Limampu?! – ang tanong ko sa kanya habang halos magkandapatid ang aking ugat sa gulat o ngitngit (o inggit). Hindi ko masabi sa bruha: “Eh kaya pala walang natira sa aking boylets!”
Sa sobrang pagka-allergic ni Pining sa manliligaw, pinagupit niya ang kanyang mahaba at kulay uling na buhok nang tumuntong siya ng kolehiyo. Buhok daw kase ang nakahalina sa kanyang mga tagahanga. Hindi pa nagkasya doon, tinago ang balantok na binti sa paldang hanggang sakong ang haba, at sinubsob ang ulo sa mga libro. Kung hindi daw niya ginawa yun, baka hindi siya nakatapos ng pag-aaral. O hindi siya nakatapos nang may karangalan. Istorbo daw kasi ang pagiging ligawin.
Nguni’t sadyang iniligaw ko kayo. Pasensya na, dahil hindi ito ang tipo ng pagka-ligawin na gusto kong tumbukin sa artikulong ito.
Kundi ang tipong pagiging ligawin na sa tingin ko’y ako ang may hawak ng setro at korona, nang walang pangambang may magtatangkang mang-agaw o mag-protesta.
Oo, napaka-ligawin ko. “Nasaan ako?” “Kakanan ba ako, kakaliwa, o dederetso?” “Papunta ba ako o paalis?” Ito ang istorya ng buhay ko. Isang buhay na hitik sa di-mabilang na pagkawala, paghahanap, at muling pagtatagpo – at hindi sa eksistensyal na kahulugan ng mga salitang ito na disin sana ay maipagmamalaki ko kaysa ikahiya.
Paano ba naman akong hindi mahihiya.
Sa sobra kong pagka-ligawin, isang buwan bago ako natutong umuwi nang walang kasama mula sa aking opisina sa Diliman hanggang sa bahay ko sa Pasig nang bagong lipat kami doon mula sa Gagalangin, Tundo. Sa sobrang kong pagkaligawin, pumapasok ako sa isang tanggapan ng kompanya at pagkatapos maidaos ang pakay ko doon, pilit akong lalabas sa pintuan na hindi pala palabas kundi papasok -- sa isang stock room o board room o, magkaminsan, opisina ng presidente ng kompanya. Sa sobra kong pagkaligawin, matapos kong magpunta sa rest room ng isang malaki at mataong restoran, magpapaikot-ikot muna ako bago mabalikan ang aming mesa at aking mga kasamahan na nag-uumpisa nang mamroblema at handa nang ipa-page ako. Sa sobra kong pagka-ligawin, hindi ko maituturo sa inyo ang pasikot-sikot sa UP Diliman kahit 30ng taon akong namasukan doon. Sa sobra kong pagka-ligawin, gusto kong magtago o tumakbo tuwing may hihintong sasakyan sa tabi ko at may magbubukas ng bintana, susungaw mula sa loob, sabay sigaw: “Puwede po bang magtanong?”
Hindi lang sa mga stock room o board room o kuwarto ng presidente ako napapasuot ng alanganin. Ilang beses na ding nagsubok umakyat sa kotseng hindi akin. Ang mga reaksyon ng mga pobreng may-ari ng sasakyang pilit kong pinapasok: ngiting aso, kamot ng ulo, pagtaas ng kilay (bihira naman ang nahihintakutan dahil sa awa ng Diyos, wala sa aking mukha – at idad – ang profile ng isang carnapper).
Minsan pag nasa lugar akong bago sa akin at bagot na akong nakakulong sa hotel, at gusto ko namang masikatan ng araw -- lalabas ako nguni’t hindi para magikot bagkus maglalakad lang ng diretso. Pag-sanga ng daan, babalik na ako sa aking pinanggalingan.
Ilang beses na akong nawala sa Antipolo pag buwan ng Mayo. Sa Divisoria sa Christmas rush. Minsan din sa isang subway sa Nagoya, Japan, habang pauwi galing sa official group tour. Hindi naman ako nagpa-panic. Tatawag lang akong ng taksi upang makabalik sa bahay o sa hotel . Para hindi mapahiya, uunahan ko ng galit ang aking mga kasama. “O saan kayo nagpunta? Bakit kayo nawala?” O, di ba? Ang tawag diyan – perspective.
Malala ang pagkawala ko sa La Union, noong panahong nagpapakita daw si Mama Mary sa binatilyong si Judiel Nieva at sumasayaw daw ang araw sa kaitaasan ng bulubundukin ng Agoo. Kasama ang aking kapatid at mga anak niya, buong tapang kong sinuong ang kakapalan ng tao at ang bigat ng trapiko. Hindi naman ako naunsyami. Nakita ko ang araw na umikot nang mabilis na halos mahulog sa kanyang orbito – maliban na lang kung pinagbibigyan lang ng aking mga mata ang puso kong nangangailangan ng milagro. Nalanghap ko din ang halimuyak ng sariwang sampagitang tila galing sa langit – maliban na lang kung may nag-ispray ng bote-botelyang pabango sa buong kabundukang iyon.
Nang matapos ang misa at nagsimulang magbabaan ang mga tao, ginagap naming ang daan pabalik sa kung saan kami naka-park. Pulga-pulgada ang lakad namin. Hindi naglaon, bigla, sa aking paningin, lumubog ang aking mga kasamahan sa karagatan ng sanlaksang tao. Tila nalunod din ang kotseng di ko siyempre matandaan kung saan nakahimpil. Lakad, hanap, ikot. Lakad, hanap, ikot. Lumipas ang isang oras, dalawa, tatlo – tumitiklop na aking tuhod sa pagod. Nang dumilim, napilitan akong makikain sa isang tahanang bukas sa mga lawit-dila sa gutom. Doon, nakilala ko at naka-kuwentuhan ang mabait na maybahay na si Manang Nida. Inalok niya ako na duon na magpalipas ng magdamag. Kinaumagahan, sinamahan niya akong magsimba sa Agoo Cathedral, tumawag sa PT&T office upang ipaalam sa bahay na ako ay buhay (naguumpisa pa lang mauso ang mobil phone noon at mga mayayaman lang ang mayroon), at sa huli ay pumunta sa terminal ng bus na magbabalik sa akin sa Maynila.
Bago ako umakyat ng bus, yinakap ako ng aking bagong kaibigan at may inabot na maliit na kahon. Nasa akin pa ang rosaryong binigay niya sa akin na gawa sa maliliit na kabibi. Gusto kong balikan ang Agoo isang araw hindi upang makapanood uli ng umiindak na araw kundi upang mas makilala ang bagong-hanap na kaibigan sa panahon ng pagkawala na nagdulot ng tuwa at aliw sa oras ng pagkabahala. Ang tawag duon – serendipity.
Sa nobelang “Accidental Tourist,” ang bidang lalaking si Macon Leary ay isang propesyonal na travel writer na mawawala sa ibabaw ng road map. Ang sabi pa: “he wanders in a fog adrift upon the planet, helpless, praying that just by luck he might stumble across his destination.” Nakakatawa ngunit hindi nakakagulat – hilig kasi ng may-akdang si Anne Tyler na gawing kakatwa at hitik sa kasaliwaan o kabaligtaran (o paradox) ang kanyang mga tauhan.
“Wandering in a fog adrift” – hindi ba ito ay isang pagbibitiw sa kontrol o sa manibela? Isang pagpapahintulot kay Ginoong Kapalaran – “Sige, ikaw na ang magmaneho, sasakay na lang ako, bahala ka na kung saan mo ako gustong dalhin.” Bale sinasabi natin sa kanya: “Sige, sorpresahin mo ako!"
