The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Sa panahon ng MO/MU, uso pa ba 'I love you?'

Sa panahon ng MO/MU, uso pa ba 'I love you?'

Ligaw-tingin.  Pero titampuhan-Juan_Luna-1895nging makalaglag-matsing.

‘Yan daw ang ginagawa niyang pagpaparamdam sa babaeng napupusuan – sabi ng anak kong binata.  Ayaw niyang aminin na torpe siya.  Yan lang daw ang istayl niya.

"Tapos?" -- tanong ko.

"Tapos, depende sa kontra-tingin -- alam ko na ang timpla," sabi niyang alanganin ang ngiti.

Paano ba binababasa o linalasa ang tingin ng dalaga?

Eto ang paliwanag niya.

Pag ang balik-tingin ay wala lang, dedma, burahin mo na lang siya sa iyong alaala  Pag galit at inis, lumayo-layo ka na. At pag  bumulalas pa ng tawa, sampalin mo ang sarili mo o magpakain ka na lang sa buwaya.

Pero pag ang tingin sa iyo ng dalaga ay tila nagtatanong sabay kiling ng leeg, oy, may pag-asa.  Pag may ngiting pigil o manibalang, at  lalo na kung mamumula pa ang pisngi niya  –  aba, wagi ka!   Pag iwas-tingin naman siya, na tila nahihiya, malamang din may biyaya.

"Tapos, pag natimpla na?"

"Eh di magpapalitan na kami ng  phone number. Magtatawagan. Magyayayaan nang kumain, manuod ng sine, mamasyal. ‘Yun."

"Kayo na?"

"Kami na."

Pag "sila na," aasahan ko nang may bago na namang dalaga siyang laging dadalhin sa bahay – laging maganda, laging palangiti, at karinyosa. Minsan, nagtuturuan sila ng chess. Minsan naman naglalaro sila ng computer games.  Kadalasan, nanunood sila ng TV – DVD marathon ang tawag nila.  Kapag masyadong gabi na, "makikitulog na lang daw kung maaari."  Siempre, sa kuwarto ng binata ko hihiga ang bisita; siya naman sa sopa sa sala. Sos, ‘yan ang problema. Scrabble na namang magdamag si Nanay sa kompyuter sa sala!

Wala daw akong tiwala sa kanila, bulong-bulong ng anak ko.  Hindi ko lang masabi -- may tiwala naman ako sa kabataan; sa hormones nila, wala.

Minsan, ang anak ko naman ang hindi uuwi at makikitulog sa bahay ng nobya.  Hindi ko na pinag-aaksayahan ng buntong-hininga iyan. Matutulog na lang ako nang mahimbing.  Hindi ko na problema ‘yun.  Problema  na ‘yun ng nanay sa kabilang bahay.

Hindi ko na mabilang ang mga dalagang natulog sa bahay.  Papalit-palit kasi ng nobya ang binatang ngayon ay malapit nang maging matandang binata.

Hayskul siya nang matutong manligaw.

 

Ang pasimula: hayskul swarey

Third year hayskul nang may nag-organize ng soiree (binibigkas na swah-rey). School-sponsored daw, balita niya sa bahay. Ang walang muwang na mga magulang, naniwala naman. Pakana lang pala ng mga kabataan.

Ang ibig sabihin ng swarey ay isang panggabing sosyalan o evening party, ayon sa dictonary.com. Ngunit sa konteksto ng buhay hayskul, ito ay yung naka-planong "boy meets girl." O, mas tumbok, "boys meet girls." Sa kaso ng anak ko, ‘"boys from San Beda meet girls from St. Scholastica."

"Interaction" pala ang opisyal na tawag dito.  Boring daw ang interaction na ang paaralan ang nangasiwa.   Dahil may facilitators na karaniwang mga maestro, may leksyon na tinatawag na modules, may psychology-inspired learning materials.  Structured, conservative, dull--ay, parang nasa silid aralan!   At kailangang uwian na bago lumubog ang araw?! Nakakatawa nga naman, kung iisipin na ang diksyonaryong kahulugan ng swarey ay party sa gabi.

Mas masaya ang swarey na underground.  Sila-silang mga kabataan ang nagplaplano at nag-aareglo.   Bakit di sasaya?  May fruit punch na linagyan ng pangkiliting-vodka, may mga canapé, minsan may mobile disco, at may mga parlor games na may kapilyuhan, gaya ng newspaper dance (sayawan sa kakapiranggot na diario), seventh heaven (pitong minutong kuwentuhan ng mag-partner--na tinugma sa pamamagitan ng bunutan--sa loob ng closet, kung merong mahagilap na closet), at titigang walang kurapan.

Sa tutuo, hindi ko naman masyadong inusisa kung ano'ng nangyari sa swarey na yan. Ang alam ko lang, pagkatapos, may mga dalaginding na ang tinig ay matamis at matining ang tatawag sa telepono:  "Good evening po.  Puwede po bang makausap si A---?"

