Si Kristo’y namatay. Si Kristo’y nabuhay. Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon.
Sabi nila, dito umiikot ang paniniwalang Kristiyano.
Ako’y Kristiyano dahil sinasamba ko si Hesukristo.
Mahal ko si Hesus at di gaanong mahalaga sa akin kung siya'y namatay at nanatiling patay, kung siya ay Diyos o tao o Diyos na nagkatawang tao o taong lubos na naging maka-Diyos at dahil dito’y nagkaroon ng pagka-Diyos. Hindi makakapagbago sa pagmamahal ko sa Kanya kung siya ay nagka-asawa o hindi, nagkana-anak o hindi. Kung naranasan niya ang mga bugso ng damdamin ng tulad nating "tao lamang" o hindi.
Teka, hindi yata masyadong totoo ang kasasabi kong 'yan. Kasi, kung ako lang ang masusunod, mas nais kong si Hesus -- si Hesus na Kuya ko,si Hesus na Pareng Jess para sa iba -- ay nakaranas ng buong ispektrum ng pagmamahal, tuwa, pagnanasa, galit, takot, lungkot, pag-aalinlangan – katulad ko at katulad ninyo. Masarap sa aking isiping siya'y tumatawa, naaasar, lumuluha. Na naranasan niya ang panhik-panaog ng kalooban ng “tao lamang” – minsa’y malakas, minsa’y mabuway, minsa’y patumpik-tumpik, minsa’y manhid, minsa’y nag-aapoy.
Si Kristo ang Superstar na isinabuhay ang ‘universal values” ng pagmamahal, pagpapatawad, pagbibigay, pagtulong sa kapwa, pagpapakumbaba, at pagpapakasakit. Isang dakilang guro na nagtuturo sa pinakitang halimbawa ng kanyang buhay (at pagkamatay). Ang pagiging "tao lamang" niya —kung sakaling ganoon nga – ay hindi kailanmang makakabawas sa kanyang kalakhan at kadakilaan.
Sa tingin ko, mas lalo Siyang kahanga-hanga kung Siya ay tao lamang -- may laman at dugong makalupa at kaluluwang abot-langit. Pinakita niya kung ano ang kaya ng "tao lamang." Tinuro niya kung ano ang ibig sabihin ng "nilalang sa hulmahan ng Diyos."
At hindi ba hinulma tayong lahat ng Diyos na maging mahina-malakas, makalupa-makalangit, kayang maging palamara at sakim, at kaya ding maging mapagbigay at mapagmahal? Kayang pumatay dahil sa galit at kayang ihain ang buhay dahil sa pagmamahal? Nilalang na punong-puno ng mga kabaligtaran na dinala sa daigdig ng kabaligtaran -- ng dilim at liwanag, ng araw at gabi, ng bundok at dagat, ng tamis at pait, ng buhay at kamatayan.
Hindi ba nilalang din tayong may bahid Diyos? Hindi kaya malaking kamalian ang sabihing tayo'y "tao lang?"
Hindi kaya ito ang dahilan na kahit saan tayo magsumiksik -- sa kadilimdiliman o kasuluk-sulukan -- hindi nating kayang taguan ang Diyos ni Kristo at ng Santinakpan. Tutuo nga He is so big, we cannot miss him even if we tried.
* * * * * * *
Feel ko talagang Kuya ko si Hesus. Kuyang kay lapad ng balikat, bulungan ng agam-agam at tagasalo at tagatuyo ng luha. Kuyang parang sikyo na alistong sisilbato at mangharabas ng batuta sa ano man o sino mang lalapit na may masamang balak sa akin.
Sa bahay, sa trabaho, at paglabas sa magulong mundo, tuwing gusto kong sumuko o mag-eskapo, tuwing malapit ko nang sabihin "Hinto na mundo, bababa na ako," at bago ko tuluyang itapon ang tuwalya sa arena, naalala kong sabihin kay Kuya: "Ikaw at ako-magkasama" o "we're in this together" sa Ingles na nakagawian ko na.
At magsusubok uli ako, damdam na nasa tabi lang siya -- aba, kaya naman pala. Ang mahirap sa akin, ang tigas na ulo ko. Kadalasan nakakalimutan ko, minsan mayabang ako, akala ko magaling ako, malakas at matalino, binubuno kong mag-isa. Nakakalimutan kong tawagin ang Kuyang laging naka-tenshun! at naghihintay ng "SOS!" na pangibik.
Kay sarap magkaroon ng Kristong Kuya.
Photo : “Bergognone, Christ Risen from the Tomb” by Sharon Mollerus, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









