kasi labing-isa lang sila. Ah, si Gus! Bakit ko ba nalimutan si Gus? Dahil ba wala siyang dating? Dahil ba di siya kaala-alala? Ay, oo nga pala, magaling siyang mag-Tagalog… pero yun lang.
Yun nga lang ba? Ay, siya nga pala ang kasama natin noong mawala sina Ninoy at Cory. Magandang bagay ba yun? At least, naging heroes sila.
Ano nga ba ang katangi-tanging katangian ni Gus na maituturing nating kakaiba sa mga kapatid niya? Pwede rin nating sabihin na pagdating niya, naghahanap na ang mga estudyante ng Filipiniana costume. Nag-eensayo na rin sila para sa sabayang pagbigkas o kung anumang gimik nila para gunatain ang Linggo ng Wika. Pero pag tapos na tayong maging estudyante, wala na ang mga ito. Tila nawawalan na ng kuwenta si Gus sa atin. Para nga sa marami, hindi sila makahintay na umalis na si Gus para pumasok na si Seppy at nang makapagpatugtog na ng Christmas songs.
So wala nga bang kakuwenta-kuwenta si Gus? Hindi siguro para doon sa marami kong kaibigan sa Facebook na nagbi-birthday sa piling niya. Napansin ko na mas marami kaysa karaniwan ang mga kaibigan kong nagdiriwang nga kaarawan habang nandiyan si Gus. Napag-isip tuloy ako kung bakit. Yung maraming nagbi-birthday kasama si Nova, mas maiintindihan ko. Magbilang kayo ng siyam na buwan pabalik mula kay Nova at mauuwi kayo kay Febbie. Di ba, makes sense? Pero kung magbibilang kayo ng siyam na buwan pabalik mula kay Gus, si Nova ang dadatnan nyo. Ano kaya ang paliwanag doon?
Talaga nga bang forgettable si Gus? Inaasahan kong magpo-protesta nga ang mga kaibigan kong nagbi-birthday kasama siya, pero sa karamihan sa atin, pwede nga bang mabuhay tayo ng wala siya? Gusto kong maging fair at bigyan ng pagkakataon si Gus. At heto ang sa tingin kong panlaban niya: Hindi natin makakasama ang iba pa niyang kapatid kung di siya dadating. Lalo na ang mga Ber siblings. Paano natin mae-enjoy ang unang hirit ng Christmas songs ni Seppy? Paano tayo magko-costume party kasama si Oki? Paano tayo magsho-shopping kasama ni Nova? At paano tayo mareregaluhan ni Deck kung hindi natin makakasama si Gus?
Ibig sabihin ba nito titiisin na lang natin si Gus hanggang sa makaalis siya? Hindi rin siguro, kawawa naman siya. Ang tamang attitude siguro ay “happy anticipation.” Yung para ka lang naghihintay sa asawa mong OFW na umuwi. Habang hindi pa dumarating ang iyong asawa, gugugulin mo ang panahon ng iyong paghihintay para magpaganda at magpaseksi. Aayusin at lilinisin mo rin ang inyong tahanan. Siguro gagawa ka pa ng listahan ng mga bagay na maari ninyong gawin o puntahan pag nakauwi na siya. Pagpa-planuhan mo at ng inyong mga anak ang mga posibleng activities ninyong mag-anak habang nandito ang iyong asawa sa maikling panahon ng kanyang bakasyon.
Ganun din siguro ang maaari mong gawin habang nandito si Gus. Magsimula nang mag-ipon ng pera sa pagdating nga Ber siblings. I-kondisyon ang iyong sarili sa pagtatapos na naman ng isang taon. Habulin pa ang mga bagay na dapat mong matapos sa loob ng taon na ito. Simulan nang ihanda ang iyong kalooban sa paggunita ng pagsilang ni Bro. Higit sa pagbibihasa sa Pananagalog, marami pa tayong maaaring gawin sa piling ni Gus. Huwag nating madaliin ang kanyang pag-alis. Sige ka, isang beses lang siyang di magparamdam sa iyo, kahit kelan di mo na makakasama pa ang kahit sinuman sa kanilang magkakapatid. (Talagang nanakot pa ako, ‘no…)
Photo: “August Calendar - Sunrise over the ledge - Mount Desert Island, Maine” by Dana Moos, c/o Flickr. Some Rights Reserved *
___
Ang may-akda ay isang propesyonal sa larangan ng broadcast communication na kailan lang napagbigyan ang kanyang hilig sa malikhaing pagsusulat. Siya ay isang single mother na mahilig maghanap ng iba’t ibang raket para maitawid nang matiwasay ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









