Iligal man silang matatawag, normal na ito sa komunidad na sinanay sa mga ganitong pangyayari sa murang edad. Sa di kalayuang pook subalit nasasakupan pa rin ng barangay ay ang komunidad na matinding tinamaan ng bagyong Ondoy kung saan kumitil ng tatlong buhay sa aming barangay dahil na rin sa pagbagsak ng pader na nagsilbing munting tirahan nila sa loob ng ilang taon at pagmamay-ari ng isang ahensiya ng pamahalaan. Sa pag-apaw ng tubig sa creek ng lupang nagsilbing tirahan nila sa Lungsod ng Quezon galing sa malalapit na probinsiya sa hangad na magbakasakali sa Maynila, ay umapaw din ang kanilang kaba na dalhin ng tubig ang lahat ng kanilang naipundar. Bukod sa sunog at dahil madaling kumalat ang apoy sa kahoy na komposisyon ng tabi-tabing bahay, baha ang kanilang pangalawang kinatatakutan bunga na rin ng pagsasama ng kuryente at tubig kapag tuluyang tumaas pa ng lampas-tao ang tubig. Sa madaling salita, ang mga batang maliliit pa ang bahagi ng populasyon na higit na apektado dahil sa kawalan ng kakayahang protektahan ang sarili at nakadepende sa magulang ang kaligtasan sakaling magdesisyon silang lisanin o manatili sa peligrong kalagayan.
Bata, bata! Aakayin kita!
Ang komunidad na kinalakihan ko at kalapit na komunidad na naapektuhan ng Bagyong Ondoy ay pinaghihiwalay lamang ng kalyeng East Avenue. Halos walang pinagkaiba liban sa pagmamay-ari ng aming mga kapitbahay ang lupang kinatitirikan nila samantalang ang isa naman ay pagmamay-ari ng pamahalaan na bali-balitang kukunin na sa nalalapit na panahon. Ang pinagkaiba rin ay ang di mapigil na pagdami ng tao sa lupa ng pamahalaan sa kabila ng mga peligrong nakaamba sa lugar na iyon.
Hiwalay pa sa aspetong natural na kalamidad at taglay na panganib nito ay ang pagkamulat sa pamayanang ang mahalagang bagay na dapat sagutin sa pang-araw-araw ay ang maipapasok sa kumakalam na sikmura. Bunga na rin ng kawalang kapasidad ng maraming pamilyang nakatira sa gilid ng kalsada ay ang paghihingi ng pagkain o pera sa mga dumaraang empleyado ng pamahalaan sa mga kalapit na ahensiya. Maaaring pera o pagkain ang ibigay nila. Swerte rin kung maka-tiyempo ng isang mala-anghel na papakainin ang pamilya ng batang namamalimos sa malapit na sikat na fastfood chain.
Normal na ang ganitong eksena. Pihadong lahat, anumang class ng lipunan napapabilang ay hindi bulag sa ganitong katotohan sakaling salat sa direktang karanasan. Wala mang namamalimos sa mas malapit na kawangis na komunidad gaya ng nabanggit sa itaas ay mayroong kaparehas na labang binabaka ng mga bata sa parehas na komunidad. Iyon ay ang exposure sa mga gawaing humuhubog ng kanilang konsepto sa buhay at pagkatao. Hindi nila pinili ang ganun, hindi nila nais maging katulad ng mga mas nakakatanda sila at sigurado akong hindi nais ng mga magulang nilang maging kagaya nila ang kanilang mga anak na tila ang pakikipagsapalaran sa buhay ay katulad ng walang katapusang paglalakbay sa kawalan. Kung may pagkakataon at kung may pagpipilian, sigurado din akong hindi sa pook na iyon ang lugar na gusto nilang kalakihan ng mga anak nila.
‘Pengeng pera, pangit ka!’