Kung tutuusin, maraming magandang bagay na di ko sana naranasan at mga kahanga-hangang taong hindi ko sana nakilala kung ako’y walang kapansanan na ngayon ko lamang nalamang may pangalan pala.
Ang tawag dito ni Anne Tyler ay geographic dyslexia. Ayon kay Vivian de St.Vrain, na kilala bilang Dr. Metablog, isang manunulat, tagapanaliksik, blogger, at isa ding ligawing tulad ko, mas tumpak daw ang pangalang directional dyslexia o dysgeographica. O simpleng directional disability.
Wala pang siyentipikong pagaaral tungkol sa directional dyslexia. Ang kaalaman daw tungkol dito ay anecdotal, o pawang istorya ng mga taong madaling maligaw. Namamana ba ito o hindi? Sa mga mayroon nito, mas marami bang babae o lalaki? Konektado ba ito sa right hand-left hand confusion? Ilang porsyento ba ng populasyon ang walang direksyon? Magagamot ba ito? Hindi masabi.
Wala ring makapagsabi kung ano ang dahilan ng dysgeographica. Iba-iba ang karanasan ng mga “sufferers.” Sinisisi ni Macon Leary ang pagpalipat-lipat nila ng tahanan noong kanyang kabataan sa kanyang kondisyon. Samantalang si Dr. Metablog ay naniniwalang may kinalaman ito sa kanyang “total absence of rhythm” – hindi daw siya kailanman natutong mag-luksong lubid. Sa mga kamaganak at kakilala ni Dr. Metablog na may ganitong kapansanan, nababanggit ang motion sickness o pagkahilo sa magalaw na sasakyan, vertigo o takot sa matataas na lugar, at ang pagiging natural na kaliwete na pilit na tinuruang gumamit ng kanang kamay ng mga magulang.
Tumango-tango ako nang aminin ni Dr. Metablog na wala siyang sense of rhythm. Ako din. Hindi ako natutong lumangoy, magsayaw, magbisikleta at magmaneho ng kotse. Pero teka -- magaling akong magluksong lubid – hindi nga ako nade-dead hanggang halos magputok ang puso ko sa pagod (kagaya siguro ng autism na may insidente ng overcompensation).
Ang ama at kapatid ni Dr. Metablog ay mga directional dyslexic din, kaya gusto niyang maniwala na nananalaytay sa dugo ang kapansanang ito. Ngunit sa pamilya ko – salamat naman – ako lang ang walain at sala sa direksyon. Lahat ng mga anak ko, nakakapagbike, nakakapag-drive. Kaya sa aming bahay, ako lang ang driven. (Ang dami kong drayber!)
Kay sarap isipin na may pangalan pala ang ganitong disorientasyon na parang aninong sumunod-sunod sa akin at nagpadilim, nagpagulo (at minsa'y nakapagdulot ng sorpresa) sa buhay ko. Nguni’t mas masarap isiping hindi pala ako nagiisa, na malamang maraming mas malala pa sa akin sa kawalan ng direksyon. (Puwede nang bitawan ang pampabigat na setro't korona!) Pinakamasarap isipin, hindi pala ako tanga o bobo gaya ng matagal na inakala ko, kundi may maliit na kapansanan lang tulad ng mga color-blind at reading dyslexic.
At siyanga pala, sinulatan ko minsan si Dr. Metablog at sinabi ko sa kanya ang tungkol sa kaso ko. Nabanggit ko na sa tingin ko ako na ang pinaka-ligawing tao sa buong mundo. Pinaliwanag ko sa kanya ang dobleng-kahulugan ng salitang “ligawin” sa Pilipino.
Ang saya ng sagot niya, na tila ba panalo siya, panalo kami: “From this moment on, there's a new order to the universe: to be dysgeographically, hopelessly lost is now, officially, sexy.”
Sa idad kong ito, tila huli na upang malaman iyan.
Photo: “Where is my other shoe?” by Abnel Gonzalez, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