Ang hindi ko makalimutan: ang aking anak na hindi ko mapakanta ni minsan sa mga children’s party noong araw -- kumakanta sa telepono!!

Nag-umpisa lang sa swarey, tinginan/pakiramdaman, labas-labas (date), mahabang kuwentuhan sa telepono, date, holding hands, date, kantahan sa telepono, date, atbp.  (Ay naku, ayaw ko nang isipin ang "atbp.")  Nagkaintindihan na.

 

Uso pa ba ang 'I love you?'

Sa panahon ng MU-MU (mutual understanding), sinasabi pa ba ang "I love you?" Kung hindi, paano ba pinapahayag ang pagmamahal?

Sabi ng isang dalagang aking kakilala:

Nag-umpisa daw sila ng mahal niya na yaya-yaya lang.  Sa simula, may kasamang barkada.  Di nalaunan sila na lang dalawa.  Hanggang nanunuod sila ng concert. Hinawakan daw ang palad niya; hindi niya binawi.  Sumunod daw na labas nila, sa park, hinalikan daw siya sa pisngi; hindi niya sinampal. Aba, sabi niya sa sarili niya: "May boyfriend na pala ako."

Matagal bago niya narinig ang "I love you." At pagkatapos noon, bihi-bihira.  Ngunit okay lang.  Sa text, mas malambing at romantiko ang kanyang nobyo.

Hmm.  Wala nang  love letter?

Eh bakit pa, mas mabilis ang text at e-mail.

Hindi na gaanong binibigkas ang "I love you" dahil "action speaks louder than words," sabi pa ng kausap ko.

Sa isang forum onlayn, may nagtanong: "Mahal kita – uso pa ba?" At may sumagot:  "Alam mo me niligawan ako yan ang sinabi ko, tinawanan lang ako... para daw akong matanda sa una ... so sinabi ko sa kanya ... kung ayaw mo ng ganyan, eto na lang, ano, tayo na ba?  Five minutes later, siyota ko na ..."

Hindi na nga gaanong uso ang "I love you" ngayon.  Hindi na din uso ang ligawan, lalo na ang mahabang ligawan. "Courtship has been reduced to dating, where a man and a woman agree to a relationship." Pag lagi kayong magkasama, kayo na. Mutual understanding nga.

Pero ang huling balita ko, malapit na ding maluma ang MU ngayon. MOMOL na daw ang bago. Make-out make-out lang. Pero, iba na sigurong istorya yan.

 

Mga babaeng nanliligaw?

Ano itong nababalitaan kong may mga babaeng nanliligaw ngayon?!

Pamangkin kong binata na ubod nang guwapo ang tinanong ko kung naranasan na niyang maligawan ng babae.

Ngiting alanganin din ang sagot sa akin, sabay kamot sa ulo.

Hindi naman siguro ligaw yun, sabi nya.  “Pero, totoo, may kasamahan ako sa trabaho na umaming crush niya ako."

"Minsan, inabutan ako ng sandwich. Minsan hinatian ng tsokolate.  Baka daw gutom na ko, eh matagal pa ang break."

Natuwa naman daw siya sa nakaka-flatter na atensyon.  Dahil crush din niya yung prangkang dalaga, naging sila na din.

Sa isang forum sa pinoysajeddah21, may mga sari-saring opinion tungkol dito:

May nagsabi, paano daw ba kung torpe ang lalaki, di ba excused na kung ang babae ang gumawa ng "first move?"

Mayroon naming nagpahayag ng pagka-asiwa sa tila "pagbaligtad ng mundo."  Gusto pa din daw nila, lalaki ang nanunuyo.

Patas lang naman ang babae at lalaki, sabi naman ng isang tila malapad ang pananaw. Kung makapanliligaw ang lalaki, dapat ang babae din.

"Hindi naman sa pagmamayabang, naranasan ko na ‘yan," sabi pa nya.  Bumilib daw siya sa babaeng nagpahayag sa kanya ng pagmamahal.  Hindi daw bumaba ang tingin niya, bagkus gusto niya itong saluduhan.

And naging problema lang daw niya: "Mahirap mam-basted ng babae."

 

Ibang mundo?

Sinauna na marahil ang kapanahunan ko.  Medyo tradisyonal pa kasi ang kinagisnan ko.

Huwag kayong tumawa, ngunit sa makalumang panunuyo, hindi lamang ang dalaga ang sinusuyo kundi buong pamilya.

Noon, umaakyat ng ligaw ang binata sa tahanan ng babaeng mithi.  Nagpapakilala sa magulang.  Nagpapa-interview sa mabalasik na tatay.  Nagdadala ng siopao at kastanyas para sa nanay.  Masarap man ang huntahan, tatayo na siya para magpaalam bago magsimulang sumimangot ang nanay o maglatag ang tatay ng banig sa kabahayan.  At hinding-hindi siya doon matutulog, kahit abutan ng curfew ni Makoy o ng bagyong mala-Ondoy.

Humihingi din siya ng pahintulot na ilabas ang dalaga.   Susunduin niya at ihahatid sa tamang oras.