Sabi ko nga sanay na ako sa mga batang rugby, batang punas sapatos sa dyip at kung anu-ano pa kaya hindi na ako gaanong nasasaktan sa tuwing makakakita ng ganun. Hindi ko na rin hinahanap ang nanay o tatay nila kapag may nanghihingi kasi para lang akong sirang plaka na maghahanap sa magulang nila na sila mismo ay hindi nila alam kung nasaan bunga ng sila ay napapadpad lamang sa kung saan sila dalhin ng mga paa nila at babalik lamang sa kung anong araw na gusto nila. Isa pa kahit tanungin ko sila ay hindi ko rin naman mareresolba ang epistemikong problema nila at maaaring hadlang pa ako sa kanilang "hanap-buhay" dahil maraming lumalampas na tao sa likod ko ang disinsana'y nahingian nila ng barya habang kinakausap ko sila.
Sa mataong lugar na napupuntahan ko mapa-lungsod ng Quezon o Maynila ay may isang bagay ang naka-alarma sa akin ng husto. Ito ay ang paraan kung paano na nag-level-up ang paghihingi ng pera ng mga bata. Kung dati-rati ay binibilhan ko sila ng mga pagkain para hindi pera ang ibigay, umangat ito sa lebel kung saan hihingiin nila ang pagkaing kasalukuyan mong sinusubo at aktong aagawin ito sa iyo. Dumating na rin sa punto kung saan hindi na nila tinatanggap ang pagkaing iaabot kahit sadya mong binili para sa kanila dahil mas gusto nila ang pera.
Nangilabot akong higit sa kung paano nila tinatrato ang mga hinihingian nila sa pamamagitan ng pagsisigawang madamot ang hindi nagbibigay sa kanila o kuripot ito dahil ilang piso lang ang ibinigay sa kanila. Sa mga sandaling iyon na inaakala kong "isolated case" ay naluluha ako sa ngitngit dahil sa mga nasaksihan. Umulit pa ito ng ilang beses at ang pagkukuwento sa mga kaibigan ay kumumpirma ng halos parehas na karanasan kung saan ang iba ay mas malala pa. Nariyan ang pagkain ng nausong pagpapaluto ng pancit canton sa mga manininda sa unibersidad kung saan hindi binigyan ng pera ang batang nanghihingi at winikang pangit daw ang kumakain at humiling pang malason ito sa pancit canton na kinakain. Ang pagtatawag din ng mga guard sa mga establisyemento o mga rumurondang tanod ay wala nang epekto sa kanila, sabay ng pagwika ng mga tanod na ganyan daw talaga ang mga batang iyan. Nanlumo ako, nahintakutan nang husto.
Batang Pinoy, saan ka tutungo?
Ayokong masanay sa ganung pangitain. Tama na ang nasanay ako sa komunidad na kinalakihan kung saan ang karahasan (sa salita at sa gawa) ay normal na lang. Kung iyon ang kinalakihan ko, hindi ko gusto yun at wala akong magagawa na ganun ang paligid. Gaya ng mga batang nasaksihan ko, alam kong hindi rin nila gusto ang ginagawa. Wala silang kontrol sa kung anumang bagay o pangyayaring huhubog sa kanila. Maaari ding nalusaw ng karanasan ang kagandahang-asal at nakikitang iyon at iyon na lang ang kabuuan. Kung ganun, mahalagang maging alerto sa pagkilos upang ituwid ang maling paraan ng pagpupunlang ito.
Hindi man natin mabura nang tuluyan ang kahirapan at iba pang isyung nakadikit dito, maaari nating unti-unting mabago o maimpluwensiyahan ang mga susunod na henerasyon. Nagsisimula ito sa aktibong pakikibahagi sa lipunan at pagkakaroon ng pakialam. Sabay na nireresolba ang maraming isyu sa kahirapan at kawalan ng pagkakataon upang magkaroon ng maganda at disenteng pamumuhay, tayo mismo sa ating sariling bakuran ay sisiguraduhing ang tutunguhing landas ng ating mga anak ay mas higit na matibay, maluwang, at malinis na daan ng tagumpay. Sa gayun, ang tutunguhing landas ay mas mahihinuha natin at hindi kagulat-gulat ang kanilang akto dahil batid natin ang pinanggagalingan.
Photo: “street children” by Marcelino Rapayla Jr., c/o Flickr. Some Rights Reserved
___
Eva Callueng is an active LGBT rights advocate. In 2004, she served as the first lesbian president of UP Babaylan, the first student-LGBT organization duly recognized in the university and in the country.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