Titimplahin niya kung kailan siya magpapahayag: "Mahal kita.  Mahal mo ba ako?"

At handa siyang maghintay ng sagot sa tanong hanggang sa dulo ng walang hanggang niyang pagtitiyaga.  Dahil sa sayaw ng ligawan, ang dalaga ay paurong umindak at paikot-ikot habang ang lalaki ay pasulong ang hakbang.

Sabi sa "Pinoy na Pinoy" column ng Business World:  “Ang tradisyonal na dalagang Pilipina ay mahiyain at mapaglihim sa kanyang niluloob para sa isang manliligaw.  Ikakaila niya ito kahit mahal niya ang isang binata."

Ayon pa din sa Pinoy na Pinoy:

"Filipino women are expected to be pakipot (playing hard to get) because it is seen as an appropriate behavior in a courtship dance.   By being pakipot, the girl tells the man that he has to work hard to win her love.  It is also one way by which the Filipina will be able to measure the sincerity of her admirer.  Some courtships could last years before the woman accepts the man's love."

Pero alam ninyo ang sabi ng kababata at kumare ko?

"Alam mo, Mars. kung hindi ako niligawan ng kumpare mo, malamang siya ang niligawan ko." Love at first sight daw siya sa asawa at bago pa siya pinansin nito, pinagsabi na nga daw niya sa kanyang mga kakilala: "Yan ang lalaking magiging nobyo ko."

At teka, muntik ko nang makalimutan.  Noong ako’y nililigawan ng Mister ko  -- Hulyo noon, nineteen forgotten --   sabi niya, hihingin daw niya ang sagot ko sa sumunod na Pebrero (Valentine’s Day).  Ang tanong ko sa kanya: "Bakit ang tagal naman?"

Nagiba ba ang mundo?  O kaugalian lang ang nagbago? Hindi kaya sa kaloob-looban, ang nagmamahal, pare-pareho?

 

Bottom photo:  "Tampuhan," a classic painting  by Juan Luna, 1895, from  seasite.niu.edu

___

After retiring from the UP Institute for Small-Scale Industries where she handled publications and communications, Annamanila found her second wind as consultant, blogger, free lance writer and, lately, thepoc.net Buhay Pinoy channel editor.  Some of her blog pieces have been compiled into a book entitled In Another Dress published by Extempo Publishing.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

ever villacruz 26 April 10, 10:53 PM
pantay na daw ngayon ang pagmamahal, lalaki man o babae ang mauna...

walang pinipili- igrab na ang gusto kasi baka mawala pa. mu na saka na yung ligaw..:)
richard tan 29 April 10, 10:16 AM
kaya siguro ako sinabihan ng "yuck" ng niligawan ko noon. sabi ko kasi "maha kita" e baka gusto niya din yung dialog na "ano, tayo na ba?" hehe..

i don't believe na nawala na nang tuluyan yung traditional na ligaw-pinoy. may mga kakilala pa din ako na gumagawa at nakakatanggap ng sulat. yun nga lang kapag may okasyon lang yan tulad ng birthday, anniversary/monthsary, etc. lalo na yung interview with the parents. i don't think na mawawala yan.
jen_ruedas@yahoo.com 29 April 10, 03:21 PM
really, some of Filipino customs and traditions now are beign influenced by the west..para sa kin naman, it is okay for as long as the respec and the real love is there..a relationship won't work and won't last anyway if wala ito..but it is sad nga lang na minsan, nagiging laro nalang ito and hindi na sineseryoso ng mga kabataan..
RachelY 29 April 10, 05:24 PM
Hi Annamanila. Natuwa naman ako sa mga kwento mo.

Naku, iba na talaga ang panahon ngayon. Dagdag ko lang ... napansin ko na sa mga kabataan ngayon, di na masyado uso ang pagsundo ng lalaki sa babae sa kanyang tirahan. Madami na kasi sa mga babae ang nagmamaneho kaya siguro madalas hirit ng ka date, magkita nalang tayo sa ganitong lugar at sa ganitong oras. Para sa akin mas maganda pa din na sunduin ng lalaki ang babae sa bahay. Para naman may konting 'effort'. ha! ha!

Siguro nga tamad na ang iba sumulat ng love letter. Mas mabilis at madali daw mag email o mag text. Di pa din ako sang ayon sa email. Mas personal pa din ang sulat kamay. Di ba?

Importante pa din ang pagsabi ng I love you para sa akin. :)
tancube 30 April 10, 10:05 AM
di naman siguro tamad manundo ang mga lalake. minsan kasi may mga babae din na ayaw magpasundo at mas gustong magkita na lang sa kung saan man sila pupunta.

nag eeffort din naman ang mga lalake pag nagtetext. mahirap kaya itype ang isang short love poem sa cellphone. mahirap i-edit pag natype na sa keypad.. :p

pero sang-ayon ako na mas personal pag sulat kamay.
ang babaeng pula ang lipstick 05 August 11, 03:44 PM
gusto ko po ng ligawan. never out of date. salamat po sa article nyo ;)
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer